K A B A N A T A 2 - Kabit

4 0 0
                                    



•••

Bugbog ang inabot ni Simoun pag-apak pa lang niya ng paa sa kanilang pintuan. Hinablot agad ng ginang ang kanyang buhok at pwersahang hinila. Parang matatanggal ang anit ng binatilyo. Pero, wala na siyang maramdaman. Dahil sa madalas na pananakit ng kanilang ina, namanhid na ang kanilang katawan. Nasanay na sila sa sakit. Ang bukod tanging kumikirot na lamang kay Simoun ay ang kanyang puso. Kahit na anong pag-intindi niya, hindi niya malaman kung bakit gano'n kalupit ang kanilang ina. Mababait naman silang anak, pero ang tanong ni Simoun, bakit sila binigyan ng Diyos ng ina na maihahambing nila sa Diablo.

"Kapag inulit mo pa itong ginawa mong pamamahiya sa akin, palalayasin na kita rito, naintindihan mo?" sabi ng ginang habang pisil-pisil ang pisngi ni Simoun.

Tumango na lamang ang binata para matigil na ang pagsigaw ni Aling Romina. Nag-aalala na kasi si Simoun para kay Basilio na nasaksihan na naman ang karahasan ng ina.

Nilapitan ni Simoun ang kanyang nakababatang kapatid. Nanginginig ito sa takot. Ramdam na ramdam ni Simoun ang matinding trauma ng bata.

"Ayos lang si Kuya, wala 'yon, may ginawa kasi akong masama kaya ako pinagalitan ni Mama. 'Wag ka na umiyak ah."

Mahigpit na yakap na lamang ang ginawa ni Simoun. Nang makapa naman niya ang pwetan ng bata ay napagtanto niyang basa na naman iyon ng ihi.

Agad na pinaliguan ni Simoun si Basilio. Pagkatapos ay pinatulog na muna niya ito.

Malalim na paghinga ang pinakawalan niya habang pinagmamasdan ang bata. Habang tinitingnan niya ang kapatid ay nakakaramdam siya ng awa. Pitong taon na kasi iyon, pero kahit na kailan, hindi ito makapagsalita.

"Diyan ka muna, maghahanap lang ako ng pera. Magtatanghali na at wala na naman tayong pangkain."

Hinaplos pa ni Simoun ang malagkit na buhok ni Basilio bago siya umalis. Masusubok na naman ang kakapalan ng kanyang mukha, dahil paglabas niya ng kanilang bahay, mag-iisip na naman siya kung sino ang pwedeng mahingian ng pera.

Alas-diyes pa lang ng tanghali pero tirik na ang araw. Napapaso na ang balat ni Simoun pero wala pa siyang nadedelihensya. Lahat ng hiningian niya ay walang binigay, may iba pang nagalit.

Habang naglalakad sa init ay natanaw niya ang kanyang ate Paloma sa maliit na parke sa kanilang barangay. Nakaupo iyon sa kinakalawang na duyan. Lalapitan niya sana ang kapatid ngunit nakita niyang may lumapit na lalaki sa ate niya. Pinagmasdan niya iyon nang mabuti, nagsalubong ang kanyang kilay dahil hindi naman niya iyon kilala.

"Sandali, hindi naman si Kuya Elly iyon ah."

Malaking palaisipan para kay Simoun ang nakita niya. Ang binatang si Elly lang kasi ang kilala niyang kasintahan ng kanyang ate. Pero base sa nasasaksihan niya, kasintahan din iyon ni Paloma, nagagawa kasi ng babae na humalik na para bang normal lang ito para sa isang taong may kasintahan na.

Paunti-unting umatras si Simoun. Hindi na lamang niya nilapitan ang babae.

Pailing-iling na naglakad na lamang at nagpatuloy sa paghahanap ng mahihingian ng pero. Kaso nga lang, noong araw na iyon ay hindi umayon kay Simoun ang sitwasyon. Bagsak ang kanyang mga balikat nang umuwi ng kanilang bahay. Wala siyang nadiskartehan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 09, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

S I M O U N Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon