Pasko Sa Alaala

51 18 5
                                    

Noche Buena na mamaya kung kaya'y abalang-abala ang lahat na tila ba nauubusan ng oras.

Lakad dito. Lakad doon. Ni hindi nga nagpapansinan o wala talagang pakialamanan? At ako naman, andito. Nakaupo sa jeep. Nakatulala. Habang hawak-hawak ang box ng cake na dinaanan ko kanina mula sa simbahan.

Ganito pala ang Pasko ngayon ano? Parang normal na araw lang.

Kanina sa simbahan ay bilang lamang ang mga tao. Mas marami pa nga ang taong nagdiriwang sa malls at ibang pasyalan kaysa simbahan kung saan ang bahay ng taong rason bakit may pagdiriwang.

Ang paradahan na sobrang ingay, ang napakahabang traffic, ang ingay na dulot ng mga sasakyan, ang mga nagtitinda sa kalye...ganun pa rin. Ni wala ngang Christmas songs o di kaya palamuting di gaya dati na pagsimula pa lang ng ber months ay ramdam mo na ang Pasko.

Napabuntong hininga na lamang ako nang biglang umilaw ang phone ko at bumungad ang pagbati ng ate kong nasa probinsya.

“Maligayang Pasko!” aniya.

"Magdadalawang taon na rin pala akong di nakabalik sa probinsya?" tugon ko sa sarili habang nanumbalik ang dating paskong kumpleto pa kaming magpapamilya.

Tanda ko pa. Gabi 'yun. Madilim at tanging lampara lamang na gawa ng papa ko ang umiilaw sa tahanan namin. Habang ang kapitbahay? Halos mapuno ng palamuti at Christmas lights ang mga tahanan nila. Naalala ko rin nung gumawa kami ng Christmas tree kasi wala kaming pambili. At si mama, abalang-abala sa pagluluto kahit isang manok at pansit lang ang kayang ihain. Ngunit gayun pa man ay kitang-kita pa rin ang masasayang mga mukha naming magkapatid habang hinihintay si papang dumating galing sa trabaho.

'Yung feeling na gustong-gusto mo nang tikman ang nasa hapag ngunit hinihintay naming makumpleto ang lahat?

Ilang oras na ang lumipas at dumating na rin si papa.

Sa wakas.

Nagtatakbuhan at paunahan sa pagkuha ng kamay niya para magmano.

May dala siyang supot. Akala nga namin di 'yun para sa'min eh. Ngunit nung binuksan niya ito ay bumungad sa'min ang isang bilog na kulay yellow.

Isang di pangkaraniwang pagkain.

“Mama, ano 'yan? ”tanong ng kapatid ko na tila ba nanibago sa dala ng aming ama.

"Ah 'yan? Cake 'yan anak. " Sabi ng papa ko habang nakatingin sa amin na may halong saya at awa dahil sa buong buhay namin, dun pa kami nakakita at makatikim ng ganung klaseng pagkain.

Masarap.

Mabango.

At hanggang ngayon ay nalalasahan ko pa rin ang chiffon cake na 'yun. Maliit lang 'yun pero kasya sa'min lahat.

Pero bakit ngayon, kaya ko nang bumili ng malaking cake at matikman ito kahit kailan ko gusto ay tila meron pa ring kulang?

Kung kailan kaya na naming gawin, bilhin, kainin ang lahat ng nais. Ay saka pa nawala ang kasiyahang dati naming nadama nung kami ay walang-wala pa.

Ngunit 'yung dati ay di na maibabalik. Busy lahat. May kanya-kanya nang buhay, kanya-kanyang pamilya at lahat ay nagbago na tila ba ang dating Paskong kay saya ay mananatili lamang na alaala.

PASKO SA ALAALA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon