Chapter Sixteen

5K 135 1
                                    

SA kauna-unahang pagkakataon ay pinuri ni Kathleen si Anya sa pagkaka-scoop nito sa kaso ng serial killer. At hindi lang doon natapos ang mala-himalang pagbabago ng kanyang boss. Bukod sa papuri ay in-encourage pa ni Kathleen na mag-on camera ang dalaga.

“Puwede ka nang mag-swing as segment producer, Anastacia. Your first segment would be that of the serial killer. Ikaw din ang magho-host sa segment,” sabi pa ni Kathleen, kaya maging ang ibang kasamahan ay nagulat din noong production meeting nila.

“Are you sure?” Hindi pa rin siya makapaniwala. Iniisip niyang baka nasapian ng kung anong ispiritu ang kanyang boss kaya biglang bumait!

“Of course, I am sure. Mas personal ang touch ng segment natin. I can almost imagine, maiinggit na naman ang kalaban nating show dahil naka-scoop tayo. Nakunan pa ang actual na paghuli sa killer. I'm sure it's going to be a top-rater!”

Hindi na nagkomento pa si Anya. Big break din naman sa kanya na maipalabas sa show nila ang kanyang binuong documentary bago niya ilaban sa mga award-giving bodies. At kahit hindi siya komportableng humarap at magsalita sa camera, gagawin niya para sa ikakaganda ng kanyang segment.

TULAD NG INAASAHAN ay naging mainit ang segment na ginawa ni Anya. Kalahati ng air time ng isang buong episode ay inilaan sa kanya ng kanilang show. Maraming humanga sa kanyang ginawa. At ayon sa mga kasamahan niya ay siguradong mabibigyan siya ng award dahil maganda umano ang kanyang obrang documentary.

Sa kabila ng pagiging busy ay nagawa pa rin ng dalaga na subukang contact-in si Ryan para makapag-usap sila. Ngunit lahat ng kanyang attempts ay pawang bigo. Laging wala ang lalaki sa opisina nito at nang huli siyang tumawag ay nasa bakasyon diumano ito. Hindi naman alam ni Anya kung saan o kung paano pa mako-contact si Ryan, kaya inisip niyang siguro ay sadyang iniwasan na siya ng binata.

Siguro ay ginamit lang din niya ako sa kanyang misyon, she concluded.

Two months later...

HINDI makapaniwala si Anya nang umakyat sa stage ng AFP Theater upang tanggapin ang kanyang tropeo—isa iyong Gawad -Pinoy Award for Best Documentary. Pakiramdam ng dalaga ay nakalutang siya sa alapaap. Para kasing isang magandang panaginip lamang ang lahat.

Matapos kunin ang award ay mabilis siyang nagpasalamat, saka bumaba. Kaagad naman siyang sinalubong nina Laly at Hugh sa ibaba ng stage. Tuwang-tuwa rin ang dalawa para sa kanya.

“God, natupad talaga!” ani Anya habang yakap-yakap ang dalawang kaibigan.

“Congratulations, Best Friend!” Gusto nang tumili ni Laly pero pinigilan ito ni Hugh dahil nakakahiya daw sa mga tao. “Awardee ka na, bongga!”

“Nagbunga din ang mga hirap natin!” Nakangisi si Hugh. “Worth din pala ang mga Morgan adventures natin.”

“Oo naman!” nakangiting sagot niya. “Sandali lang, pupuntahan ko muna sina Mama,” paalam niya.

In full force na um-attend ang pamilya ng dalaga—mula sa lola niyang si Magenta, ang mga magulang pati mga kapatid na sina Barry at Alexandra ay sumama sa awards night.

Hindi napigilan ni Amparo ang maiyak nang lumapit siya. Tuwang-tuwa ito sa achievement niya. Maging ang kanyang amang si Bernardo ay proud na proud sa kanya. Pakiramdam tuloy ni Anya ay sasabog na ang puso niya sa sobrang tuwa.

Almost perfect, naisip niya.

Isang bagay na lang ang nahiling ni Anya, na tila hindi na yata talaga matutupad. Na sana ay magkita sila uli ni Ryan. Pakiramdam niya ay tuluyan na yatang naglaho ang lalaki.

AGENT OF MY HEARTWhere stories live. Discover now