Deadline

229 11 15
                                    


Hi guys! Ito na naman po ako at nagbabalik sa wattpad, matapos ang mahigit 2 taon, sana ay may masuportahan ninyo pa din ang story ko. Na-miss ko din talaga ang magsulat dito :)

===========================================================================

CHAPTER 1

-=Jason Point of View=-

"Kailan ka ba talaga mag-aasawa, Jason?" 

Iyon ang madalas kong naririnig sa tuwing magkakaroon kami ng reunion, mula sa mga  dati kong kaklase, mga katrabaho, o kahit na sinong mga kakilala ko.

Kaya nga natatakot na din akong dumalo sa mga reunion lalo na kapag reunion kasama ang mga kamag-anak.

Natatakot akong muli akong matanong kung kailan ba ako mag-aasawa, oo nga at maari naman akong magsinungaling, pero para bang hirap na hirap akong magsinungaling, dahil sa oras na sasabihin kong naghihintay lang ako ng tamang babae na darating sa buhay ko ay para bang hindi lang sila ang niloloko ko, kung hindi lalo ang sarili ko.

Alam ko naman kasi ang dahilan kung bakit hindi ko magawang magpakasal, o kahit na nga ang makipagrelasyon, at dahil iyon sa tunay na ako.

Kahit gustuhin ko ay hindi ko magawang magkagusto sa isang babae, o kahit na sinong babae, dahil ang totoo ay isa akong bakla.

Kung titignan ay hindi mo mahahalata na isa akong bakla, dahil na din sa pagkilos, at pananamit ko.

Kung titignan mo nga ako ay parang straight na lalaki ako, pero sabi nga sa panahong ito ay hindi mo na alam kung sino nga ba ang straight sa hindi, at masasabi kong isa ako sa mga baklang hindi halata.

Hindi ko naman ninais na magmukhang babae, o kaya naman ay kumilos na parang babae, basta ang alam ko lang ay nagkakagusto ako sa kapwa ko lalaki.

Siguro mga high school ako nang maramdaman kong kakaiba ako sa mga kaklase, at kaibigan ko, dahil imbes na sa magandang kaklase namin ako napapatingin ay napapansin kong sa guwapo kong kaklase ako madalas tumitingin.

Mas lalo kong nakumpirma ang bagay na iyon nang tumanda na ako, noong una nga ay natatakot akong aminin sa sarili ko ang katotohanang iyon.

Dumating pa sa punto na naghanap ako ng dahilan kung bakit ako nagkaganito, naisip kong baka meron akong kamag-anak na bakla at maaring nahawa ako, meron din namang pagkakataon na sana namolestiya ako noong bata ako.

Hindi dahil sa gusto kong maranasan ang bagay na iyon, kung hindi naghahanap lang ako ng dahilan kung bakit ako nagkaganito, kung bakit ako naging bakla.

Nang magkolehiyo ako ay saka ko pa lang natanggap kung ano ba talaga ako, at natanggap ko din sa sarili ko na walang dahilan kung bakit ako naging bakla, maari lang siguro talagang ito ang naramdaman ko, na sa lalaki ako nagkakagusto.

Ngunit kahit nang nasa kolehiyo ako ay hindi ko pa din makayang ilabas ang totoong ako, natatakot kasi akong ma-judge ng mga tao, at maliban pa doon ay natatakot akong malaman ng pamilya ko, o ng mga kakilala ko ang totoo.

Kaya nga siguro, hindi ko nagawang maging masaya talaga, dahil sa lihim kong patuloy na kinukulong.

Hindi ko alam kung dahil ba doon kaya naman hindi ko nagawang magtapos ng pag-aaral, hindi naman kami mahirap, at kaya naman akong pag-aralin ng mga magulang ko, pero dahil sa mga desisyon ko sa buhay ay hindi ako nakakuha ng diploma na isa sa pinakapinagsisisihan kong nangyari sa buhay ko.

Alam ko naman sa sarili ko na wala akong dapat na sisihin kung hindi ang sarili ko, minsan naiisip kong, kung naging totoo ba ako ay mae-enjoy ko ang college life, at magiging dahilan iyon para sipagin akong tapusin ang kursong kinuha ko?

Matapos kong lumipat sa ibang unibersidad ay naisip kong tapusin ang kurso ko, ngunit kahit katulad ng nauna ay hindi ko din iyon nagawa, hanggang sa nagpasya na lang akong magtrabaho.

Pumasok ako bilang isang call center agent sa bandang Ortigas, ngunit limang buwan pa lang ako ay nag-resign na din ako.

Ok naman din ang pasahod kung iisipin, pero hindi ko maramdaman ang saya na hinahanap ko, muli ay naisip kong dahil na naman iyon sa pagtatago ko sa totoong ako.

Ilan pang call center ang pinasukan ko, hanggang sa mapunta ako sa call center sa bandang Pasay.

Kumpara sa iba ay mas na-enjoy ko ang pagtatrabaho ko sa naturang kumpanya, dala na din marahil na pinaalam ko na din sa mga katrabaho ko ang totoong ako.

Nakatulong siguro na ang TL namin ay isang bisexual, idagdag pa ang babaen naming katrabaho na bisexual din, kaya siguro naglakas ako ng loob na ipaalam sa kanila ang totoo.

Tumagal din ako sa kumpanyang iyon ng halos dalawang tao, ngunit katulad nga ng sinasabi nila na, na lahat ay nagtatapos, at nagtapos ang kaligayahan ko nang magpasyang mag-resign ng TL namin, at ma-disolve ang team namin.

Labis akong nalungkot nang nangyari iyon, kaya naman nang malipat ako sa ibang team ay inabot lang siguro ng isang buwan nang magpasya na din akong umalis.

Magmula nga noon ay ilang kumpanya na din ang pinasukan ko, meron pa ngang isang beses na sabihin ko sa mga katrabaho ko ang totoo, ngunit ang nangyari ay nakaramdam ako ng pambu-bully at discrimanation, kaya nga siguro hindi ko na nagawang ipaalam sa iba ang totoong ako, matapos noon.

Naranasan ko naman na pumasok sa isang relasyon, pero sa tingin ko ay sa akin ang mali, dahil wala pa akong naging karelasyon na nagtagal, pinakamatagal na siguro ang dalawang buwan.

Tingin ko naman ay seryoso sila sa akin, pero meron kasing takot sa dibdib ko na dadating din ang araw na mare-realize sila na hindi ako worth it na mahalin.

Lumipas ang mga taon na pakiramdam ko ay walang magandang nangyayari sa buhay ko, wala nga akong masasabing maipagmamalaki ko, kaya naman dumating na ako sa punto na tinaningan ko na ang aking sarili.

Forty years old ang target kong edad, at umaasa akong kapag tumuntong ako sa edad na iyon ay wala na ako sa mundong ito.

Natatakot kasi ako na baka makagawa ako ng isang desisyon na makakadulot ng disappointment sa pamilya ko, at isa sa mga kinatatakutan ko ay kung sakaling mawala na ang mga magulang ko.

Naisip ko kasi, kung paano na ako kung wala na sila, lalong-lalo na si Mommy, selfish man kung iisipin ay mas gugustuhin kong mauna na lang ako sa kanila.

At ngayong thirty-six years old na ako ay may apat na taon na lang ako bago ang tinakda kong deadline ng buhay ko sa mundo.

Samahan ninyo ako sa apat na taon na nalalabi sa aking buhay...

In Another Life (BoyxBoy)Where stories live. Discover now