Unang Kabanata

11 1 0
                                    

Isang taglamig na umaga ang bumati sa kagubatan. Laganap ang makapal na hamog sa lugar, dahilan upang mahirapang makakita ang sinuman. Subalit hindi ito malaking bagay sa tatlong batang lalake na tumatakbo. Nakayapak.

May hawak na sibat na yari sa bakal ang nangunguna sa kanila. Itim na maiksing buhok na may mapusyaw na pula sa dulo, kulay kastanyo ang mga mata at kayumanggi ang balat. Damit niya'y may mahabang manggas, mapula-pulang tela na sinturon at abot paang korto.

Puros puti naman ang kasuotan ng pumapangalawa sa kanila. Puting buhok na lagpas balikat at naka-maskara. At sa mga mumunting kamay nito ay may malakulay pilak siyang gwantes na pang digmang balutì (Gauntlet weapon).

At ang nahuhuli sa tatlo ay mayroong bandana sa ulo na may isang hibla ng mga butil na nakabitin sa kaliwang bahagi, sa harap ng kanyang tainga. Pantaas na damit niya ang mapusyaw na kahel na walang manggas at kalsonsilyo na lagpas tuhod. May malapad na berdeng sinturon na tela at isang berdeng balabal sa leeg. Sa likod niya ay nakasabit ang espada na pakurba ang hugis na gaya sa buwan.

"Blin, may nakikita ka ba?!" tanong ng nauuna sa pumapangalawa, sa naka-maskara.

Luminga ang tinawag na Blin sa likuran, "Wala. Wala akong mahagilap Yulo! Hindi ko maramdaman o marinig ang kanyang pagkilos, ni ang presensiya o amoy niya ay wala rin. Hindi mabasa ko ang kanyang paggalaw!"

"Pinawalang-bisa niya ang kanyang presensiya para magtago," anya ng nahuhuli sa kanila, "Pero nangyayari lang 'yun kapag pumanaw ang isang nilalang 'di ba?"

"Hindi, Hanil. Sa palagay ko may kinalaman ang hamog na 'to at ginagamit niya ito bilang panggulo at panago." wika ni Yulo.

"O maaari rin na pinatigil niya ang kanyang puso." pilyo ni Hanil.

"Hindi ito ang tamang oras para magbiro Hanil. Hindi tayo naglalaro."

Ngumisi si Hanil, "Hula ko lang iyon, Yulo. At kung minsan ang akala ay nagiging tama rin."

"NANDITO NA SIYAAAAA!" Hiyaw ni Blin nang luminga sa kaliwa at isang kamao ang biglang sumulpot sa bandang taas niya. Sakto namang nasanggalan ni Blin ang suntok nito nang pa-ekis niyang iharang ang kanyang mga kamay at tumilapon palayo.

"BLIN!" sigaw ng dalawang kasama. Dagling nangapal ang hamog, dahilan upang hindi nila makita si Blin.

Agad humigpit ang pagkakahawak ni Yulo sa kanyang pulang sibat. At si Hanil na kanina'y tila nagbibiro ay naging seryoso ang mukha at inabot ang hugis kurbang espada mula sa kanyang lukiran. Kapwa silang naalerto at tinalasan ang kanilang mga pakiramdam. Nanalim ang kanilang mga mata habang palinga-linga, tinatansya kung saan at kailan aatake ang kalaban.

Sandali pa'y isang nag-aalab na hugis galamay ang sumunggab sa likuran nila. Tangay-tangay ng atakeng iyon ang hangin na dahilan upang maparam ang hamog at makita ang isang matangkad at makisig na lalaki. Itim ang kasuotan nito na may baluting pandigma sa bahagi ng kanyang dibdib, sa balikat at sa paa.

Tumalon sina Yulo at Hanil sa magkabilang direksyon. At sa paglapag nila ay nangunang lumusob si Yulo nang walang pag-aalinlangan. Matulin siyang kumaripas sa kalaban na mas malaki kesa sa kanya. Lumundag si Yulo sa harapan nito at maliksing pinaikot ang sibat sa kanyang maliit na katawan (na siyang paraan niya upang hindi mabasa ng kalaban ang kanyang galaw).

Inasinta ni Yulo ang balikat nito, subalit hindi ito tumagos. Daplis lang ang nagawa ng kanyang sibat sa balikat nito na tila sing tikas ng bato. Agad bumwelo si Yulo habang nasa ere at ikinampay ang sibat sa kabila. Mabilis at tumpak. Sa pagkakataong ito, ang kanang tadyang naman ang kanyang patatamaan, ngunit bigo siya nang harangan ito ng nag-aapoy na galamay.

Children Of Flame: Seed Of HaganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon