Unang kabanata: mata ng lagim

11.8K 369 44
                                    

Ika-labing walo ng Mayo, umaga.

Kapistahan ng Obando Bulacan para sa Patron Saint nilang si Santa Clara.

Napakaraming tao ang nagsisiksikan sa gitna ng makipot na daan. Iba't ibang lugar na sakop ng bayang iyon ang nakahanay sa gitna ng kalsada. Nakasuot ng tradisyunal na Baro't saya na may iba't ibang nag-gagandahang kulay at napapalamutian ng sari-saring disenyo.

Ang lahat ay pawang nakangiti bagama't ang matinding sikat ng araw ay nakapagpapatagaktak sa kanilang mga pawis.

Ilang sandali na lamang at mag-uumpisa na ang prusisyon. Isasagawa na ang Fertility Rites.

Karamihan sa mga naroroon ay namamanata. Mga mag-asawang humihiling na magkaroon ng anak sa patrong si Santa Clara. Sasayaw sila habang inaawit ang Santang Clarang pinung pino.

"Dalian mo, Rebecca, mag-uumpisa na ang paglakad ng prusisyon!", tawag ni Allen sa asawa.

Sunud-sunod na ang pag tunog ng antigong kampana sa tore. Palatandaang tapos na ang huling misa at ilang sandali na lamang ay uumpisahan na ang ritual.

Gusto kasi ni Allen na makalapit silang mag-asawa sa likuran ng karo ni Santa Clara.

"Nandiyan na!", nakangiting sagot ng ginang matapos magpaalam sa ilang babaeng kausap na gaya rin niya ay taun-taong sumusunod sa gaganaping prusisyon.

Nang simulan na ang pagsasayaw na sinasabayan ng pag-awit ay muling umusal ng taimtim na panalangin si Rebecca.

"Mahal na Poong Santa Clara, mahabag po kayo sa babaeng ito. Kahit isang anak lamang ay ipagkaloob mo sa akin."

Nakaalalay naman si Allen sa maybahay. Sa loob ng limang taong singkad ay hindi sila lumiban sa pagsama sa ritual at patuloy sa paghiling na magkaroon ng buhay na pipintig sa loob ng sinapupunan nito. Kuwarenta y sais na ang asawa niya at siya naman ay kuwarenta y nuebe na. Ngunit hindi pa rin sumusuko ang kanyang maybahay. Hindi pa rin nawawala ang pag-asa nitong isang araw ay darating din ang anak na matagal na nilang hinihintay.

Mahal na mahal niya si Rebecca, kahit walang anak na bumibigkis sa kanila ay kuntento na siya. Ilang beses na niya itong hinimok na mag-ampon na lamang sila upang may anak na maaalagaan at mapagbubuhusan ng panahon at atensyon ngunit ang gusto nito ay anak na galing sa sariling sinapupunan.

Ayaw niyang masaktan ang asawa, ayaw niyang ito ay magdamdam kung kaya sinasamahan niya ito sa lahat ng pinaniniwalaan at nais subukan.
Wala namang mawawala kung susubukan nila, iyon ang madalas nitong sabihin sa kanya.

Nang matapos ang prusisyon ay masigla na silang umuwi.

Isang araw, nasa meat section ng isang malaking pamilihang bayan ni Rebecca at naghahanap ng buntot ng baboy na gagawing kare-kare.

Isang batang babae ang umagaw ng kanyang pansin.

Nakatitig ito sa kanya, walang kakurap-kurap. Sa isang kamay ay bitbit ang nakatuhog na bulaklak ng Sampagita.

Nginitian niya ang bata ngunit tinalikuran lamang siya nito at sa isang iglap ay bigla na lamang nawalang parang bula.

Maraming taong nagsisipaglakaran kung kaya hindi niya napansin kung saan ba itong gawi nagpunta.

Ipinagkibit balikat na lamang niya ang tila pang iisnab nito sa kanya at nagpasyang ipinagpatuloy na lamang ang paghahanap ng karneng lulutuin.

Bumaling siya at laking gulat nang makabunggo ang batang sinisipat pa niya sa may di kalayuan!

"Ay! Naku, pasensya ka na iha. Hindi ko sinasadya, nasaktan ka ba?", agad na tanong ng ginang.

Umiling lamang ang bata. Nang iangat nito ang hawak na mga bulaklak ay agad niyang naintindihan ang ibig nitong sabihin. Kumuha siya ng bente pesos sa pitaka at nakangiting iniabot sa bata.

HHC featuring: LEILAH anak ng diabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon