Chapter 11.2

3.6K 100 12
                                    

Niyakap siya ni Lorenz mula sa likod niya sabay hawak ng mahigpit sa barandilya ng veranda. Kasunod noon ay ang paghampas ng higanteng alon sa cottage. Napasinghap na lang siya sabay pikit ng mariin. Naramdaman niya ang puwersang humihila sa kanya patungo sa tubig ngunit matatag na niyakap siya ni Lorenz. Ilang segundo lang ang itinagal noon. Maya-maya ay muling humupa ang dagat. Agad niyang tiningnan si Jude mula sa kinalalagyan nito kanina ngunit wala na ito roon.

"Jude? My God! Where are you, Jude?" Tarantang wika niya habang kumakalas sa pagkakayakap ni Lorenz. Basang-basa sila pareho.

"Wala na siya, Carylle," malungkot na tugon ni Lorenz. "Kinuha na siya ni Sarina."

"Ano'ng wala na? Ano'ng kinuha? Narito lang siya kanina." Halos mag-panic na siya.

"Gawa-gawa lang ni Sarina ang higanteng alon na iyon para makuha si sir Jude. Kung hindi kita nailigtas, malamang ay nakuha o napatay ka rin niya."

"Sinasabi mo bang patay na si Jude? Pero nasaan ang kanyang bangkay?" Umiiyak na siya. Gulong-gulo ang isip niya. Gusto na rin niyang tumalon sa tubig upang doon hanapin ang kasintahan ngunit alam niyang walang buting idudulot iyon.

"Pasensya na, Carylle. Pero kung buhay pa siya, dapat ay kanina pa siya lumutang. Pero bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siya?"

"Huwag mong sabihin iyan, Lorenz. Buhay si Jude. Nararamdaman ko, buhay pa siya," halos pasigaw niyang sabi. Nakakaramdam siya ng galit kay Lorenz sa pagsasabi nitong patay na ang kanyang kasintahan.

Napabuntong-hininga si Lorenz pagkuwa'y ibinaling ang mga mata sa dagat. "Iginagalang ko ang paniniwala mong iyan, Carylle. Pero sa ngayon ay wala tayong magagawa kundi ang maghintay."

"Puwes, maghihintay ako. Dito niya ako iniwan, dito niya ako babalikan," humihikbi pa ring sabi niya. Malungkot na sinuyod ng mga mata niya ang payapang karagatan. Walang anumang palatandaan na kanina ay naging kasingbangis ito ng isang halimaw na sa isang iglap ay lumamon sa lalaking pinakamamahal niya.

Ilang minuto ang lumipas, wala pa ring Jude na nagpapakita. Isang oras, dalawa, tatlo. Ang mga hikbi niya ay nauwi sa sunod-sunod na hagulhol. Parang sasabog ang dibdib niya sa tindi ng pagdadalamhati. Tahimik lang na nakatayo sa tabi niya si Lorenz. Iginagalang ang kanyang pagdadalamhati.

Nang kumalat na ang dilim sa paligid ay nagyaya na si Lorenz.

"Tayo na, Carylle. Siguro naman ay sapat na ang panahong ipinaghintay mo sa kanya. Hindi na tayo dapat magtagal pa sa lugar na ito. Mapanganib na rin ito para sa atin."

"Paano si Jude, Lorenz?" Malungkot na pinahid niya ang hindi maampat na luha sa mga mata.

"Irereport natin sa kinauukulan ang nangyari. Malamang ay sila na ang maghahanap sa bangkay niya. But for the meantime, kailangan mo nang magpahinga. Natuyo na ang damit sa katawan mo, baka naman magkasakit ka."

Parang wala sa sarili na naglakad siya palayo sa veranda. Nanghihina at masakit na masakit ang kalooban niya. Naghahalo ang galit, lungkot at panghihinayang sa buo niyang pagkatao. Galit dahil sa pangingibabaw ng kasamaan ni Sarina. Lungkot dahil sa wala siyang nagawa upang tulungan ang kasintahan. Panghihinayang dahil tila nabalewala ang lahat niyang pagsisikap na mabawi ang kasintahang inagaw ng kasakiman ng engkantada.

Nang makasakay sa owner type jeep ni Lorenz ay pagod na isinandal niya ang pagal na katawan. Namamalisbis pa rin ang luha sa kanyang mga mata.

"Dalhin mo ako kay lolo Temyong, Lorenz," mahina niyang sabi.

"Bukas na, Carylle. Magpahinga ka muna," tutol ng lalaki.

"Ngayon na. Gusto ko nang wakasan ang kasamaan ni Sara o ni Sarina. Kung totoong patay na si Jude ay hindi ako titigil hangga't hindi ko siya naipaghihiganti. Pero kung sakaling buhay pa siya, isinusumpa kong babawiin ko siya sa kamay ng mga engkantadang iyon kahit makarating pa kaming lahat sa impyerno," mariin niyang wika. Sumusulak ang kanyang dibdib dahil sa naghaharing galit.

SA PULO NI SARA  (Maelstrom of Desire) Soon to be PublishedWhere stories live. Discover now