"DITO ka pala nag-aaral," puna ng lalaki nang makababa na si Sissy sa motorsiklo nito. Dahil para itong lumilipad magpatakbo ay napaaga siya ng halostatlumpung minuto sa tapat ng building ng Business Administration na siyang kurso niya.
"Oo. O ayan bayad ka na sa utang mo. Quits na tayo," aniya rito. Gusto na niyang magpaalam rito pero ayaw gumalaw ng katawan niya at ayaw lumabas sa bibig niya ang salita. Tumayo lamang siya roon habang ito naman ay nakasampa pa rin sa motorsiklo nito at ginagamit nitong kalso ang mga paa.
Huminto ang tingin nito sa kaniya. "Fine," simpleng sabi nito at muling binuhay ang makina ng motor nito at isinuot ang helmet na hinubad niya. Akala niya ay aalis na ito pero muli itong humarap sa kaniya. "Wala ka bang nakakalimutan Crizzelda?" biglang tanong nito na nagpalaki ng mga mata niya. Paano nito nalaman ang buong pangalan niya? Nang tila nahulaan nito ang naiisip niya ay may dinukot ito sa bulsa nito at iniabot sa kaniya. Ang i.d niya na kanina ay nasa ibabaw ng bag niya! Ni hindi niya napansing wala ito roon. "Don't go to school without your i.d next time," sabi nitong kahit seryoso ay nahuhulaan niyang inaasar siya.
Pinaningkitan niya ito ng mga mata. "Kinuha mo ang i.d ko."
Pinaalburoto nito ang makina ng motor nito. "Unlike you I know how to find out someone's name when I need to," sabi nito.
Sa sinabi nito ay bigla niyang naalala na hindi pa nga pala niya alam ang pangalan nito. Napatitig siya rito. Sinasabi ba nito na itanong niya rito ang pangalan nito? Hindi pa man niya naibubuka ang bibig ay napalingon na siya nang sa di kalayuan ay may apat na motorsiklong huminto doon. Nakilala niya agad ang mga iyon. Ang Biker's Club na sikat sa unibersidad nila. Alam niya iyon dahil si George Calma, ang ayon sa chismis ay lider ng grupo ay ang running for Summa Cum Laude sa college nila. Dahil kay George kaya palagi na lang siyang tanging pangalawa lang sa Dean's list ng College nila. Pero sa pagkakaalam niya ay nasa amerika na si George at doon na itinuloy ang pag-aaral. Kaya may posibilidad na siya ang maging top ng kolehiyo nila ngayon.
Kumaway ang mga ito sa panig nila. Sa gulat niya ay gumanti ng kaway si Jet sa mga ito at pagkatapos ay lumingon sa kaniya. Hindi ito nagsalita at inalis na ang tingin sa kaniya. Akmang aalis na ito nang hindi rin siya nakatiis. "Teka anong pangalan mo?" tanong niya.
Muli itong lumingon sa kaniya. "Jet," simpleng tugon nito at tinanguan siya. Pagkatapos ay pinaandar na nito ang motorsiklo nito palapit sa Biker's Club. Base sa masayang bati ng mga ito sa isa't isa ay mukhang malalapit na magkakaibigan ang mga ito. Lumingon pa ang mga ito sa kaniya at kumaway. Pagkatapos ay magkakasamang umalis na ang mga ito. Napasunod na lang siya ng tingin sa papalayong mga motorsiklo.
Jet. It has a nice ring to it. Napangiti siya.
KAKAABOT pa lamang ni Sissy ng order na beer ng isang grupo ng customers nila sa isang waitress nang lumapit sa bar counter ang apat na lalaking hindi niya maipagkakamaling miyembro ng Biker's Club. Napaatras siya nang makitang mataman siyang tinitingnan ng mga ito. May bakas ng curiousity sa mukha ng mga ito. Bigla ay nakaramdam siya ng pagkailang. Posible kayang nakilala siya ng mga ito kanina at nang pumasok ang mga ito sa Biker's Grill ay namukhaan siya ng mga ito? Imposible naman siguro. Masyadong malayo ang mga ito nang makita niya ang mga ito sa eskuwelahan.
Alam niyang nagpupunta rin ang mga ito roon dahil ilang beses na niyang nakita ang mga ito roon. Hindi nga lang napapalapit sa bar counter ang mga ito. "Anong order ninyo?" alanganing tanong niya sa mga ito.
"So it's really you. Ikaw iyong babaeng hinatid kanina ni Jet sa school tama?" sabi ng singkit ang mga mata. Sa pagkakatanda niya ay Yuuji ang pangalan nito.
BINABASA MO ANG
TIBC BOOK 5 - THE TROUBLEMAKER
RomancePara kay Sissy, isang misteryo si Jet Montero. Parang may lihim na itinatago ang guwapong binata sa pagkatao nito. Masungit din ito at madalas napapaaway, pero pagdating sa kanya ay umaamo ito na parang tupa. Alam niyang imposibleng ma-in love siya...