Eowyn VIII

31 1 0
                                    


Nakalulan kaming tatlo sa kabayo. Si Gustave ang nagmamanipula. Narito ako sa kanyang likod at nakaupo ng patagilid habang nakayakap sa kanya. Samantalang ang aming anak ay nasa harap niya at nakakulong sa kanyang mga bisig. Hindi ko matanaw si Eve mula dito sa likod ni Gustave. Napakatayog kasi ng lalaking ito at malapad ang pangangatawan, ang tanging nagagawa ko ay abutin si Eve ng aking yakap.

Nasa labas kami ng kastilyo at napagpasyahang mamasyal muna sa bukirin ng lupain sapagkat isa ito sa may natatanging espasyo sa aking buhay. Noong bata pa kami ni Katherin, hilig naming magtungo dito upang tulungan si Ama na mamahala sa mga inaani. Minsan ay tumutulong pa kaming mag-ani at magtanim.

Binabaybay ng sinasakyan naming kabayo ang malawak na luntian. Mula sa aming kinaroroonang talampas ay natatanaw namin sa ibaba ang malawak na lupain ng mga pananim at mga alagang hayop na namamahinga sa mga tabing ilog ng bukirin.

Tamang-tama lamang ang sikat ng araw at hindi ito mahapdi sa balat kaya wala akong problema na magtagal kami dito.

"Bumaba tayo doon. Tiyak na nag-aani ang mga magsasaka." suhestiyon ko sa aking kabiyak na nagmamanipula ng kabayo.

"Hindi ba mainit ang araw para kay Eveanna?" tanong niya at nilingon ako.

"Tamang-tama lamang ang init. At isa pa ay pinahiran ko siya bago tayo umalis. Wala itong epekto sa kanyang kutis."

Napangiti ako sa pagiging maalalahanin niya sa aming paslit. Talagang ayaw na ayaw ni Gustave na mababad sa init ng araw si Eve. Bukod sa baka mangitim daw ang kutis nito ay baka din magkaroon ito ng alerhiya. Lalo't sensitibo nga ang aming anak.

"Nana ko, Ama ko, gusto lawo Eve doon tubig po." narinig ko ang kanyang munting tinig.

Hindi ko makita kung saan siya nakatingin subalit tiyak kong nakaturo ang kanyang mga munting daliri sa gawi ng isang malawak na ilog sa ibaba.

"Iinom kabayo tubig po. Tinin mo, Ama o! Dami hayop iinom po!" magiliw pa niyang saad. "Lawo Eve doon po, Ama ko."

Narinig ko ang pagtawa ni Gustave, maski ako ay nararamdaman ko kung paano umindayog si Eve sa kanyang kinaroroonan dahil sa kasabikan. Hindi namin siya pipigilan sa kanyang mga gusto. May baon naman akong pamalit niya, kung sakali.

"Ayaw mo bang mamitas muna ng mga prutas, aking tala?" si Gustave.

"Pitas putash? Ano putash po?"

"Samu't-sari, anak. Lahat ng iyong gusto ay mayroon dito." sagot ko.

"Dami ubas po?" namamangha ang maliit niyang tinig.

Sabay kaming natawa ni Gustave sapagkat iyon talaga ang kanyang paborito. Wala siyang kasawa sawa kahit pa araw araw siyang kumakain nito. At sa ilang araw namin dito sa Peryvell ay hindi maaaring lumipas ang araw na hindi siya pumipitas ng ubas sa dating hardin ni Katherin. Sa tuwing binibihisan ko siya ay magugulat na lamang ako sapagkat may nahuhulog na nakasiksik sa kanyang bestida.

Napalingon sa amin ang ilang magsasaka na abala sa pamimitas. Napangiti ang iba lalo na ang mga matatanda na tila ba ako'y nakilala. Matamis na ngiti ang ibinalik ko sa mga ito. Tiyak na ang karamihan sa kanila ay ang mga magsasaka pa ni Ama noong araw sapagkat mga pamilyar din sila sa akin.

"Esmeraldang mata.. kung hindi ako nagkakamali ay Fyenelle lamang ang nagtataglay nito." dinig ko mula sa kaliwa.

"Tunay. Marahil.. isa siya sa kambal na noo'y nagliliwaliw dito noong nabubuhay pa ang humayong Heneral. Naaalala ko iyon.."

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 11, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

EowynWhere stories live. Discover now