36 Ang Isla

114 23 32
                                    

Ika-Tatlumpu't Anim na Kababalaghan

Ang Isla

ANG ISANG DIGMAAN kadalasan ay natatapos kapag may nanalo nang panig. Ngunit sa pagkakataong iyon, wala ni isa sa kanilang nakatarok ng magiging dahilan para itigil ang labanan.

Ilang oras pa lang ang lumilipas simula nang sumabak si Mart sa pakikipaglaban. Nakakailang aswang pa lang ang kaniyang napatatamaan. Dalawang sugat sa dibdib, tatlong hiwa sa likuran. Umangat na kuko sa paa, mga brasong puno ng pasa, isang ngiping lagas at nagdurugong labi. 'Yan pa lamang ang natatamo niya nang biglang humina ang patak ng ulan.

Nung una'y inakala pa niyang gawa ito ng kaniyang lolong si Gat Panahon ngunit maging ito'y nagtataka sa nangyari.

Sandaling huminto rin sina Yana at Rigel para magpahinga. Malaki ang naitulong ng hukbo ni Tomás. Lalo na ng bago nilang kaibigang higanteng bituin, ang Talang Batúgan na minsan nga'y 'di namimili sa pinupuntirya.

Isang malakas na lindol ang nagpatigil sa kanilang ginagawa. Tila nagaalboruto ang isla, kung posible man iyon.

Hinanap ni Mart ang tingin ng kaniyang mga kasamang nakatulala at nagtataka. Hanggang sa masaksihan nila ang bagay na alam naman nilang mangyayari't mangyayari. Pero 'di nila inasahang ganoon kabilis.

Natuon ang atensyon nila sa matayog na Balete, ang tinaguriang hari ng mga puno. Kulay abo na ito't maputlang nauubusan ng buhay. Hanggang sa unti-unting naglalagas ang mga dahon at bumabagsak ang mga baging nito. Ang puno ay dahan-dahang nawawasak.

"Ang engkantada," sambit ng Supremo. Ang bawat kabalyero'y nakanganga at 'di makapaniwala. "Tuluyan na siyang lumisan."

Napalunok ng laway si Mart. Totoo ba ang narinig niya? Ang tusong engkantada, si Reyna Ana, ay totoo nga bang natalo na ng kuya niyang si Mike? Ngunit bakit lungkot ang nangingibabaw sa mukha ng bawat malignong naroon? Ang kaninang mababangis na nakikipaglaban, ngayon ay mga nakaluhod at nakayuko, tila nagsisisi sa kanilang mga ginawa.

Agad na nag-aalala si Mart at kinamusta ang kaniyang lolo sa may kabilang panig ng parang, katabi ng bungisngis na ngayo'y malalim nang nakabaon sa putikan.

Matikas ang tindig at pang-datu ang kasuotan ngunit wari'y hinabol ng edad ang itsura ngayon ni Gat Panahon. Bagama't bakas ang lungkot at panghihinayang, mariin pa rin nitong pinagmasdan ang pagbagsak ng dati nilang Kaharian.

"Lo," halos pabulong na tawag ni Mart.

Ilang segundo bago ibinaling ni Gat Panahon ang kaniyang tingin. "Alisin mo ang iyong takot, Mart. Malayo na ang iyong narating. Dito ka pa ba susuko?"

"Hindi po." Kinagat niya ang mga labi at huminga ng malalim.

Sabay-sabay silang napatingin sa liwanag sa may gilid ng puno na ngayo'y malaking tipak na lamang ng buhangin. Nang maglaho ang ilaw, bumungad ang tatlong taong magkakahawak ng kamay- ang nakaputing dalaga na si Maria at ang dalawang magiting na Maginoo.

"Ate! Kuya!" sigaw ni Mart sabay takbo papunta sa direksyon ng kaniyang mga kapatid. Sabik na sabik silang nagyakapan.

Tumigil na ang buhos ng ulan at lumabas ang liwanag ng araw na malapit na ring lumubog. Nawalang kusa ang mga hamog sa paligid.

Namangha ang bawat malignong naroon sa muling pagbabalik ng anito ng pagmamahalan, ang dalagang binihag ng ilang buwan ngunit wala pa ring kupas ang kagandahan.

"Mahal na Diyan Masalanta," tawag ni Señor Tomás na agad na iniluhod ang isang tuhod sa lupa at yumuko bilang paggalang. Sumunod rin sa kaniya ang lahat ng mga maligno. Maging ang mga aswang at engkanto na ngayo'y mga bihag na ay 'di makatingin ng maayos sa dalagang umaapaw ang kadalisayaan.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatWhere stories live. Discover now