KABANATA 18

89 28 3
                                    

KABANATA XVIII: Rebelasyon (1)

ISANG matinding labanan ang naganap ng gabing iyon at naramdaman ito sa halos buong Samandaranan. Ilang mga pagyanig sa lupa ang naranasan ng mga karaniwang mamamayan ngunit hindi naman nila ikinabahala dahil sa kanilang sapantaha ay dulot lamang ito ng kalikasan. Subalit sa lagay ng mga mandirigma, hindi lang pagyanig sa lupa, kundi maging ang pag-iba ng daloy ng likas na gahum sa paligid ay naramdaman nila --- lalo ng mga malalakas na mandirigma. Nagkaroon ng takot sa kanilang mga puso dahil alam nilang ang ganoong klase ng paglalaban ay bagay na iilang mga nilalang lang ang nakagagawa. Malalakas na nilalang na hindi makikita sa isang abang lalawigan lang na gaya ng Samandaranan.

Nang mga oras din namang iyon ay may ilang mandirigma pa rin ang hindi nakatiis at sinubukang puntahan ang nararamdaman nilang paglalaban. Subalit sa halip na ang paglalaban, ay iba ang umagaw ng pansin nila. Nakita nila ang malagim na senaryo ng nasusunog na maliit na isla.

Huli na nang matuklasan nila ang kakila-kilabot na pangyayari.

Ang maliit na nayon ng islang iyon ay inatake ng mga aswang!

At walang natirang buhay.

Kinabukasan din ng gabing iyon, dahil may tainga ang lupa at may pakpak ang balita, ay mabilis na kumalat ang kakila-kilabot na pangyayari. Una sa Pulangtubig hanggang sa sumunod na dalawang araw lang ay naging usap-usapan na ito sa buong Samandaranan.

Sa pagkalat ng balita, hindi lang mga timawa kundi maging ang mga mandirigma ng lalawigan ay lubos na nabahala. Ito kasi ang unang beses na muling kumilos ang mga aswang sa karumaldumal na gawain matapos ang higit isa't kalahating sampungtaon. Ang huling beses ay noon pang nilipol ng mga ito ang Maghugsay ng Libdonglingon.

Iniisip ng iba na isang malaking kamalasan lang ang nangyari sa maliit na nayon na iyon dahil nagkataong ito ang napuntirya ng mga gutom na aswang. Ngunit para sa mga Maginoo at ibang maalam, ay hindi ganoon kasimple ang pangyayari. Nag-aalala sila sa maaaring maging opinyon ng mas maraming mandirigma sa oras na kumalat pa ang balitang ito sa kalapit na mga lalawigan at sa buong sangkalupaan!

...

"Ama!"

Bumalikwas mula sa pagkakaratay sa maaliwalas na higaan si Ino'og pagkatapos ng isang masamang panaginip. Nasapo niya ang kaniyang ulo nang makaramdam ng kirot dito. Nasira tuloy ang pagkakasuklay ng maiksi at itim na itim niyang buhok.
Wala siyang suot na pang-itaas kaya kitang kita ang pagdaloy ng mga pawis sa maganda niyang pangangatawan.

Nang imulat ng binatilyo ang kaniyang mga mata ay nanginginig pa rin sa takot ang kaniyang kulay-kayumangging mga balintataw.

Ang gintong liwanag na iyon...

Hindi alam ni Ino'og kung ano ang eksaktong nangyari pero hanggang ngayong magising siya ay malinaw pa rin sa isip niya ang iniwang takot niyon. Sariwa pa rin ang naramdaman niyang walang kapantay na sakit at kakaibang takot sa kamatayan. Bigla niya tuloy ninais ng proteksiyon ng isang ama kaya ito ang unang nabigkas niya ngayon lang.

Saka pa lang namalayan ni Ino'og na nasa isang malaki at magandang silid siya. Nakamamangha ang panloob na disenyo ng silid na may mga mamahaling palamuti pa. Sa unang tingin ay agad na masasabing pagmamay-ari ito ng isang Maharlika.

"Nasaan ako?" tanong ni Ino'og sa sarili.

Agad siyang bumangon at isinuot ang nakita niyang dinesenyuhang kangan na nasa gilid ng higaan. Pagkatapos ay nagtungo siya sa nakasaradong bintana at binuksan ito. Nasilaw siya nang sumalubong sa kaniya ang sinag ng araw.

Isang magandang lupain at mga panirahan.

Ito ang nasaksihan niya sa labas pagkaraang makakita siya nang maayos.

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Where stories live. Discover now