Abala sa pagtotono ng makina si Devin nang marinig niyang tinawag siya ni Ronald mula sa labas ng kaniyang talyer. Sinabi nitong mayroon daw babaeng naghahanap sa kaniya.
Marahil panibagong customer niya 'yon dahil wala naman siyang ibang maisip na puwedeng maghanap sa kaniya.
Kung si Aurea naman iyon ay hindi na siya kailangang tawagin pa ng mga tauhan niya. Diretso takbo na iyon papalapit sa kaniya na may kasama pang yakap at halik.
Sinubukan niyang silipin mula sa kaniyang puwesto ang tinutukoy na babae pero maraming nakaharang na sasakyan at may tarpaulin pa sa bukana ng shop.
Nagpunas muna siya ng kamay sa basahan habang naglalakad palabas. Gustuhin mang magsuot ng t-shirt ay hindi na niya nagawa dahil naalala niyang nakasampay pa 'yon sa labas para patuyuin.
Hindi bale nang dugyot ang itsura niya dahil kay misis lang naman siya nagpapabango at nagpapagandang lalaki.
Una niyang nakita si Paslo na may tinitingan sa engine bay ng isang Honda Civic VTi bago niya nakita ang babaeng nakatayo sa gilid nito.
Sakto namang naramdaman nito ang kaniyang presensya kaya agad itong lumapit sa kaniya.
"Hello. Good morning. Ipache-check ko lang kasi tumaas 'yong temperature sa gauge. Nag-overheat yata. May nakapag-refer kasi sa akin sa shop mo kaya rito ako dumiretso," mahinhin nitong sabi habang inaayos ang pagkakalapat ng buhok.
Ilang beses siyang tumango.
"Ah, ganoon ba, Ma'am. Oho, sila na lang ang bahala sa oto mo. Magagaling 'yang sina Kuya Paslo," simple niyang tugon bago itinuro isa-isa ang mga tauhan niya. Nagbilin din siya rito ng mga dapat gawin.
Pabalik na sana siya sa loob ng talyer nang biglang tinawag ng babae ang pangalan niya kaya napalingon siya roon.
"Uy, hindi mo ako natatandaan?" sabi pa nito habang nag-aabang sa isasagot niya. "Na-meet kita before sa isang car show sa mall malapit dito. Mga three years ago na 'yon."
Napatingin pa siya sa itaas na para bang pilit inaalala ang babae pero wala talaga siyang matandaan.
"Sorry, hindi ko talaga maalala. Pasensya na, nagkakaedad na, eh," sabi niya bago tipid na ngumiti.
Sa dami na niyang nakasama at nakilalang tao, hindi na niya matandaan ang karamihan sa mga 'yon.
"Nagasgasan ko 'yong harapan ng kotse mo tapos 'yong boyfriend at Kuya ko ang nakausap mo. Akala pa nga ng jowa ko kung sino kang nakikipag-usap sa akin n'on," pagkukuwento pa nito.
Awtomatikong napatango siya sa sinabi nito. Parang natandaan na nga niya.
Ito nga yata 'yong tangang babaeng paparada sana sa tabi ng oto niya pero mali ang kabig nito kaya tumama ang rear bumper nito sa headlight at front bumper ng kaniyang kotse.
"Ah, oo nga. Medyo naalala ko na, pero hindi ko na tanda 'yong boyfriend at Kuya mo," sabi na lang niya.
Hindi naman siya masyadong matandain sa mga pagmumukha. Basta alam lang niya'y sobrang badtrip niya noong nagkagasgas at kaunting yupi ang pinakaiingatan niyang kotse dati.
"Actually, 'yong friend ng Kuya ko ang nagsabi sa aking dito ako magpa-check ng kotse kasi sikat ka rito sa lugar ninyo," muli nitong pagkukuwento.
Bahagya siyang ngumiti. Gusto na niya sanang magpaalam dito dahil wala siyang panahong makipagkuwentuhan nang bigla nitong nilapitan ang kulay pulang Nissan Sentra Exalta 2001 model na nakaparada sa gilid ng kaniyang talyer.
"Wait, sa boyfriend ko 'to. Dito rin pala siya nagpapagawa?"
Nangunot ang noo niya. Tila naniniguro kung tama ba ang narinig niya o baka napagkamalan lang nito ang kotseng nakita.

YOU ARE READING
Pagsinta (Unang Tamis) - WATTYS 2021 Winner
RomanceIkaw ang tahanan. © 2021 isipatsalita.