Prologue

2 0 0
                                    

Binondo Manila Abril, 1898

"Señorito handa na po ang karwahe." Napatingin ako sa utusang nakayuko habang nakatayo sa gilid ng pintuan.

"Susunod ako." Sagot ko rito. Yumuko itong muli bago umalis.

Tinigan ko ang imbitasyong hawak ko. Isinasaad dito ang kaarawan ng Heneral sa kanyang bahay sa karatig bayan. Natitiyak kong maraming panauhin ang dadalo pati mga sundalo'y imbitado rin sa kasiyahan. Usap usapan ito sa buong Binondo, Intramuros, at ilang pang lugar sa kamaynilaan. Tanyag ang Heneral dahil sa ito'y likas na may magandang loob. Kaya't kinahuhumalingan at hinahangaan siya ng mga mamamayan.

Inayos ko ang aking kasuotan isang kulay kremang barong na gawa sa sedang organza. Tiningnan ko ang aking repleksyon sa salamin. Bumagay sa akin aking kasuotan dahil mas nadedepina ang kaputian ng aking balat.

Nang kuntento na ako sa aking sarili ay pumanhik na ako palabas ng aking silid. Sinakop ng tunog ng aking sapatos ang katahimikang bumabalot sa pasilyo ng mansyon. Tanda na ako lamang ang nakatira rito. Natanaw kong naghihintay si Rino sa tabi ng kalesa habang hinahagod ang ulo ng kabayo.

Tumango ako sa kanya senyas na handa na kaming umalis. Umakyat ako sa kalesa at pumuwesto sa likuran, habang si Rino naman ang nasa unahan  na siyang nagmamaneho.

" Rino balikan mo na lamang ako mamaya kapag lumipas ang dalawang oras." Bilin ko kay Rino habang nakasakay kami sa karwahe.

"Opo, senyorito." Magalang na sagot nito sabay hampas sa kabayong minamaneho nito.

Maliwanag ang paligid kahit gabi na. Dahil sa kabilugan ng buwan na siyang nagbibigay liwanag sa paligid. Napatingin ako sa buwan. Napakalaki nito at napakaliwanag. Habang tinititigan ko ito'y nakararamdam ako ng kagaanan.

Nadaanan namin ang mga palayang tila ba sumasayaw at sumasabay sa simoy ng hangin.   Nakarating Kami sa ilog ng Binondo na maririnig mo ang daloy ng tubig sa paligid at ang ingay ng kulisap at ng karwahe ang maririnig sa daan.

Malapit na kami sa bahay ng Heneral. Natatanaw ko mula rito ang nagliliwanag na bahay ng Heneral na puno ng mga palamuti at maririnig rin ang masiglang tugtugin ng orkestra.

Tumapat ang karwahe sa malaking bahay. Bumababa pa lamang ako sa karwahe ay sinalubong ako ni Tiya Esperanza ang pinsan ng Heneral.

"Diego, ang magiting na kanang kamay ng Heneral." Papuri niya sa akin sabay halakhak.

Nailang ako dahil dito ngunit ako'y napangiti na lamang.

"Halika gagabayan kita sa loob." Anyaya Niya. Sumunod ako. Pagpasok ko sa loob ay napuno ng ingay ang aking tenga. May humahalakhak, may nagkakamustahan at may nagkakainitan ng ulo.

Dinala niya ako sa kinaroroonan ni Heneral Gustavo ang siyang may kaarawan. Kausap niya ang mga prayle at kadete. Napangiti siya nang makita ako.

"Maligayang kaarawan po Heneral. " Yumuko ako bilang paggalang.

"Diego! Ang susunod na Heneral." Humalakhak ito sabay tapik sa balikat ko.

"Hindi ba't napakabata naman niya kung siya ang susunod sa iyong puwesto Heneral?" Tanong ni Senyor Felicio.

"Wala naman sa edad ang pagiging isang Heneral, Felicio nasa puso Yan na handang magsakripisyo para sa bayan. Si Diego ang pinakamagiting at tapat kong sundalo. Magaling siya sa labanan at handa siyang i-alay ang kanyang buhay para sa inang bayan." Pangdidipensa sa akin ni Heneral Gustavo.

Umasim ang mukha ni Senyor Felicio ngunit kalauna'y napangisi ito. "Hindi ba't ikaw ang anak ng Heneral na iniwan ang kanyang tungkulin para sa isang hamak na babaeng espanyol?" Nakangising tanong nito.

