Part 4

736 47 3
                                    

"WE HAVE a schedule of menu here," wika sa ni Miss Bennet kay Rachel habang nanonood sila ng preparasyon ng pagkain. Maliliit na alimasag iyon na binanlian pa lang. Tinatanggal ang shell na matigas.

"There's a day for Italian dishes, a day for Australian foods, a day for Asian cuisines, etc. Seven days a week, pitong araw din na iba't iba ang nakahain. For now, native foods ang naka-schedule." At mahinang tumawa si Miss Bennet. "I guess, hindi na bago sa iyo itong crispy crablets."

"Gusto ko iyan," wika niya. Tinitimplahan na ang alimasag ng asin at paminta saka binuhusan ng rhum. "Pero ngayon ko lang nakita kung paano iluto. Dati kasi, sa restaurant lang ako nakakakain ng ganyan."

Itinabi ng cook ang na-marinate na alimasag. "Mamaya pa natin ito ipiprito nang lubog sa mantika."

Pinanood pa muna niya pati ang preparasyon ng vinegar sauce bago inusyoso ang iba pang putaheng nakatakda sa araw na iyon. Pamilyar na sa kanya ang mga iyon. Beringhe, inihaw na pusit, sinuklaw at kinilaw na guso. Mayroon ding Bicol express at pepian.

Alam niya ang guso. Seaweeds iyon at nagustuhan niya lalo na noong napadalas siya ng punta sa Cebu. Ang pepian ay ang putaheng hindi niya alam noon kung paano kakainin. Hindi niya ma-imagine kung ano ang lasa ng manok na ang sarsa ay gaya ng sa kare-kare subalit nang matikman niya ay parang ayaw na niyang umayaw.

Magkakahalo na ang specialty ng bawat rehiyon sa bansa. At dahil marami na siyang napuntahang lugar sa Pilipinas, madali na para sa kanya na isulat ang mga ganoong menu.

At marahil natural na mas may appeal sa kanya ang native foods kaya kahit na natikman na niya ang mga iyon ay nag-enjoy pa siyang nagmamasid sa preparasyon ng mga iyon.

Pansamantala ay nakalimutan niya ang tension hinggil kay Andrew. Natutok ang atensyon niya sa dapat na gawin. Hindi niya nakalimutang kunan ng litrato ang mga pagkaing iyon. Kasali iyon sa trabaho niya. Ipapakita niya iyon kay Maia at pipiliin ang maaaring i-publish.



CHILI CRAB. Hindi makakalimutan ni Rachel ang pagkaing iyon. Hindi niya natanggihan ang alok ng chef na tikman niya ang specialty na iyon kahit na anong sabi niya na mahina siya sa spicy foods. Hindi naman napahiya ang chef. Masarap talaga ang kaso nga lang ay tila nadikit na sa taste buds niya ang anghang.

Pag-uwi niya sa hotel ay laptop agad ang hinarap niya. Mabilis niyang in-encode doon ang mga pagkaing nadiskubre niya. She had a productive day. Bukod sa busog siya sa pagtanggap ng bawat kitchen staff ay busog din ang tiyan niya sapagkat hindi naman pumapayag ang mga iyon na hindi niya tikman ang mga pagkain.

Inabot siya ng alas diez sa pagsusulat ng article. Sipag na sipag siya sapagkat halos dalawang araw pa lang siya doon ay malaki na ang nagagawa niyang trabaho. Hindi ipinagkakait sa kanya ang mga putaheng gusto niyang malaman. At kung magkakapare-pareho ang pagtanggap sa kanya ng bawat restaurant sa buong isla, hindi malayo na isang recipe book ang malamang na i-publish ng Womanly.

Iniligpit na niya ang laptop nang masiyahan sa rough draft na ginawa niya. Mahihiga na siya nang tumunog ang telepono.

"Good evening, Miss Rachel," malamyos na wika ni Miss Bennet sa kabilang linya. "I hope hindi pa nakakaabala ang tawag kong ito."

"Hindi naman. Bakit?"

"Off ko na kasi sa duty. Ladies' night ngayon sa Bazura Disco. Baka gusto mong mag-night out."

Napangiti siya kahit nag-iisa. Dama niyang sinsero sa pakikipagkaibigan si Miss Bennet. At natutuwa siya sapagkat sa trabaho niya ay nakasanayan na rin niyang may mga pagkakataong hanggang sa matapos ang assignment niya sa isang lugar ay halos walang may balak makipag-kaibigan a kanya. Alin sa dalawa, busy ang mga ito sa sariling trabaho o hindi lang siya gusto.

Subalit gustuhin man niyang sumama ay alam niyang makakasira iyon sa gagawin niya sa susunod na araw. Umaasam pa naman siya na bukas ay maging productive din ang araw niya upang mabilis na matapos ang assignment niya.

"Next time na lang siguro, Miss Bennet. Kanina pa kasi ako nakatutok sa computer at medyo sumakit na ang ulo ko ngayon. Umaatake yata ang migraine ko."

"Okay. I'll look forward to that," nakakaunawa namang sabi nito. "Makabubuti ngang magpahinga ka na. Goodnight then."

"Goodnight. And thanks for inviting me." May ngiti pa siya sa mga labi nang ibaba ang telepono. Magaan din naman ang loob niya kay Miss Bennet. Parang gusto din niyang maging kaibigan lalo at hindi naman naglalayo ang edad nila. Hindi nga lang siya nakakatiyak kung sino sa kanila ang mas matanda.

Bumalik na siya sa kama at nagpasyang matulog na. Subalit sa paghahanap niya ng antok ay tila lalo pang umilap iyon. Nang abutin niya ang night lamp upang i-adjust ang liwanag niyon ay nadiskubre niyang hindi pa pala niya naisasara ang kuwarto.

Sarado naman ang hotel room niya. Awtomatiko na sa kanya na mag-lock ng pinto basta pumasok kaya safe na rin ang pakiramdam niya. Itutulak na lang niya ang pinto ng kuwarto nang mahagip ng tingin ang two-seater sofa. At parang may buton na sa kanyang utak na kagyat na naalala ang taong may kaugnayan sa bagay na iyon.

Andrew.

Nahiga nang muli si Rachel at nakatitig sa kisame. Parang doon niya nababalikan ang eksena kaninang muling nagkaharap sila. At hindi niya gusto ang mga tono ng salita nito. Na tila ito pa ang may karapatan na humusga at sumbatan siya gayong sa paniniwala niya ay siya ang naagrabyado.

Napailing siya. Tila hindi niya matanggap ang salitang iyon. Ngunit hindi rin naman niya alam kung ano ang salitang makakapag-akma sa nangyari sa kanya sa nakaraan...

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer AffairKde žijí příběhy. Začni objevovat