/2/ Parinig

178 13 5
                                    

"Good job, Miss Miranda. Ikaw ulit ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa prelims noong Disyembre."


"Maraming salamat po, Sir Castillo."


Tahimik kong tinanggap ang aking exam paper sa Statistics. Sa aking likuran ay ramdam ko na nakapako ang tingin nila sa akin. Malakas ang boses ni Sir Castillo nang ako ay kanyang purihin. Kung ibang tao ito, pumapalakpak na ang kanilang mga tainga, ngunit hindi ako.


Tahimik kong tinalikuran ang aking propesor at hinarap ko na ang buong klase para bumalik sa aking upuan, na nasa bandang likuran malapit sa may pintuan. Habang naglalakad ay pinilit kong hindi sila tignan. Alam ko na ang kanilang mga tingin, ito ay dahil sa paghanga o pagkamuhi.


"Kaya kayong lahat, galingan niyo gaya ni Miss Miranda," istriktong paalala sa amin ni Sir Castillo. "Lahat kayo ay puro palakol ang mga grado! Mga inutil! Class dismissed!"


Padabog na lumabas ang nasabing propesor sa aming classroom. Nang mawala na siya sa paningin ay nakahinga na kami nang maluwag. Napuno na ang silid ng aming mga kuro-kuro.


Habang inaayos ko ang aking bag ay tahimik kong pinapakinggan ang mga usapan sa paligid.


"Unfair naman si Castillo, halos magsunog na ako ng kilay sa kakaaral, tapos mababa pa rin magbigay ng grado!" Reklamo ng isa kong kaklase na si Edson.


"Pre, paturo ka kay Miss Miranda!" Biro ng kanyang kaibigan na si Joel.


Bahagya kong inangat ang aking ulo at sumulyap sa dalawang iyon. Nahuli ko ang tingin ni Joel at pangiti niya akong kinindatan.


"Ikaw ang Miss Universe, ng buhay ko," pabiro niyang kinanta sa akin.


"Huwag ka ngang bastos!"


Dumaan sa likuran ni Joel si Tina, isa sa aking mga kaklase. Binatukan niya ito ng Statistics book sa ulo at napaaray ito.


"Ang tapang mo naman!" Ika niya.


"Puro kasi kayo papogi sa mga babae dito! Karapat-dapat kayong matawag na inutil!" Pahayag niya. "Alis na nga!"


Tumayo na sila Joel at Edson habang dala ang kanilang mga kagamitan, na tig-isang notebook. Wala silang mga bag o kahit ano kapag pumapasok sa klase.


"Oo na po, Kumander. Aalis na po."


Sabay na lumbas ng silid ang dalawa. Pagkatapos ay lumapit sa akin si Tina at naupo sa bakanteng upuan. "Uy, pasensiya ka na. Ganoon lang sila talaga," paumanhin niya.


"Nasanay na rin ako. Di ko na lang sila pinapansin," ika ko sabay ngiti.


"Kahit naman ako, binigyan ng pasang-awa ni Castillo kahit marami naman akong tama sa exam. Iilan lang ang pinapasa niya. Alam ko favorite ka niya, but I don't take it against you," wika niya sa akin.

MemoriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon