Kabanata 1

158 16 9
                                    

SUBSOB ang mukha ng isang binata habang nakatitig sa mga letra ng librong pilit niyang binabasa. Nasa malaking aklatan siya ng unibersidad na kaniyang pinapasukan at maya-maya lamang ay magsisimula na ang unang pasulit nila sa araw na ito ngunit imbes na mag-aral tulad ng mga nakakasabay niyang mga estudyante, walang ibang laman ang kaniyang utak ngayon. Nakatulula lamang siya sa pagitan ng mga letra na para bang hindi kakikitaan ng kaba sa gagawing pasulit sapagkat iba ang nasa isip niyang ngayon--mga bayarin.


Kaninang umaga lamang ay sumagi sa kaniyang isipan na bayaran na pala ng tubig at kuryente, dagdag alalahanin pa sa kaniya ang renta niya sa inuupahang bahay na halos araw-araw na rin siyang nagigising sa kakasinggil ng may-ari. Anumang pilit niyang pagkakasiya sa kakarampot niyang kita bilang cashier ng isang convience store, service crew ng fastfood restaurant at utility worker ng isang building ay hindi pa rin sapat sa lahat ng kaniyang mga gastusin. Maliit lamang ang sahod sa kaniya dahil estudyante pa siya at tuwing gabi lamang siya nagpapakita dahil nag-aaral siya sa umaga. Minsan nga'y hindi na siya kumakain at nagkakape na lamang upang palipasin ang gutom.


Ganito na ang eksena ng kaniyang buhay mula noong maulila siya, anim na taon na ang nakakaraan. Kung tutuusin, komportable naman ang buhay ng kaniyang pamilya noon at kahit papaano'y maykaya naman sila dahil sa negosyo ng kaniyang ama na pag-aangkat ng mga prutas galing sa probinsya patungo sa malalaking syudad.


Malaki ang ari-arian nila sa probinsya, malawak ang lupa ng mangga, pinya, niyog at saging at may mga alagang hayop pa. Bilang nag-iisang anak, sa kaniya nakatuon ang lahat ng atensyon at pagmamahal. Masasabi niyang perpekto na ang kaniyang buhay kung hindi lamang naaksidente ang kaniyang mga magulang, namatay at tanging naiwan sa kaniya ay mga utang.


Lahat ng kanilang pag-aari ay nasulot ng bangko kung saan may malaking pagkakautang ang kaniyang ama.


Walang ibang naiwan kay Timotheo kundi ang naitagong mga alahas ng kaniyang ina na siyang binenta na lamang din niya at lumuwas ng Maynila upang makipagsapalaran. Akala niya'y magiging madali sa kaniya ang buhay syudad ngunit dumoble lamang ang paghihirap na kaniyang natamasa.


Sa murang edad ng dyesisyete ay nagtrabaho na siya habang nag-aaral. Unang naging trabaho niya ay kargador ng mga gulay sa palengke na kalaunan ay sinukuan niya rin dahil sa bigat ng trabaho at maliit na kita.


Sa loob ng anim na taon, nabuhay si Timo sa kaniyang sariling pagsisikap. Nagpapalipat-lipat siya ng trabaho ngunit isa lamang ang hindi niya sinukuan--ang kaniyang pag-aaral. Nais niyang maging isang magaling na pintor, isang manlilikha ng sining na hahagaan ng lahat. Batid niyang makapal ang kaniyang mukha upang mangarap pa kahit wala siyang pera pero magsisikap siya dahil alam niyang hindi na siya nalalayo sa pangarap na iyon--lalo pa't nasa pangatlong taon na siya sa kurso niyang Bachelor in Fine Arts.


Napaayos ng upo si Timo nang tumunog ang alarm ng kaniyang cellphone dahilan upang magsilingunan sa kaniya ang lahat ng tao sa loob ng silid-aklatan. Ang iba'y sinamaan siya ng tingin sa ingay at ang iba nama'y animo'y hindi maguhit ang mukha dahil sa kaniyang panggagambala sa mga ginagawa nito. Isang asiwang ngiti ang kaniyang ibinigay rito at humingi ng tawad sa lahat habang ang kaniyang kamay ay kinakapa ang kailaliman ng kaniyang dalang bag. Kaagad niyang pinatay ang tunog nito nang matagpuan ang cellphone. Doon lamang din bumungad sa kaniya ang oras.


Dali-dali niyang dinampot ang lahat ng kaniyang mga gamit sa mesa at isinuksok ito sa loob ng kaniyang bag saka tumakbo palabas. Pinagtitinginan na siya ng lahat dahil sa kaniyang kinikilos ngunit diretso lamang ang tingin ng lalaki sa daan.

Legend of the World BelowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon