Kung marami na nga ang namamatay sa maling akala iisipin ko na talagang torture ito. Pero bakit ko nga ba mas pinili ang ganitong sitwasyon? Minsan iniisip ko napakatanga ko lang talaga na kahit na ano pang gawin mong pagsusungit at pagtataray sa akin ay nagagawa pa rin kitang suyuin. May punto na parang palagay ang loob natin sa isa't-isa. May punto naman na para bang kinasusuklaman mo na ako. Pero kahit na ganoon ay heto, nandito pa rin ako at patuloy na naghihintay. "Hmm, sorry," napakatipid na sambit mo. Hindi ko nga alam kung saan na bang lupalop nakakarating ang isang salitang gaya niyan. Napakadaling paniwalaan para sa akin dahil ikaw naman ang nagsabi, pero dumating yung punto na napagod na lang ako. "Pasensiya na rin. Nakalimutan ko kasi...hindi nga pala tayo. Kaya siguro dapat ilugar ko na lang ang sarili ko sa tamang lugar at tao." Ngumiti ako at nilagpasan ka. Ngumiti ka rin, pero kitang-kita sa mga labi mo ang mapait na katotohanan. "Mahal mo pa rin ba ako?" tanong mo. Isang tanong na nakapagpatgil sa akin. Ang tanging nagawa ko na lamang ay lumingon, ngumiting muli...at umiling.