Chapter 1

666 46 20
                                    

these are musings... wala akong sinusundang pattern ng pagsusulat sa ngayon. kung ano ang maisip ko, diretso type.

comments are welcome.

dig in.

****************************

EWAN ko kung ako lang ang ganito, pero kapag umuuwi kami at nakikita ko ang arko ng San Clemente, naluluha talaga ako. The dDH... short for dearly Departed-Husband, used to tease me about it. Iyakin daw ako.

Ano ang name ng dDH? Nick. Nicolas Hernandez, the Third. Gusto niyang maging 'the Fourth' noon si Gael. Ayoko. 'Yong lolo kasi ni Nick, si Lolo Kulas, kawatan. Nabilanggo no'ng araw dahil sa pagkatay at pagbenta ng kalabaw na hindi sa kanya. Ang tatay niyang si Daddy Nicoy, babaero. Ang tiyuhing si Tito Nico, addict at nasa rehab.

Nick, though, was perfect. In my eyes. The best husband. Loving, caring, thoughtful, generous... in and out of bed. Ay, 'wag tayo d'yan. Too much info.

But can we not talk about the dDH? Ayokong umiyak, eh. Medyo tumataas siguro ang kilay ng iba na nagagawa kong mag-joke tungkol sa kanya sa kabila ng nangyari. Eh, pero nakita ko kasi siyang nahirapan. I know he's in a better place now. No more pain.

For the record, I refused to sign the DNR – Do Not Resuscitate form. Ayoko siyang pakawalan noon. Bumigay siya, eventually. Ayoko sabing magdrama ngayon!

Sasabihin ko na lang muna na close sila ni Gael. Pareho silang cute. Nakuha ni Gael ang best features ni Nick. Matangos na ilong. Deep set eyes. Dimples na lumalabas lang kapag ngumiti. Still, I refused to name my son Nicolas Hernandez, the Fourth.

Sabi ko no'n ang pogi ng Gael na name. Artistahin daw sabi naman ni Nick. Nagulat pa ako na kilala niya sina Gael Garcia Bernal at Joaquin Phoenix.  Promdi rin kasi si Nick. Laking IBC-13 at RPN9 at exposed lang noon sa mga movies nina Jun Aristorenas at Lito Lapid.

Anyway, hindi naman ako affected sa pang-aasar noon ni Nick tungkol sa arko. Masarap sa pakiramdam ang umuuwi sa hometown. Kaya ramdam na ramdam ko ang linya ni Scarlett O'Hara sa Gone With the Wind na 'I'll think of it all tomorrow, at Tara.' San Clemente is my Tara.

Small, sleepy town ang San Clemente. Pero kahit papaano, marami na ring pagbabago mula no'ng huli akong umuwi. May ATM at 7-Eleven na ngayon. May supermarket na daw na tumatanggap ng credit card. At dahil nga maliit lang, halos magkakakilala ang mga taumbayan.

Noong isang araw lang, may tanong sa gradeschool group chat 'yong batchmate naming caregiver sa Canada. Kung may nakakakilala raw ba sa ka-chat niya. Boyfriend na raw niya. Now, isa sa mga classmate namin, konsehal. Natural, kilala ang mga botante. 'Ayun, na-background check in just one minute, si guy. Married daw. Brokenhearted si classmate.

Pero itong GC namin, nakakatuwa. Madalas, reminiscing kami. Kung sino ang terror na teacher noon. Sino ang crush dati ni ganito. Ang crush ni ganyan.

May grade school crush din ako no'n. Si Nathan. Nasa California ngayon. Happily married. Malapit sa Disneyland ang bahay. Sabi niya sa GC, crush daw niya ako noon.

I was like... whaaaat! After ten thousand years malalaman mong crush ka rin pala noon ng crush mo?

Swear daw. Kaya nga raw ba-bike-bike sila noon ng isa pa naming classmate na si Sherwin malapit sa bahay namin. Sisilay mula sa malayo. Hindi makalapit. Nasa dulo kasi kami ng kalsada. Irigasyon na ang likod. Saan naman sila magkunkunwaring pupunta? Magsu-swimming sa irigasyon??? Eh, rich kid si Nathan. Kahit public school kami nag-elementary, seminaryo siya nag-highschool.

