PROLOGUE

215 23 3
                                    

PROLOGUE


Taguktok ng sapatos ang maririnig mula sa napakahabang hallway ng ospital. Malamlam ang mga ilaw ngunit hindit ito alintana ng dalagang nurse. Waring alam na alam na ng mga paa nito kung saang direksyon siya tutungo. Nagmamadali siya upang sundan ang kalabog at sigawan. Sa pagliko niya sa panghuling corridor, mas lumakas sa kanyang pandinig ang naririnig na sigaw ng isang babae mula sa ward six.

Kinakabahan man, ipinagwalang-bahala niya ito at pagkuwa'y marahang pinihit ang seradura ng pinto. Sa kaliwang kamay niya'y ang notepad niya at ilang botelya ng gamot. Sobrang bilis pa rin ng kabog ng kanyang puso nang tumambad sa kanya ang malawak na kwarto. Halos puti rin ang pintura ng buong silid. May isang lamesita sa sulok. Kapansin-pansin ang isang monoblock sa tabi nito at ang maliit na bintana na waring hindi naman nabubuksan upang makalanghap ng sariwang hangin ang pasyente.

Napalunok-laway siya nang marinig muli ang sigaw ng pasyente na ngayo'y nakahiga sa kama at mahigpit na nakatali ang mga kamay. Naririndi siya sa iyak nito kaya hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at nilapitan ang babaeng kanina pa nagngunguyngoy at sumisigaw. Walang pagda-dalawang-isip na itinurok niya ang syringe sa braso ng babae. Napansin niya ang paghabol nito ng hininga hanggang sa kumalma na mula sa pagkakahiga.

Pinagmasdan niya ang kabuuang hitsura nito. Pawis na pawis ang pasyente ngunit sobrang lakas na naman ng aircon sa loob ng kwarto. Namumutla na rin ang balat ng babae. Sobrang laki ng eyebags na parang hindi na natutulog. Hindi niya mapigilang maawa. Napaiwas siya ng tingin. Akma na siyang lalayo sa babae nang mahigpit nitong hawakan ang braso niya at nagsimula na namang magsisigaw.

"Tulungan mo ako!"

"Bitawan mo ako!" sigaw ng dalaga at marahas na iwinaksi ang braso ng babae. Doon na muling naging agresibo ang pasyente at halos kumawala na siya sa pagkakatali. Naiiyak na siya dahil hindi niya alam ang gagawin. Gusto niyang tumawag ng assistant mula sa kanyang mga kasamahan ngunit napangunahan na siya ng takot.

Nanginginig ang kanyang mga kamay habang nire-refill niya ang syringe. Wala na siyang pakialam kung ma-overdose sa gamot ang pasyenteng ito. Ang mahalaga sa kanya ay kumalma na ang babae at nang makauwi na rin siya dahil lagpas na sa shift niya ang oras na ipinapamalagi niya sa ospital ngayong gabi.

Napapikit siya habang habol ang hininga nang hugutin niya mula sa braso ang ikalawang syringe. Napakagat-labi siya at pawis na pawis na rin.

"S-Shamara?"

Hindi siya umimik. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa kanyang nameplate at sa pasyenteng nakatitig lamang sa kanya.

"Hindi ka na dapat narito kung hindi mo rin ako tutulungan," walang emosyon nitong sambit kaya mas lalo siyang naguluhan.

"Look, Miss. I am here to help you. Now, just do me a favor. Help yourself too to recover," tugon niya ngunit matagal bago nakasagot ang nanginginig nang pasyente.

"Hindi ka na dapat narito. Darating na siya," ani ng babae at nababaliw na napatitig sa wall clock na nasa paanan lamang niya. Pagkuwa'y sinundan ito ng nakakakilabot na halakhak dahilan para manghilakbot ang nurse at mapatayo.

"Tumakbo ka na," pananakot ng pasyente. Mas kumabog ang puso ng dalaga nang sundan ito ng napakalakas na kulog at kidlat mula sa labas.

"Darating na siya."

"Sinong siya?" kunot-noong tanong niya sa babae ngunit hindi siya sinagot nito.

"Tumakbo ka na! Andiyan na siya!" Kahit hindi niya alam ang pinagsasabi ng pasyente ay agad niyang hinablot ang kanyang notepad at nagtatakbo upang buksan ang pinto ng silid. Pagpihit pa lamang niya ng doorknob, nanlamig na siya at halos hindi makahinga dahil sa kaba. Naka-lock na ang pinto mula sa labas.

Nanginginig niyang nilingon ang pasyente. Nakatitig lang ito sa kanya at mayamaya'y nagpakawala ng nakakakilabot na ngisi.

Doon na siya tuluyang sumigaw at pinaghahampas ang pintong hindi na magbubukas pa para sa kanya.




---WARD OF SINISTER---

A/N: Hello, this is my comeback story for the year 2022. Matagal akong nagtake a break sa pagsusulat so bare with my typos and such. Anyway, I recommend you to read first the Murder series from series 1 to 3 dahil may ibang characters doon na mapapasama sa story na ito. Thank you and God bless!

Ward of SinisterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon