Kabanata Dos: Picture Frame

24 0 0
                                    


Masakit sa likod, parang namamaga ang aking balikat. Mula talampakan, hanggang sa binti papuntang tadyang hanggang sa gulugod. Hindi ako makabalikwas sa aking tagiliran. Tila ang mga buto ko ay napalitan ng mga malamig na kadena, mabigat at malamig. Para akong bangkay na naninigas at plastadong-plastado sa aking kama.

Maliwanag na, nakakasilaw ang liwanag sa likod ng talukap ng aking mga mata. Pinipilit kong ibuka ngunit tila bakal din sa bigat ang aking mga pilik-mata. Binuka ko ito ng bahagya at kitang kita ko ang mga alikabok na nagsisilutangan sa liwanag na galing sa bintana.

Napilitan akong imulat ng buo ang aking mata dahil sa nakakarinding tunog na nagmumula sa aking alarm.

Medyo malayo rin ang tokador sa aking kama na siyang kinalalagyan ng cellphone. Ang cellphone ko ang nag-iingay dahil sa sinet kong alarm.

Nakabibingi at nakakasilaw, umaga na nga. Hindi ako makatayo, ngunit pinilit kong ibangon ang aking katawan maabot lang ang aking cellphone na kanina pa nagsusumigaw.

Animoy isang kunsensya na nagsasabing..."KONTROLADO ko ang buhay mo! Wala kang magagawa kung hindi bumangon na."

Marahil ay isang kritiko na ang tingin sa akin ay, "Isang walang kwentang nilalang." Mabuti pa ang isang cellphone ay nagsisilbing taga-gising ko at may pakinabang kaysa sa patapong buhay ko.

Naulit pa, ayan na naman at tumunog muli ang matining na alarm. Parang matutulis na umuukit sa mga ear drums ko.

"Tama na!" sambit ko sabay takip ng aking mga tenga. "Putakteng kabayo naman o!"

Ang tunog ay parang mga kutsilyo na humihiwa sa bawat ugat ng ulo ko. Kada paulit-ulit na tono ng alarm ay parang kamay na pumipiga sa utak ko. Halos ibaon ko ang ulo ko sa mga unan maibsan lang ang nakakairitang ingay ng alarm.

Pinilit kong ibaba ang mga binti ko ngunit biglang kumirot, kaya't ibinalik ko din ito agad sa pagkakalapat sa kama. Huminga muna ako ng malalim at nag-ipon ng lakas. Hinihimas-himas ko muna upang mawala ang muscle cramps na dulot ng biglang pagkilos ko kanina.

Inuna ko ang isa kong binti hanggang sa nakatapak na ang mga talampakan ko sa malamig na sahig. Sa bilis kung tumayo, kuryente ang agad na umakyat sa aking mga ugat.

" Aray!" napapikit kong sinambit.

Bumalik ang muscle cramps ko at hindi ako makalakad.

Tumunog ulit ang kung akala mo ay siren ng sunog.

Medyo, malabo pa ang paningin ko dahil kagigising ko lang at medyo namumugto pa rin ang aking mga mata. Nararamdaman ko din na ang mga luha ko ay natuyo sa paligid ng mga mata ko.

Ano ba itong kamalasan ko? Umagang-umaga ganito pa ang sinapit ko. Dali-dali kong pinilit na iangat ang aking isang paa. Di bale na, dalawang hakbang na lang at maabot ko na ang aking cellphone. Mapapatay ko narin ang alarm.

Isang hakbang, nang inilipat ko na ang bigat ko sa aking binti, ang kuryente sa paa ko ay naging parang mga kutsilyo na tumutusok-tusok ng mas malalim at mas masakit pa kaysa sa una.

Isang hakbang na lamang at malalampasan ko na rin ito. Tiis lang. Inihakbang ko ang isa ko pang binti.

