Simula

333 20 15
                                    

*** 

"Ready ka nang umalis?"

Nag-angat ako ng mukha kay Auntie Ruby. May pag-aalala pa rin sa mukha niya, pero hindi na kasimbigat ng dati. Sandali siyang sumulyap sa nasa likuran ko—sa malaking bahay na gawa sa kahoy. Sarado ang pinto at mga bintana niyon. Walang ilaw na iiwang bukas kahit na lumapag na ang takipsilim, kaya't may anino sa lahat ng dako, kahalo ng dilim. Hindi ako makalingon sa pagkakaupo ko sa wheelchair.

"Ready na po," sagot ko at pilit na ngumiti.

Nasa bahay pa rin ang mga mata ni Auntie. Nakapako roon. May hinihintay ba siya? May inaaninaw?

Sandaling nanlaki ang mga mata niya bago mapakuyom at lihim na lumunok. Ibinaba niya ang mga mata sa akin.

"Sigurado namang wala na tayong nalimutan sa loob, hindi ba?" may nginig sa tinig na tanong niya.

Tumango ako. "Wala na po."

At kahit pa may naiwan nga kami, hindi kami mangangahas ni Auntie na buksan uli ang pinto ng bahay. Kabilin-bilinan ng albularyong tumulong sa amin. Isinara iyon para maikulong ang mga naroon na hindi namin dapat nakikita at hindi namin dapat naririnig.

'May iiwan kayo, Maribel. Iiwan n'yo ang mga buto ng nanay at kapatid mo. Ang katawan ng panganay na anak mo. At paano ang ibinaon ng tiya mo sa ilalim ng kanyang higaan?'

Humigpit ang hawak ko sa wheelchair. Hindi kita naririnig. Sinabi ko sa lahat—kay Auntie, sa pari, sa mga albularyo—na hindi kita naririnig.

'Akala n'yo ba ay maaari n'yong iwan lang sa bahay na ito ang lahat ng kasalanan na mayroon kayo? Iniisip n'yo bang matatakasan n'yo ang lahat? May bahid ng dugo ang mga kamay n'yo. Dugo ng mga minamahal ninyo.'

'Nakasunod ako sa 'yo, Maribel. Dahil tinanggap mo ako sa katawan mo. Hindi mo ako magagawang takasan.'

"Umalis na po tayo, Auntie."

Narinig namin ang ugong ng sasakyan bago pa lumitaw sa makitid na daanan na tumbok sa bahay. Inupahan namin iyon para maghatid sa amin ni Auntie sa probinsiya ng mga lolo at lola. Doon kami titira. Para makapagsimula uli at makalimot.

"Tara na po," yaya ko.

'Paano mo akong matatakasan kung ni hindi mo magamit ang sarili mong mga paa? Paano, Maribel?'

Umikot si Auntie sa likod ko at sinimulang itulak ang wheelchair ko palapit sa kahoy ding tarangkahan. Naghihintay na sa labas ang mga bagahe na ipinuwesto ni Auntie roon kanina.

'Hindi ka man lang ba lilingon, Maribel?'

Malumanay ang tinig pero hindi na ako naniniwala. Ilang ulit na iyong nandaya.

Nagtiim ako habang marahan ang pag-ikot ng gulong ng wheelchair. Nagtiis na hindi lumingon o magsalita nang magsimulang humalakhak ang tinig.

'Hindi mo ako maiaalis sa 'yo.'

Patuloy sa paghalakhak ang tinig kahit nang mailagay na sa sasakyan ang mga bagahe. Patuloy sa panlilibak kahit nang makaupo kami ni Auntie Ruby sa loob.

Nang sandaling tumahimik, nagkamali akong sumulyap sa saradong bahay. Hindi ko na nabawi ang mga mata ko mula roon kahit nang mabagal na umandar ang sasakyan. Bukas ang malalaking bintana na dapat ay nakasara. Mula roon ay nakasilip sina Nanay at Ate Laura—tumutulong tulad ng nalulusaw na kandila ang laman sa mukha at katawan nila. Sa nanlilisik na mga mata ay pinanood nila ang paglayo ng sasakyan. #658g / 01162022

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jan 16, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Kwentong Hukay Book 3Where stories live. Discover now