Tinakasan ko ang aking pinanggalingan upang makaranas ng kapayapaan sa aking isipan at kalooban. Dinala ako ng aking mga paa kung saan, hindi ko inaasahang habambuhay itong magmamarka sa aking gunita paglipas ng mga panahon. ******** Magmula nang napadpad ako dito sa Ubujan, nalulong ako sa kuryosidad paukol sa sinasabing makasaysayang naganap rito. Tinigmak ng dugo, at buhay ang ipinunla; halos walong dekada na ang lumipas. Kung hindi pa ako nagbasa ng ilang libro at tumunghay mismo sa naganap noong mga panahong iyon, marahil hanggang ngayon ay itinuturing kong kathang-isip ang mga narinig at naisalaysay ng mga mamamayan ng Ubujan.