The hen and her hope

398 32 11
                                    

*** 

Balikwas ang bangon ko, gaya ng ibang umagang nagdaan. Maingat kong sinapo ang maliit na umbok sa sinapupunan ko at nakiramdam. Walang pumipintig o humihingang sakit. Walang nakakakabang paninikip. Walang hapdi. Pinakiramdaman ko rin ang pagitan ng hita ko. Walang dugo roon. Ang tanging naiiwan sa akin ay gutom.

Nilingon ko ang malaking bintana. Mataas na ang sikat ng araw sa labas at bahagya nang sumisingaw ang init sa silid. Ibig sabihin ay tinanghali na naman ako ng gising. Tinatamad akong bumangon bawat umaga nitong mga nakaraan, kahit na halos lagi akong tulog.

"Magandang umaga," bati ni Nando na bumungad sa silid namin. May bitbit na agad siyang tray ng pagkain. Nakangiti niyang ibinaba ang dala niya sa mesa sa tagiliran bago ako alalayang bumangon. "Kumusta ang tulog mo?" Umupo siya sa tabi ko at masuyong tumingin sa akin.

"Mahimbing pero . . ."—humikab ako—"parang gusto ko pang matulog."

Humikab din siya. "Kumain ka na muna bago ka matulog uli."

Ngumiti ako sa kanya. Kinukonsenti niya ako.

"Para malusog kayo ni baby," aniya pa bago iayos ang tray sa bed table.

Mula nang manggaling kami kina Mama ay hindi pa talaga ako nagpapatingin kahit na nagkahinala kaming lahat sa kalagayan ko. Ayaw naming maunsyami. Pero nitong mga nakaraang araw, palagay na kami ni Nando sa pagtuturing ng pagbubuntis ko, lalo pa at may umbok na sa aking puson.

Iniabot niya sa 'kin ang kutsara kahit na abot-kamay ko naman. May soup, tinapay, at itlog ng pugo. Iyon lagi ang gusto kong almusal. Minsan, gusto ko rin na mayroong chicharon.

"Tuloy pa rin ba ang pagpapatingin natin mamaya?" ani Nando.

Inilagay ko sa bibig ko ang itlog ng pugo at maganang nginuya. "Oo. Magtatatlong buwan na rin ito . . ."

"Sige. Ihahanda ko ang mga kailangan nating dalhin."

Ngumiti ako sa kanya.

Tumayo na si Nando mula sa pagkakaupo sa kama at pumihit patalikod nang sagilahan ako ng takot.

"Nando . . ."

"Ano 'yon?" tanong niya nang lingunin ako.

"Kung sakaling . . . kung sakaling iba pala ito at hindi bata . . . Kapag wala ito at mali tayo . . ."

"'Wag mong masyadong isipin. Harapin natin ang mamaya, mamaya."

Tumango ako sa kanya.

"Kumain ka lang at matulog na uli."

"Sige."

Tuluyan siyang lumabas ng silid.

***

"You are three months pregnant at healthy ang baby. Congratulations po."

Natulala ako. Si Nando ay wala ring tinag habang gulat na nakatingin. Kontento naman ang pagkakangiti ni Dra. Almeña sa amin habang hawak ang ultrasound result. Saksi siya sa lahat ng pag-asa at pag-iyak namin ni Nando sa tatlong naunang pagbubuntis ko.

"Totoo po. Healthy ang matris mo, Misis Tuanco. Malakas din ang heartbeat ng baby."

Napalunok ako at maingat na sumapo sa sinapupunan ko. Narinig nga namin ang heartbeat kanina. Tila ngawngaw lang iyon pero gayon na lang ang saya namin.

"Wala po bang nararamdamang kakaiba ngayon, Misis Tuanco?" ani Dra. sa akin.

Umiling ako. Iyon nga ang nakapagtataka at ang nakatatakot. "Wala . . . okay lang ba 'yon kung . . . kung wala akong nararamdamang iba?"

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 11, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The VOIDWhere stories live. Discover now