Aray! Maabot ko na sana nang biglang sumakit ang dalawang binti ko ng sabay at umabot hanggang tadyang. Para akong nananalaytay sa lubid at biglang napatid ito. Kinabahan ako sa sandaling iyon at bumilis ang pintig ng puso ko. Nawalan ako ng balanse at matutumba ako. Ang buong kwarto ay parang naging ulap. Iyong sahig na dating matigas at masakit sa talampakan ay biglang parang lumambot at umaalon-alon. Dali-dali kong inabot ang cellphone ko. Sa wakas at naabot ko din ito ngunit sa pagkakuha ko ng cellphone hindi tuloy ako nakakapit . Huli na ang lahat upang humanap pa ng kakapitan.

Napahiga ako kasama ng ilang nahulog na picture frame. Nabigwasan ko ang mga ito noong inaabot ko ang aking telepono. Kinailangan kong takpan ang ulo ko at mukha upang hindi ako masugatan o mabukolan.

Rinig ko ang tilamsik at pagkabasag ng mga salamin galing sa mga picture frame. Meron din akong narinig na tumamama sa mga bote.

Bakit may bote?

Buti nalang at nahawakan ko ang celphone ko at naitago ko ito sa loob ng aking mga kamay kasabay ng pagtakip ko sa aking mukha. May mga bubog na sumugat sa kamay ko. Naramdaman ko na meron akong maliliit na hati at medyo humahapdi habang nahahanginan ang mga ito.

Habang nakahandusay ako sa may paanan ng tokador, wala parin akong lakas upang tumayo. Huminga muna ako ng malalim at unti-unting binuksan ang aking mga kamay papalayo sa aking mukha. Lumantad sakin ang lahat ng mga nabasag. Marami palang bote sa gilid ng tokador. Napadami yata ako ng inom kagabi at hindi ko na naitapon pa ang mga ito.

Halos hindi ko na maalala kung anong nangyari kagabi. Sa isang bote malapit sa mga sirang picture frame, nakita ko ang isang larawan.

Ang dibdib ko ay parang napuno ng tubig. Parang lalagyang plastic na punong-puno at gusto gusto nitong umagos at bumulwak. Bigla na lang nanlalabo ang gilid ng paningin ko. Hindi ko na mapigilan ang umiyak kahit pisilin ko ang aking mga mata. Tuluyang tumulo ang aking mainit na luha.

Bumuhos ang akala ko'y tuyo na, rumagasa ang aking mga luha. Nakalimutan ko ang pagkahilo ko. Ang mga bubog at bote ay pansamantalang nawala sa isipan ko. Ang medyo maliwanag na kwarto ko ay tila nandilim.

Meron akong naamoy na bulaklak na pumuno sa buong kwarto. Amoy bulaklak na nakakakalma ngunit hindi galak ang dulot nito, kundi malalim na kalungkutan. Amoy ng kawalan na tila yumayakap sa puso ko at pumipiga nito.

"Kuya hindi sana ako ganito. Bakit mo ko iniwan?" panaghoy ko habang niyakap ko na lang ang picture ni kuya at inisip na kayakap ko siya. "Akala ko ba magkasama tayo, bakit mo ako iniwanan kuya?"

Magtatatlong buwan nang wala si Kuya Yuri.

Narinig ko na naman ang matitining na tunog ng alarm tone sa cellphone. Akala ko tapos na at napatay ko na ito. Nawala sa isip ko ang patayin ito. Dali-dali kong binuksan ang telepono.

Lumiwanag ang lahat, lumitaw ang mga bagay sa paligid at bumalik ang isip ko sa kasalukuyang nangyayari. Nakalimutan ko ang tungkol sa alarm.

"Ano ba ito? mapatay na nga!" sabi ko sabay kalikot sa cellphone na hawak ko, habang nakahiga pa sa sahig. "Ano bang meron?"

REMINDER: First Day of School

"Patay! Late na late na ako!" nanlaki ang mga mata ko na halos mabitawan ko ang cellphone. "Ngayong araw na pala ang pasukan!"

Balete High NovelWhere stories live. Discover now