Mageia I: Aurora

59 7 3
                                    

Auie's POV:

Maingat ko ngayong nilalakad ng nakapaa ang mababaw na batis. Gusto ko kasing maramdaman ng aking mga binti ang malamig na tubig nito. Hindi naman sa naiinitan ako, sadyang nais ko lang talaga siyang damhin. Ayoko rin namang maligo dahil masyado siyang malamig para sa aking katawan. Sakitin pa naman ako.

Nang may makita akong munting isda na lumalangoy sa mga bato ay nakangiti ko itong sinundan. Nakakaakit kasi ang kaniyang kulay. Kung pwede nga lang sana itong kunin upang gawing alaga, kaso ipinagbabawal ang basta-bastang pagkuha ng mga nilalang na nandito dahil marami raw ligaw na kaluluwa ang naririto. Baka raw matiyempuhan ko pang kunin, mahirap na.

Tahimik ko itong sinusundan nang bigla na lamang may parang kumagat sa aking binti kasabay ang kakaibang tinig sa aking likuran. Sa labis na pagkagulat ay di ko natantiya ang aking paghakbang at ako ay natalisod sa isang bato kaya't lumagpak ako sa tubigan. Basang-basa tuloy ang aking bestidang suot hanggang sa aking baywang.

Inis kong nilingon si bughaw na ngayo'y walang tigil sa kakatawa.

"Masaya ka? Sige lang tawa ka pa at nang mabilaukan ka sana!", inis kong sigaw sa kaniya.

"Hahahaha. Kung nakita mo lang iyong reaksiyon mo tiyak ring matatawa ka.", wika niya sa gitna ng kaniyang pagtawa.

At dahil pikon ako ay binato ko ang kaniyang paa na nakaapak rin sa tubig.

"Aray ko naman, Kate! Masakit yun ah.", reklamo niya habang hinihimas ang kaniyang paa.

"Sus, para ang liit lang nun ah. Para kang hindi lalaki, bughaw."

"Kahit na gaano kaliit ang ibato mo, basta't sapul sa puso, masakit yun, Kate."

"Anong puso-puso? Kuko lang ng isang daliri mo sa paa ang tinamaan uy. Huwag kang ano, bughaw.", wika ko sabay tayo ng dahan-dahan at pilit pinipiga ang laylayan ng basa kong bestida.

"Bughaw ka ng bughaw. Azul nga sabi ang pangalan ko."

"Eh Kate ka naman ng Kate. Aurora nga ang pangalan ko diba? Auie para mas maikli. Alis nga diyan. Nakaharang ka.", pang-iinis ko pa sa kaniya.

"Ang laki ng daan ah, sa puwesto ko pa talaga ikaw dadaan?"

"Eh sa gusto ko diyan. Tabi.", wika ko sabay tabig sa balikat niya.

"Auie!", tawag niya nang makalagpas na ako sa kaniya.

At ako namang si uto-uto ay lumingon din. At sa paglingon ko ay tubig ang sumalubong sa akin. Sinabuyan ba naman niya ako ng tubig sa aking mukha sabay takbo. Sa inis ko ay hinabol ko siya at pilit ring sinabuyan ng tubig. At dahil mas maliksi siyang kumilos kaysa sakin ay hindi ko siya maabutan na ngayo'y panay pa rin ang tawa.

"Matisod ka sana!", sigaw ko saka talikod upang umahon.

Nakailang hakbang pa lang ako nang marinig ko ang kaniyang pag-aray. Nang aking lingunin ay nagkatotoo nga'ng siya ay natisod at ngayo'y nakaupo na rin sa tubig ng batis. Napahagalpak tuloy ako ng tawa. Ang bilis kasi ng karma.

"Auie! Ano na namang ginagawa mo riyan sa tubig?", tawag mula sa unahan. 

Dali akong lumingon at nakita ko ang nakasimangot na mukha ni Artemis. Ngumiti na lamang ako sa kaniya sabay kaway saka ako dahan-dahang umahon at lumapit sa kaniyang kinatatayuan.

"Ang tigas talaga ng ulo mong babae ka. Alam mo namang ang dali mong magkasakit, ayaw mo talagang lubayan iyang tubig.", salubong niya sa akin. Napakamot na lamang ako sa aking ulo sabay ngiti.

"At isa ka pa, Azul. Diba't sabi ko ay bantayan mo ang isang ito? Ba't nakikisali ka pa riyan?", baling niya rin kay Azul na sumunod sa aking pag-ahon.

MAGEIA Ikalawang Yugto: Ang Bagong Pag-asaWhere stories live. Discover now