Firefly 12 | Daydream

29 3 1
                                    

"Quiet people are actually talkative
around the right people."
–ilma
‧⋆.*ೃ༄₊

L O R I E

Nagising ako isang umaga at natutop ang aking bibig habang nakabalong ang maligamgam na luha sa aking mga mata. Napanaginipan ko na naman si Emma habang kasa-kasama siyang nagmiminindal sa sala ng aming tirahan noon. Mayroon siyang isang bagay na nais sabihin at ibig niyang malaman ko ito, ngunit hindi ko na iyon matandaan nang malabo niya itong banggitin sa akin. Nakatulala lang ako at pilit na inaalala iyon kasabay ng kumakaba kong dibdib.

Nagtungo saka nagtimpla ako ng tsaa sa kusina at nagbabaka-sakaling mapakalma nito ang emosyonal kong umaga, pero lumamig na lang iyon dahil sa lalim ng iniisip ko. Ilang linggo na akong naririto sa lugar kung saan lumaki si Emma, at simula nang mapadpad ako sa bayang ito, doon na rin madalas bisitahin niya ang mga panaginip ko. Hindi sa ayaw ko, subalit iyon din ang dahilan upang mas umigting lang ang pag-aasam kong alalahanin ang lahat sa kanya; sa buhay na mayroon kaming dalawa noon, mga palatandaan at masasayang tagpong pinagsamahan namin.

Mag-isa lang ako sa guesthouse ngayon. Magkakasamang umalis sina Martin at Teren pati na si Yosef sa nayon ng Florence dala ang sasakyan upang maghandog ng presensya at bilang sa papalapit na pagtitipong gugunitain sa malawak at antigong kuliseo ng nayon. Pakiramdam ko gusto nila akong isama, ngunit mukhang napahaba ang tulog ko kaya hindi na nila ako inabalang gisingin pa.

Bago pa ako lukubin ng mga alaalang mayroon kami ni Emma nang dahil sa naging panaginip ko, walang pahintulot na si Teren naman ang biglang pumukol sa isip ko nang panandaliang mabakante ito. Hindi naging maganda ang pagtatanghal niya noong nakaraang araw, ngunit wala siyang pinagsisisihan doon. Hindi ko nabanaag sa kanya ang kahihiyan at pagkabigo, bagkus ay hindi na niya ininda pa ang bagay na iyon at nag-move on na lang—kung anong dahilan niya, hindi ko alam. Kinagabihan din noong araw na nagtanghal siya, magdamag kaming magkausap sa sala at nagkuwentuhan lang ng mga bagay-bagay. Doon ko rin unti-unting nararamdaman na nagiging malapit na talaga kami sa isa't isa.

Sarado ang shop ni Mr. Lemery ngayong araw kaya wala akong pasok. Hindi ko pa nababanggit kay Martin na dalawang linggong isasara ni Mr. Lemery ang gift shop simula sa makalawa dahil luluwas ito sa nayon ng Charlotte upang magbakasyon, kung saan ay katiyakang mababakante na naman ako at mukhang susubok ulit na maghanap ng trabahong maaaring pagkakakitaan kahit part-time lang.

Sa mga sumunod na araw, mas napapadalas na ako sa toolshed ni Teren kahit na mag-isa. Mayroon akong duplicate ng susi niya. Naroon man siya o wala, mas naging panatag at kalmado ako roon habang pinagmamasdan ang hilera ng iba't ibang klaseng palayok na gawa at personal niyang hinulma. At sa ilang sandaling pananatili ko roon, sa paglilibot, napansin ko ang dalawang bisikletang may mga parteng kalas pa. Sigurado akong iyon ang kinukumpuni ni Teren nitong mga nakaraang araw na naririnig ko, mukhang inililihim niya lang. Nakasilid iyon sa sulok, sa likurang bahagi ng toolshed at hindi iyon kapansin-pansin dahil tila ba tambak lang iyon doon.

"Nandito ka pala."

Lumingon ako. Dumating si Teren saka kaswal na hinubad ang kanyang pandobleng jacket panlaban sa lamig at ipinatong sa mesa.

"Ginagawa mo ba itong mga bisikleta?" Pagkatapos ay itinuro ko ang mga iyon.

Tumango at tipid siyang ngumiti, hindi labas ang mga ipin. "Nakita ko lang na nakatambak 'yan sa attic ng guesthouse noong umakyat ako, kaya kinuha ko at dinala rito upang ayusin baka-sakaling magamit pa natin," tugon niya.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 15 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

West to the Firefly LaneWhere stories live. Discover now