Kabanata 5 - May 22, 2021

118 7 0
                                    

"Ano bang gusto mong sabihin, ha?!" pasigaw na taong ni Ana kay Oliver. Alam niyang hindi niya dapat ito ginagalit, pero hindi niya mapigilan. Kanina pa siya nito pinaglalaruan.

"At ikaw naman, Ma," binaling niya ang tingin sa ginang na kasalukuyan pa ring nilalayo ang tingin sa kanya, "Sabihin mo na kung may alam ka. Please naman."

"Wala talaga akong alam." Parang hindi man lamang siya nito narinig. Gusto niya itong sigawan ulit, ngunit biglang nagsalita ang lalaki.

"Huwag ka nang magsinungaling, tanda!" sigaw niya rito sabay diin ulit ng pagkaahawak sa katawan ng ina.

"Oliver, please—"

"Nakakaawa ka talaga, bunso." Itinuon ulit ni Oliver ang tingin sa kanya. Hindi niya mawari kung masaya ba ito o totoong naaawa sa kanya. "Kahit nakita mo na kung anong kayang gawin ng nanay mo, ayaw mo pa rin siya masaktan... Nakakasuka."

"Hindi ko alam kung anong sinasabi mo," sagot niya rito. "At ikaw pa talagang nandidiri? Sino bang may hawak ng baril sa ating dalawa? 'Di ba, ikaw?!"

Sunod-sunod ang sumbat niya rito. Magalit na kung magalit. Hindi na niya kayang marinig pa ang mga pinagsasabi nito. Ikaw ang nakakasuka!

Ngunit parang hindi man lamang ito natinag. Hinanda na niya ang sarili sakaling magalit ito, ngunit pinagtawanan lamang siya ni Oliver. "Tingnan lang natin mamaya."

"A-anong ibig mong sabihin?"

"Wala ng tanong-tanong. Maikli lang ang oras." Itinuon ulit nito ang tingin sa kanyang ina. "Tanda, lakad na!"

"Pero may tali—"

"Hindi niya kayang tumalon?" sarkastiko nitong tanong. "Lakad na!" sigaw niya sa ginang dahilan para dali-dali naman itong tumayo.

Gusto niyang lapitan ang ina at tulungan, ngunit alam niyang hindi ito magugustuhan ni Oliver.

"Bunso, una ka na," utos naman nito sa kanya.

Hindi na siya nag-atubili pa at dumiretso na lamang sa paglalakad papunta sa pangalawang palapag ng bahay. Ngunit, hindi siya masyadong nagmamadali sa paglalakad lalong-lalo na't may tali ang kamay ng ina at alam niyang mahihirapan ito.

"Diretso lang ang tingin," rinig niyang utos ni Oliver. Siya ang inuutusan nito dahil hindi siya mapakali sa pagtingin sa dalawa.

Katulad ng utos nito, diretso lang ang kang tingin habang dinadaanan ang hagdanan papunta sa ikalawang palapag ng kanilang mansyon. Ngunit, hindi niya maiwasang maawa sa ina. Rinig niya ang pag-ungol nito sa sakit sa bawat hakbang na ginagawa nito. Gusto niya itong tulungan. "Sorry, ma."

Nangangalahati pa lamang sila sa paglalakad sa hagdanan ay biglang sumagi ang kanyang ama! Na sana'y dumating na ito. Ang kailangan lang ay dumating ang kanyang ama at magiging maayos na ang lahat.

Hindi niya mapigilang ngumiti dahil sa kaunting pag-asa na naiisip. Ang kailangan lang ay dumating ito. Iyon lang talaga. Pagkatapos ay ipapakulong nila si Oliver at aalis sila rito. Iyon lang at tapos na ang lahat ng ito.

"Huwag kang masyadong mag-isip, bunso. Baka atakihin ka sa puso."

Hindi niya man makita ang buong mukha nito ay alam niyang sobrang lapad na ng ngiti nito. Gusto n'ya itong suntukin. Ngunit hindi n'ya kaya dahil nasa panganib pa rin ang buhay nila.

"Diretso sabi ang lakad, tanda," rinig niya mula sa bibig ni Oliver, "baka ihulog kita rito."

Napahinto siya dahil dito at tiningnan ang dalawa. Takot pa rin ang makikita sa mukha ng ina at wala pa rin itong planong tingnan siya ng diretso. Si Oliver naman ay inismiran lamang siya ng magtagpo ang kanilang mga mata.

Pamilya PerfectoWhere stories live. Discover now