Nakakatawa, pero dahil sa kuwentuhang iyon, hindi ko tuloy maiwasang isipin kung ano kaya ang nangyari kung nagsabi si Nathan ng feelings niya noon. Siya ba sana ang first boyfriend ko? Baka. Hindi sana si Zeus.

Yep, the first boyfriend's name was Zeus! Is pala. Buhay pa. As far as I know.

Wala kasi talaga akong balita sa Zeus na ito. 'Di ako nakibalita, ever. Nakahiyaan ko siguro. Pero aaminin ko, marami akong naaalala tungkol sa kanya. First love, eh. Hindi naman sa nag-effort akong isipin siya sa nagdaang mga taon. 'Yon bang maaalala mo lang kasi may maririnig kang kanta, may makikita kang lugar...

Wait, why am I suddenly talking about my first love?

Dahil ba sa hangin ng San Clemente? Dahil ba sa natatanaw kong punong mangga mula sa bintana naming capiz na dinudungawan ko ngayon? Baka.

Ang earliest memory ko kay Zeus ay noong Grade 5 ako.

O, 'wag ma-shookt! Ang kilay, ibaba! Crush lang ito no'n.

Mas matanda si Zeus ng four years. Third year high school na siya noon. 'Di ko matandaan kung paano ko siya naging crush. Pero siya lang kasi ang crushable sa barangay namin. Medyo matangkad siya sa height na five feet and nine inches. Singkit kahit sa pagkakaalam ko ay wala namang lahing Chinese. Moreno.

Kapag ngumingiti itong Zeus na ito noon, parang linya na lang sa mukha niya ang mga mata. Parang Richard Gere. Kaya paulit-ulit kong pinanood noon ang Pretty Woman. Memorized ko ang dialogues.

Sa local actor naman, Romnick Sarmenta ang kahawig noon ni Zeus. Si Romnick ang pinakapoging singkit na artista noon. Si Romnick ang Daniel Padilla ng kabataan namin. Ang oppa ng kabataan namin! Ngayon, tatay na ang mga role ni Romnick sa pinilakang tabing. Oh, well, tatay na rin naman si Zeus. O baka lolo na? I don't know.

May ipinagpi-pray ako noon sa araw-araw. Iyon ay ang makasabay si Zeus sa tricycle. Noong mga panahong iyon, tricycle ang kaisa-isang mode of transportation papasok ng school. May unwritten rule pa kami noon sa pagpuwesto sa tricycle. Mas bata, mas chaka ang puwesto.

One time, sa tricycle ni Manong Orlan, kinailangan kong mag-backride dahil may dalawa nang nakaupo sa loob ng sidecar. Okay lang naman. 'Pag pinagbigyan ni Lord ang dasal ko, 'tabi kami ni Zeus sa backride. Exciting, 'di ba?

Not my lucky day, though. May isang girl kasing pumara. Classmate ni Zeus. Nagkatabi kami ni Ate Girl. Naka-Johnson's baby cologne blue siya.

Better luck next time. Umusad na ang tricycle...

Pero nang ilang metro na lang ang layo namin mula sa bahay nina Zeus, nakaramdam ako ng panghihinayang. Nando'n si Zeus sa sidewalk. Naka-khaki pants, naka-white polo. Naka-school uniform lang pero napakabilis ng heartbeat ko.

Tumigil si Manong Orlan. Obviously, isasakay pa rin si Zeus. Kung saan pupuwesto, hindi ko alam. Baka papapasukin si Ate Girl para magkatabi kami ni Zeus sa backride? Why not! Libre namang mangarap, 'di ba?

Pero nang lumingon si Manong Orlan at sa akin tumingin... uwian na, may nanalo na. "Do'n ka na sa loob, 'ne," sabi niya.

Gusto kong sumigaw. Pumadyak-padyak. Bakit ako ang papasok at uupo sa maliit na upuan? Bakit si Ate Girl ang makakatabi ni Zeus sa backride!!!

Pero ano'ng magagawa ng isang bata sa desisyon ng tricycle driver?

Sa mga sandaling iyon noon, naisip kong wala yata talaga akong pag-asa kay Zeus. Pati tricycle driver may say! It was a love story that seemed to be doomed from the very beginning.

Napangiti ako. Naa-amaze akong naaalala ko pa ang isang bagay na nangyari thirty years ago. Eh, ni hindi ko na nga maalala kung kailan huling sumagi sa isip ko si Zeus!

Something Old, Something New (printed copies now available)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon