00: Hopeless Salvation

788 32 86
                                    


HYACINTH


Anong gagawin mo kapag nakaharap mo na ang kamatayan? Nakatayo ilang hakbang ang layo sa'yo at isang kampay lang ng kanyang karit ay kaya ka na niyang dalhin sa kabilang buhay nang walang kahirap-hirap?


Unang opsyon, tatakbo ka ba palayo sa kanya kahit alam mong walang saysay ang pagsasayang mo ng lakas, sapagkat kahit na anong gawin mo ay maaabutan ka pa rin niya? Tatakbo ka pa rin ba kahit na alam mo sa kaibuturan mo na tadhana ng isang buhay ang mawalay sa kamay ng kamatayan? Well, at least mamamatay kang hindi sumusuko 'di ba?


Pangalawa. Magmamakaawa ka ba para sa isang maginhawang kamatayan na malayo sa kirot at dalamhati? Magsusumamo na sana sa pagpapaalam mo sa pisikal na mundo, wala kang ibang mararamdaman kung hindi ang kagalakan at kaginhawaan. Na sana'y ilayo ka sa mga malulungkot na pagpapaalam, at tanging kagalakan lang ang mananatili habang inaakap ka ng kamatayan pabalik sa iyong tahanan.


Lahat naman siguro tayo iyon ang nais. Isang kamatayan na walang pagdurusa, isang pagpapaalam na walang hinihinging mga luha. Datapwat sa kaalaman ng mga mortal, hindi kakambal ng kamatayan ang trahedya at kahapisan. Palagay ko'y hindi talaga tayo takot sa kamatayan. Takot tayo sa misteryong mayroon sa kabila nito. Takot tayo sa mga bagay na maiiwan natin, sa pagbabago. Takot tayo sa kung anong kapalaran ang nahihintay sa atin sa kabila ng mundong nakasanayan natin.


O, pangatlo? Mananatili ka na lang, pigil ang iyong hiningang yayakapin ang kamatayan habang iniisip ang daang iyong tatahakin sa kabilang mundo? Sa mga sandaling ito ay posible ng masagot ang katanungan mo, na tanging ang mga pumanaw lang ang makasasagot. Kahit man mga henyo at dalubhasa ay hindi makapagbibigay ng siguradong tugon. Ang tanong, "Ano nga ba ang naroon sa kabilang buhay? May kabilang buhay nga ba? Ano bang kapalaran natin oras na pumanaw tayo sa pisikal na mundo?"


Kung tatanungin ako kung alin sa tatlong nabanggit na opsyon ang magiging tugon ko oras na makaharap ko ang anghel ng kamatayan, sigurado akong ang pinakahuli ang aking isasagot. Tiyak ako roon.


Mananatili ako sa kinatatayuan ko habang matamang inoobserbahan ang anghel na naghihintay ng aking kamatayan para ako'y sunduin—at iyon nga ang aking ginawa sa loob ng mga segundo ng pag-aagaw buhay ko.


Malinaw ko siyang nasilayan sa mga sandaling kumbinsido ang sarili ko na magtatapos na nga ang aking buhay. Diretso ang kanyang mga tingin na nagpapabatid ng pandudumina, na hindi ko naman maitatanging nagdulot ng kung anong kalagakan sa puso ko. Lubos na nakapanghihikayat ang kanyang dagway, walang dudang sasama ako kahit saan man niya ako ihatid.


Oh, dyos, kung totoo mang nakikinig ka, may tanong ako. Bakit nga ba nila tinatakbuhan ang ganito kagandang nilalang?


Dahil sa paniniwalang nakakatakot ang mga anghel ng kamatayan, at sa labis na paglarawan sa kanila bilang mga walang awang nilalang na hindi nakikinig sa mga pakiusap ng mga nag-aagaw buhay, inaasahan kong manginginig ako sa takot oras na masilayan ko na sila. Subalit ang mga alamat at kwento sa kanila'y hindi totoo at pawang mananatili na lamang na haka-haka, sapagkat hindi ko naramdaman ang bawat damdaming isinaad sa mga kwento—na iyong madarama kapag nasakihan mo na ng personal ang anghel ng kamatayan.

520 To DeathWhere stories live. Discover now