01

53 7 0
                                    

Hawak-hawak ni Dos ang kamay ni Glydel habang papasok sila sa kainan. Pinagtitinginan sila ng mga tao, dahil sa suot ni Dos na uniporme. Idagdag mo pa ang bahid ng dugo ro'n. Pumangit tuloy ang magara niyang kasuotan, dahil sa tilamsik ng dugo.

“Papa?” Tumingala si Glydel sa kaniya. Binuhat naman siya at inupo sa upuan na malambot. Muli niyang pinagmasdan ang mga matang sa kaniya ay nakatuon.

“Hmm..?”

“Hindi ba nila ako huhulihin? O ikukulong? Kasi parang napatay ko 'yong mga lalaki kanina eh.” Hininaan niya ang boses niya, sa takot na baka isumbong siya ng mga tao ro'n sa pulis. Imbes na sagutin ang tanong niya ay tinawanan lang siya ni Dos. “Hindi ko naman 'yon sinasadya. Nabigla lang naman ako, Papa.” Dinepensahan niya kaagad ang sarili.

“Pinatulog mo lang sila, anak. 'Wag mong isipin 'yon,” nakangiting sambit ni Dos. Napangiti rin tuloy ang paslit, dahil narinig niyang tinawag siya nitong 'anak'. “Hindi ka makukulong dahil isa kang bayani.”

“Ako? Bayani?” gulat na tanong ng paslit. “Parang ang hirap naman yatang paniwalaan no'n,” bulong niya, dahil napakabata niya pa para maging isang bayani. At sa pagkakaalam niya, lahat ng bayani ay namamatay. Buhay pa naman siya eh, buhay na buhay.

“Oo,” tumango si Dos at ngumiti. Naupo siya sa tabi ng bata. “Tama lang na pinatulog mo sila, para hindi na sila mapagod.” Inayos niya ang buhok ni Glydel na sabog-sabog na. Napangiwi si Dos dahil tila lalo niya yatang nagulo ang buhok ng bata. Nagpatay-malisya na lang siya nang bitawan niya ito.

Ano nga bang alam niya sa pag-aayos ng buhok? Eh buong buhay niya ay baril at mga sandata na ang hawak niya.

Napangiti naman ang paslit nang mapagtanto niya ang sinabi ng kausap. “Eh 'di very good pala ako,” sabi niya sabay tawa.

Maging si Dos ay nahawa sa sarap nang pagkakatawa ni Glydel. Nang dahil do'n ay pinagtinginan sila ng mga tao. “Ang husay mo anak. Tinuruan ka ba nila Singko na humawak ng baril?”

“Hindi ko 'yon sa kanila natutunan.” Nangunot ang noo ni Dos, dahil sa sagot ng bata. “Sa 'yo,” dinunggol niya ang dibdib nito. “Napanood ko sa 'yo, kaya ginaya ko kasi ang galing mo eh.” Pinalakpakan pa siya nito.

Pinipigil ni Dos ang pagkunot ng noo niya, dahil sa totoo lang ay hindi niya mapaniwalaan ang sinasabi nito. Posible ba talaga na matutunan niya ito nang gano'n lang kadali? O sadyang nataranta lang siya kaya niya 'yon nagawa nang biglaan?

“Eh Papa, Papa,” panay ang kalabit sa kaniya ni Glydel kay nahinto siya sa pag-iisip. “Kailan sila magigising? 'Yong mga lalaki? Bukas? Sa isang araw? O sa susunod na susunod pang bukas?”

“Hindi ko alam, basta magigising din 'yon.”

“Ah... gano'n pala ang gagawin...” Napatango si Glydel sa naging sagot niya. “Buti na lang hindi ako binabaril nila Mama kapag ayaw kong matulog.” Nanlaki ang mata  ni Dos, dahil sa narinig. “Salamat naman...” dagdag pa niya na tila nakahinga nang maluwag.

Hindi mapigil ni Dos ang kaniyang tawa. Hindi niya inaasahan na mapapasakay niya ang bata sa sinabi niya. “Kaya susunod ka kapag sinabi nilang matulog na, kung ayaw mong mabaril. Maliwanag ba?”

“Ano bang pakiramdam nang mabaril, Papa?”

“Hindi ko alam.” Talaga namang ikinagugulat ni Dos ang mga salitang lumalabas sa bibig ng bata.

“Barilin mo nga ako minsan, para malaman ko, ha?”

Napanganga ang makisig at matapang na si Dos. Ilang minuto pa siyang gano'n bago nakakurap ng ilang beses. “Ano bang klaseng bata ito?” bulong niya.

CARMELA (UNDER REVISION)Where stories live. Discover now