Kumulo ang dugo ko dahil dito. Anong karapatan niyang ibalik ang mga pangyayaring iyon. Alam kong ginagawa niya lamang ito para mabawasan ang tiwala ng Heneral sa akin at para ang kapatid niyang duwag ang maluklok sa posisyon. Wala akong pakealam kung sino man ang maluklok sa pwesto ngunit kung isang duwag ang laklakin ang magiging Heneral na aking paglilingkuran ay mabuting ako na lamang ang tumungtong sa puwesto kung ito ang makakabuti sa inang bayan. Walang lugar ang mga walang kwenta sa ating bayang tinubuan.

"Felicio..." Saad ni Heneral Gustavo sa nagbabantang tinig.

"Hindi ba't iyon naman ang totoo? Iniwan ng kanyang ama ang kanyang tungkulin sa bayan para sa walang kwentang kadahilanan. Pinagtaksilan niya ang Pilipinas dahil sa isang espanyol imbes na nandoon siya sa labanan nakikipag-gyera sa kanila. Para sa akin ay nararapat lamang ang nangyari sa kanila. Nararapat lamang ang karumal-dumal na pagpatay sa kanila dahil sa kanilang pagtataksil-

Bago pa niya matapos ang kanyang salita ay dumatay ang aking kamao sa kanyang mukha. Tumama siya sa lamesa at nahulog ang mga pinggang naroroon dahilan ng kanilang pagkakabasag. Nagulat ang lahat sa nangyari maski ang Heneral. Napatingin ang lahat sa Senyor na nasa sahig sabay lipat ng tingin sa akin.

Napahawak ang Senyor sa kanyang ilong na dumuduho. "Ikaw!" Sigaw niya habang dinuduro ako.

Nanginginig na lumapit si Senyora Cristina sa kanyang asawa at inilabas ang isang panyo. Tinulungan niya itong tumayo at tiningnan ako ng masama.

"Wala ka talagang ipinagkaiba sa mga magulang mo! Napakaeskandaloso!" Singhal niya sa akin napuno ng bulung-bulungan ang lugar.

Tumalikod ako at nagsimulang humakbang paalis sa bulwagan. Narinig ko ang pagbabalik sigla ng bulwagan pagkaalis ko roon. Nakatayo ako sa malaking pintuan. Napansin ko ang hagdanan papunta sa ikalawang palapag ng bahay papunta sa balkonahe. Nagtungo ako papunta roon.

Walang katao-tao sa ikalawang palapag. Lahat ay abala sa ibaba.

"Wala ka talagang ipinagkaiba sa mga magulang mo! Napakaeskandaloso!"

Napangiti ako ng mapait. Lahat ay gagawin ng aking ama para sa pagibig. Yun ang dahilan ng pagkasira ng kanyang reputasyon. Masaya ako dahil sa ginawa niya para sa aking ina. Ngunit hinding-hindi ko hahayaang sirain ako ng sarili kong pagibig. Hindi ako katulad ng aking ama. Hindi ko kayang gawin lahat para sa pagibig.

"Tingnan mo ang kabilugan ng buwan, napakaganda, napakaliwanag, siya ang tanging nangingibabaw sa gitna ng madilim na kalangitan. Ang buwan ang saksi sa lahat, sa aming pagiibigan ng iyong ina."

Ang mga katagang iyon ang pumapasok sa aking isipan. Tuwing nakatingin ako sa buwan. Tanaw ko mula rito ang kabilugan nito.

Napalingon ako sa likuran. Isa itong mahabang pasilyo. Nagsimula akong maglakad papunta rito. May mga nakasabit na bumbilya na nasisiguro kong nanggaling pa sa Europa.

May mga obra maestrang nakasabit sa dingding. Ngunit nakapukaw ng atensyon ko ay ang isang obra sa dulo ng pasilyo at itoy nakahiwalay sa lahat ng larawan.

Lumapit ako rito. Makikita rito ang isang tulay na siyang kinatatayuan ng isang babae at lalakeng nakatalikod at pinagmamasdan ang buwan. Napatalon ako sa gulat ng may tumunog na parang kampana. Napalingon ako sa pinangyayarihan ng tunog. Isa itong Lolo orasan tumutunog ito tuwing alas-dose.

Hating Gabi na pala. Binalik ko ang tingin sa larawan ngunit laking gulat ko nang ito'y lumiwanag, kinusot ko ang aking mata baka namamalikmata lamang ako ngunit pagdilat ko'y ganun parin. Nanginginig kong hinawakan ang larawan ngunit hinigop ako nito papaloob.

"Aaaggghh!!!" Napasigaw ako dahil sa nararamdaman ko. Parang mahihiwalay ang ang kaluluwa sa katawan ko. Ramdam ko rin ang pagkahilo. Ano bang nangyayari? Hanggang sa nawalan ako ng malay.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 03, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Take Me Back In TimeWhere stories live. Discover now