PROLOGUE

95 7 0
                                    

Hawak-hawak ni Glydel ang manikang bigay sa kaniya ng kaniyang Mama at Papa. Sobrang saya niya kahit na hindi naman manika ang gusto niyang matanggap. Ang gusto niya kasi ay kotse-kotsehan, 'yong remote control at umiilaw.

Excited na excited siyang ipakita sa Mama niya na nilalaro niya ang dala nilang pasalubong sa kaniya. Ilang araw na kasi silang hindi umuuwi, kaya rito siya kina Jaime natutulog. Hindi niya maitatangging nananabik siya sa mga magulang at gano'n na rin sa kapatid na si Gloria.

Natigilan siya sa paglalakad nang marinig niyang may nag-uusap. Sumilip siya kaya nakita niya ang Mama't Papa niya kasama ang Ate Gloria niya at si Dos.

“Ikaw na muna ang bahala kay Glydel. Hindi na namin siya ginising, dahil iiyak lang 'yon,” sabi ng Papa niya kay Dos.

Nagtaka siyang muli nang makitang mas malaki at mas marami na ang dala nitong mga bag. Mukhang aalis na naman sila at base sa sinabi ng Papa niya ay wala itong balak na ipaalam sa kaniya.

“Walang problema, Quatro,” nakangiting sambit ni Dos. “Binabati ko kayo ni Singko.” Tipid niyang nginitian ang Nanay ng bata.

“Sige na, kailangan na naming umalis dahil kailangan na kami ro'n,” paalam nito. Hinanda na niya ang maleta na dadalhin nila.

“Mag-iingat kayo,” ani Dos.

“Mama! Papa!” Umiiyak si Glydel habang nananakbo palapit sa kanila, dahil sa narinig ay nalaman niyang paalis na naman pala sila; at gaya nang dati ay iwan na naman siya. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi siya kasama sa lakad nila. “Saan kayo pupunta?” Pinagmasdan niyang muli ang mga dala nilang damit. Napakarami talaga no'n at parang matagal na hindi babalik.

Lumingon ang kaniyang ama sa kaniya. “May mahalaga kaming gagawin, anak. May trabaho kami ng Mama mo.”

“Bakit si Ate Gloria kasama, ako iwan?” nakangusong tanong niya. Sinubukan niya pang pigilan ang luhang rumaragasa mula sa mga mata niya gamit ang mumunti niyang mga kamay.

“Mag-aaral na kasi ang Ate mo.”

“Eh 'di mag-aaral din ako.”

“Wala ka pa sa tamang edad, anak.”

“Five naman na ako eh.” Ipinakita niya pa ang limang nagsisipagliitang daliri na pawang mga nakataas. “Mabilis din akong matuto, kaya mag-aaral na lang din ako,” buong pagmamalaki niya. Tumingin pa siya sa Mama niyang bahagyang naluluha.

Gusto niya lang naman sumama, pero 'di niya alam kung bakit kailangan niya pang makipagnegosiyasiyon para lang mapagbigyan ang gusto niya.

“Hindi p'wede, anak.” Lalong lumakas ang pag-iyak niya. Lumuhod ang Mama niya para magpantay sila. “Kukunin ka namin kay Dos, 'pag big girl ka na.”

“Big na ako eh,” sabi niya sabay ngawngaw. Nagtatalon siya at halos umupo na sa sahig. Palakas nang palakas ang iyak niya.

“Hindi ka pa big oh, small ka pa.” Pigil-pigil ng kaniyang ina ang pagluha, kaya pilit idinadaan sa pagngiti-ngiti sa pagbabakasakaling gagaan ang loob ng anak nang dahil sa sinabi niya.

“Big na ako!”

Hinawakan ni Dos ang kamay ni Glydel at hinila palapit sa kaniya. “Sige na, ako na ang bahala kay Glydel. Maglalaro na lang kami.” Nginitian siya ni Dos.

Kunot-noong pinagmasdan ni Glydel ang mukha ni Dos. Naninibago kasi siya na ngumingiti ito, kaya nang lingunin niya ang mga magulang niya ay nakasakay na sila sa sasakyan.

“Mama! Papa! Sama ako!” sigaw niya habang humahabol sa kanila. Binitawan niya na rin ang manikang pangit dahil sagabal lang 'yon. “Sama ako!” Maliit pa siya kaya maliliit lang ang hakbang niya. Unti-unti nang nagsara ang tarangkahan ng Kampo, kaya hindi niya na sila naabutan. “Hindi ko na kayo bati! Hindi ko na kayo mahal! Salbahe kayo!” Nanakbo siya pabalik sa bahay ni Dos. Kinuha niya ang manikang bigay nila at ginutay-gutay ang buhok at damit nito. Nakita niya si Dos na nakatayo pa rin sa kinatatayuan niya. Kunot ang noo nito habang pinagmamasdan ang ginagawa niyang pambababoy sa manika.

CARMELA (UNDER REVISION)Where stories live. Discover now