PROLOGO

203 21 0
                                    

HINDI nag-iisa ang tao.


Bago pa man umusbong ang kasalukuyang sibilisasyon, may mga nilalang nang nanirahan sa mundo na malayo ang itsura sa lupain ng mga tao. Isang kakaibang lugar kung saan posible ang lahat, isang mundo na binabalot ng maraming hiwaga, mga kwentong kakaiba at mga nilalang na iba ang itsura. Doon posible ang hindi inaakala, may mga nilalang na nagtataglay ng mahika at kapangyarihan na kayang lumikha at sumira, mga hari, prinsipe at prinsesang nakatira sa palasyong gawa sa ginto at bato. Doon, nagtatagpo ang buhay at kamatayan.


Hindi na bago sa pandinig ng lahat ang mga kakaibang kwento ng mga matatanda na ginawa lamang ng imahinasyon upang panakot sa mga batang supil. Mga kwento tungkol sa mga nilalang na kawangis ng kabayo, mga nilalang na nahahati ang katawan at lumilipad, mga nilalang sa tubig, lupa at puno.


Ngunit sa lahat ng mga kwentong ito, isang alamat ang hindi naisulat sa libro.


Sa kailalaliman ng lupa, sa ibang dimensyon, isang mahiwagang mundo ng mga kakaibang nilalang ang nakahimlay. Isang mundo na puno ng magagandang tanawin, sariwang hangin, malilinaw na tubig, mga naglalakihang puno at mga mababangong bulaklak na kasinlaki ng tao. Isang lugar na kung tawagin ay Catharsis. Doon, naghahari ang katahimikan at kaayusan na kapit-kamay na pinapatupad ng limang kaharian--ang Avaerze, Eubithia, Ruemania, Veercan at Zitheria.


Mga palasyong pinamunuan ng mga hari't reyna na may angking taglay na kapangyarihang kaiba sa lahat.


Ang Avaerze ay sumisimbolo ng buhay. Hangin ang nagbibigay hininga sa lahat ng nilalang. Berde ang sagisag ng kaniyang lahi kung kaya't puno ng mga watawat na may burda ng ulo ng agila ang kanilang teritoryo. Ang kanilang karangyaan ay sumisiwalat sa mga mamahaling palamuti tulad ng batong esmeralda. Ang mga nilalang na may dugong bughaw kasama ang hari, reyna, prinsipe at prinsesa ay may kakayahang utusan ang hangin. Doon sa Avaerze ang sentro ng kalakal ng Catharsis kung kaya't ito ang may pinakamalaking teritoryo at palasyo sa lahat.


Taglay naman ng lahi ng mga Eubithian ang kapangyarihang utusan ang tubig. Asul ang sagisag na kulay ng kanilang lahi, simbolo ng katapatan at kalinawan ng isip ang tubig kung kaya't tanging mga nilalang na may malinis na intensyon at mabubuting puso ang namumuno rito. Sa Eubithia makikita ang mga magagandang talon, malilinis na sapa at malalawak na karagatan. Kilala ang Eubithia sa kanilang mga masasarap at kakaibang pagkaing nagmumula sa karagatan.


Hawak naman ng Ruemania ang awtoridad upang kontrolin ang lupa at kalikasan. Ang mga nilalang na may dugong bughaw sa kanilang lahi ay may kakayang utusan ang lupa at kausapin ang mga hayop, maging ang mga puno't halaman ay kaya nilang pagalawin. Ginto ang simbolong kulay ng Ruemania na makikita sa rangya ng kanilang kaharian. Sa Ruemania makikita ang mga malalaking gubat at malalawak na kabundukan, gayundin, ang mga hayop na sa kanilang lupain lamang matatagpuan. Tumutubo rin sa teritoryo ng mga Rueman ang mga malalaking puno, mayayabong na mga halaman at mga magagandang bulaklak.


Isa ang Veercan sa mga pinakamatatalinong lahi na nabuhay sa mundo ng Catharsis. Bagama't walang kakayang kontrolin ang hangin, tubig at kalikasan ngunit ang mga dugong bughaw ng lahing ito ay may angking kakayahang pagalingin ang sariling sugat at karamdamanan ng iba. Puti ang sagisag na kulay ng kanilang lahi na rumirepresenta sa kadalisayan, kagalingan at kalinisan. Sa Veercan nanggagaling ang mga gamot at panlunas sa mga sugat at sakit.

Legend of the World BelowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon