'Di ko mawari ang sakit na nararamdaman
Madaling araw noon ng ako'y tinawagan
Kabog sa 'king dibdib sadyang 'di ko mapigilan
Dahil alam kong 'di kaaya-ayang balita ang malalaman.
Tunay nga ang aking mga hinala
'Pagkat tuluyan ka ng nawalan ng hininga
Pintig ng puso ko'y 'di na humuhupa sa kaba
Katawa'y nanlalamig, naninigas at isipa'y tulala.
Nay, hindi ko talaga lubos akalain
Na kailan ma'y 'di na kita makapiling
Parang kahapon lang ng ako'y iyong akayin
Iduyan sa mga bisig mo upang ako'y patahanin.
Gustuhin ko mang tanggapin na ika'y wala na
Ngunit tila 'di nauubos ang luha sa 'king mga mata
Luha ng pagluluksa, paghihignapis at pag-iisa
Sapagkat kailanma'y 'di na kita makakasama.
Nay, 'di ko alam kung paano ko haharapin ito
Gamutin ang nadudurog kong puso
Simula ng lisanin mo ang mundo
May kulang na patlang sa 'king pagkatao.
Payakap naman ng mahigpit, Nanay!
Sobra akong nangungulila sa haplos ng 'yong mga kamay
Ikaw ang nagpapalakas sa t'wing ako'y nalulumbay
At nagpapatatag sa sarili kong minsan ng bumigay.
Kung maibabalik ko lamang ang kahapon
Sana'y sinamantala ko na ang pagkakataon
Ngunit huli na ang lahat ng mga panghihinayang
Dahil 'di na kita mayayakap at mahagkan.
Tandaan mong mahal kita higit pa sa 'king sarili
Natatangi kang Inang maituturing kong bayani
Matapang, mapagmahal at may prinsipyo't 'di nabibili
Ang mga ala-ala nating dalawa'y sa 'king puso't diwa mananatili.
-March 2, 2023 | 5:17AM*Nanay Violy's 2nd year death anniversary
