III

3 0 0
                                    

REGINA: Ano’ng napapansin?

ANA : May pagbabago ka bang nakikita ? Hindi ba parang lumalala?

REGINA: (bubuntung-hininga) Ang sabi naman ng doktor ay may “shock” pa siya hanggang ngayon. Totoo raw nasindak si Aida.

ANA : Kung sabagay. Medyo nawawala na ang mga marka ng dagok sa kanyang mga pigi. Talaga sigurong hindi ka makakabangon kapag dinagukan ka roon. Iyon namang sugat at galus-galos, magaling na. Ang ikinatatakot ko’y ang kanyang nerbiyos. Lalo siyang nagiging nerbiyusin yata. Lagi kaya niyang naaalala ang nangyari sa kanya? Ganoon ba iyon? Hindi ba- may naloloka sa ganyan?

REGINA: Hindi naman siguro, Ana. Mahusay ang gamot na ibinibigay sa kanya ng doktor. At sabi sa ospital, magaling daw ang “psychiatrist” na tumitingin sa kanya. Talaga raw isa sa pinakamahusay dito sa Pilipinas, sabi sabi rin Tony.

ANA : Naaalala ko kasi iyong kapitbahay natin sa Gagalangin. Iyon bang anak ng kapitan na dinadala sa V.Luna at ipina-e-“electric shock”. Namumuti raw talaga at umiikot ang tau-tauhan ng mata. Bumubula ang bibig. Pero iba naman siguro iyon.

REGINA: Tiyaga, tiyaga ang kailangan natin, Ana. Kaya hahabaan ko ang aking bakasyon.

ANA : (Maliwa-liwanag ang mukha): Mahusay siguro iyong likidong “tranquilizer” na inihahalo ko sa pagkain niya. Biro mo, iyong tira niyang pagkain, sinubok kong ipakain kay Sultan noong isang araw. Nakatulog ang pobreng aso.

REGINA: Iyon naman daw ang kailangan, sabi ng doctor- ang humupa ang kanyang nerbiyos.

ANA : Ibinigay ni Tony kay Aida nag maliit niyang ponograpo.

REGINA: Sa Linggo ang punta dito uli ng doktor. Malalaman natin sa kanya kung kailangan pang ipasok sa ospital si Aida o hindi. (Maalala) Si Tony nga pala, iyong gamot. (tatawag) Tony! Di ibinigay ba ang kanyang “turntable”? (mananaog si Tony, payat, di-nasusuklay ang buhok, lampas sa karaniwan ang taas, habaan ang mukha, nakasalamin at mukhang matanda kaysa tunay gulang. Lumang pantalon at maluwang ang manggas na polo sert ang suot. May dalang plais at “tape” sa kordon.)

REGINA: Bumili ka ng gamot, Tony. Nasa tokador iyong pera.

TONY : Opo. ( Ililigpit sa may ilalim ng hagdan ang plais at pandikit, pupunta sa repriheradora at kukuha ng inumin. Tiyak at tila laging pinag-iisipang lagi ang kilos.) Nauuhaw si Aida.

ANA : (pagkapanhik ni Tony, naghihinala): Ilang beses ko nang napapansing lumalabas ng gabi ang Toning iyan. Di mo ba napapansin?

REGINA: Hindi.

ANA : Iyong lagay na iyon siguro’y palakad na.

REGINA: Ugali lang talaga niyan ang maglakad. Di nga ba sabi mo kangina’y palaisip?

ANA : Oo nga. Pero gabing-gabi na kung umuwi kung minsan. Susi ang ginagamit.

REGINA: Baka naman nagpupunta lang sa kaklase niya riyan sa kabilang kanto?

ANA : (kukumpas): Aywan ko. Si Ben ang tanungin mo. Sila’ng magkakuwarto. Kaya lang, nag-aalala ako. Alam mo na ngayon, baka makatuwaan iyan. (Isang sasakyan ang hihinto sa tapat ng “apartment”. Maririnig ang pagkalapak na pagsasara ng pinto nito, ang pagkahol ng aso).

REGINA: (kay Ana): Sa atin ba iyon? (May babatinting sa pintuang bakal).

ANA : Tingnan mo nga Benjamin.(Lalabas si Ben. Sa may “gate” maririnig ang boses-matandang tanong na “ Nariyan ba si Mrs. Calderon?” at ang mababa at pagak na “Opo, sino po sila?” ni Ben. Nakatayo sina Regina at Ana sa tabi ng mesa, nakatingin sa labas).

ANA : (Makikilala ang dumating) Si “mayor”, Regina! May kasama.

REGINA: (magugulat) Ano kayang kailangan?

ANA : (kinakabahan) Baka-aayusin ka.

BEN : (papasok) Gusto raw kayong makausap, Inay.

ANA : Bakit daw?

BEN : Aywan ko po.

REGINA : (pagkaraan ng pagbabantulot) Papasukin mo. (Lalabas si Ben).

...

MOSES , MOSES Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon