Chapter 1

791 39 2
                                    

2016

“Saan ka na naman galing, Francesca?" Dumagundong ang boses ni Mr. Alexander Quijano, ang daddy ni Chesca, sa buong kabahayan. Nakaupo ito sa sala sa parteng ‘di gaanong nasisinagan ng ilaw.

Napatigil si Chesca sa pag-akyat sa kwarto niya. Kakauwi lang niya galing sa birthday party ng isang kaibigan. Malalim na ang gabi at nakapagtatakang nag-aabang ang ama sa kaniya.

“Did you know what time it is right now?” dagdag tanong pa nito. Tumayo ito at nilapitan siya.

Wala akong pakialam kung anong oras na! sigaw ng isip ni Chesca, pero iba ang lumabas sa bibig, “I’m tired, Dad. Kung may sasabihin kayo, pwede bang bukas na lang?”

Alam ni Chesca na isang mahabang sermon na naman ang aabutin niya sa ama, kaya inunahan na niya ito. Hindi na bago iyon. Simula’t sapul nang magkaisip siya ay hindi na naging maganda ang relasyon nilang dalawa. Palagi itong galit sa kaniya at tila walang pakialam. Mas tumindi iyon nang mamatay ang kaniyang ina. Nawalan siya ng kakampi, at alam niyang siya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng mommy niya.

“I don’t really know what to do with you,” ang nahahapong sabi ng kaniyang daddy. Biglang may dumaang pag-aalala sa mga mata nito.

Natigilan si Chesca, pero sandali lang iyon. “Then, stop acting like you care!” padabog na turan niya at mabilis na nagmartsa patungo sa kaniyang kwarto.

Diretso siya roon at sumalampak sa gitna ng kama. Hindi na siya nag-abala pang magpalit ng damit. Iniisip niya ang inakto ng kaniyang ama kanina. Ngayon lang nangyaring inabangan siya nito sa pag-uwi. Hindi kasi nito dating ginagawa iyon, dahil wala naman itong pakialam sa mga pinaggagawa niya. Para ngang hindi siya nag-e-exist sa harap nito. Ni hindi sila nagkaroon nang maayos na pag-uusap sa mga nakalipas na taon. Kapag pinagsasabihan siya nito, alin man sa nilalayasan niya ito o hindi na lang ito pinakikinggan. Pasok sa kabilang tainga, labas sa kabila.

Nasa huling taon na siya sa kolehiyo. At kahit papaano, hindi naman siya pinakikialaman ng daddy niya sa kursong kinuha. Alam niyang gusto ng kaniyang ama na maging engineer siya na gaya nito. At sa totoo lang, iyon din naman ang gusto niya. Pero dahil nagrerebelde siya, at ayaw niyang paluguran ito, kumuha siya ng fine arts. Hindi man iyon ang kaniyang hilig, nag-e-enjoy naman siya.

Tanging pagpasok sa eskwela ang kaniyang kalayaan. Tuwing nasa loob siya ng kanilang bahay, pakiramdam niya na-s-suffocate siya. Isang dahilan kung bakit siya madalas lumabas. Kung wala sa mall, sa mga barkada. Gusto niyang makawala sa kaniyang amang ni minsan ay hindi nagpakita ng pagmamahal sa kaniya.

“Soon, I will be free from this cage-like-house,” sabi ni Chesca sa sarili bago nakatulog.

***
“Chesca… Chesca... Gising na.” Boses ng kaniyang Yaya Lomeng ang pumukaw sa kaniyang diwa kinaumagahan.

Hindi nagmulat ng mga mata si Chesca. Alam niyang Linggo at walang pasok. Wala rin siyang balak bumangon nang maaga. Makikita niya lang ang daddy niya ‘pag lumabas siya.

Isa pa uling tapik sa balikat ang ginawa ni Yaya Lomeng nang hindi siya tumitinag sa kaniyang pagkakahiga. “Chesca hinihintay ka ng daddy mo sa ibaba. Pinapagising ka niyang talaga sa akin,” sabi pa nito.

Doon na siya tuluyang nagmulat ng mga mata. Nawalang bigla ang antok niya nang marinig ang sinabi nito.

Kunot-noo niyang nilingon ang kaniyang yaya. “Bakit daw?” tanong niya rito.

“Ewan ko rin. Wala naman siyang sinabing dahilan. Basta ang sabi niya gisingin ka na,” anito habang nililigpit ang mga maruruming damit niya na nagkalalat sa sahig. “Ikaw na bata ka. Maano bang ilagay mo naman ito sa basket. ‘Ke lapit-lapit na nga, hindi mo pa makuhang ilagay,” panenermon nito.

Ang Ikatlong Misis Lagdameo Where stories live. Discover now