K A B A N A T A 1 - Hipokrito

10 2 0
                                    


•••

"Mga hindot! Mga hinayupak! Anong oras na at nakahilata pa kayo diyan! Nakakalimutan niyo na bang ngayon ang unang simbang gabi? Mga putang ina niyo talaga e! Kakapuyat niyo nakakalimutan niyo nang humarap sa Diyos!"

Galit na galit ang ginang na si Aling Romina sa kanyang tatlong anak na masarap na natutulog sa kanilang maliit na sala. Pinagpapalo ng ginang ang mga anak gamit ang manipis na kawayan na siyang lumatay naman sa balat ng magkakapatid.

Napabangon ang tatlo at nagsiksikan sa maalikabok na sofa.

"Mama naman e! Sabi ko naman kasi sa iyo hindi ako magsisimba, inaantok pa ako!" sabi ng dalagang si Paloma na kinikiskis pa ang palad sa latay sa hita.

"Isa ka pang babae ka! Ang landi-landi mo! Napuyat ka na naman kasi nakipag-usap ka sa syota mo sa tawagan, ano?" Lumapit si Aling Romina sa dalaga at hinila ang patilya nito.

"Aray ko, Ma!" pagdaing ng babae.

"Hindi na kayo nahihiya sa mga sarili ninyo! Wala kayong ibang iniisip kundi ang mga pansarili ninyong buhay, puro kayo pasarap. Kahit kailan wala kayong oras para magpasalamat sa Panginoon! Isumpa sana kayo ng Diyos!"

Huminga nang malalim ang ginang. Sinubukan nitong kumalma habang nakahawak sa haligi ng kanilang pintuan.

Nang mapadako ang tingin nito kay Simoun at Basilio ay uminit na naman ang dugo nito.

"Kayong dalawa? Anong balak ninyo? Akala ko sasama kayo magsimba?"

Kinabahan na ang batang si Basilio at mas sumiksik pa ito sa kanyang kuya Simoun. Alam ng dalawa na malilintikan din sila sa kanilang ina. Nangako kasi sila kay Aling Romina na kasama sila sa pagsisimula ng simbang gabi. Ngunit noong mga oras na iyon ay tinatamad din ang dalawa.

"Mama, masama po ang pakiramdam ni Basilio. Hayaan niyo na lang siyang matulog. Ako na lang ang sasama sa inyong magsimba," sabi na lamang ni Simoun.

Ginawa niya iyon para kahit paano ay hindi na mapag-initan ang kanilang bunsong kapatid. Awang-awa na kasi siya kay Basilio. Dahil sa tuwing didisiplinahin ito ng kanilang nanay, palagi na lamang itong naiihi o kaya naman ay nadudumi.

"Bida-bida ka na naman ah, kinukunsinti mo kasamaan ng ugali ng kapatid mong 'yan, pero sige, magbihis ka na, mayamaya lang ay tutunog na ang kampana. Bilisan mo, puntahan mo na lang ako sa tindahan nila Mario." Padabog na hinagis ng ginang ang pamatpat sa gilid ng pinto at saka umalis.

Nakahinga nang maluwag ang magkapatid na Simoun at Basilio. Habang ang kanilang ate Paloma naman ay umiiyak pa rin sa gilid. Bakas na bakas sa mukha ng dalaga ang labis na pagkamuhi sa kanyang ina. Kung pwede nga lang siguro nitong patulan ang ina ay matagal na niyang ginawa. Ngunit hindi maaari. Dahil kung gagawin niya iyon, siguradong itatakwil siya ng mga kamag-anak ng kanyang nanay. Siya pa ang magiging masama at baka tuluyan na siyang palayasin sa kanilang bahay.

"Ate, pasensya na. . ." sabi ni Simoun sa dalaga.

Sumisinghot-singhot ang dalagang si Paloma na tumingin sa kasunod na kapatid.

"Bakit ka humihingi ng pasensya, wala ka namang kasalanan, e," sagot nito at pinunasan ang sariling luha.

"Pasensya na kasi hindi man lang kita magawang ipagtanggol kay Mama." Napayuko na lamang si Simoun.

Iyak-tawa ang ginawa ng babae. Tumayo si Paloma at humarap sa basag na salamin at inayos ang kanyang buhok.

"Ayos lang, ang mahalaga, hindi nasaktan si Basilio."

S I M O U N Where stories live. Discover now