Chapter 2

747 8 0
                                    

CHAPTER TWO

"'WAG KA nang maligo! Bilisan mo na!"
Naturete si Glydel. Kung bakit naman kasi kung kailan oras na ay saka sinabi ng kaibigan niyang bakla na na-spot-an nito si Restituto sa Barberia de Santa Lucia. Ang barberyang iyon ay kasintanda na yata ng bayan ng Santa Lucia. Mababait ang barbero doon ngunit hindi natutuwa si Glydel sa apo ng may-ari ng barberya na si Elena.
Mga bata pa sila ay ramdam na niyang kinaiinisan siya ni Elena. Ilang ulit na nagparinig sa kanya ang babae na sipsip siya sa mga teacher nila. Ang totoo ay naglalangis lang si Glydel, gaya ng utos ng kanyang ama. Naiinis din siya kay Elena, paano kasi, lahat ng dapat na sa kanya ay tila ito ang kumukuha.
Noong nasa elementary sila ay iisang subject lamang ang paborito ni Glydel, PE. Doon lamang kasi siya mahusay. Parati siyang sumasali sa mga aktibidades. Gusto niyang parating sikat. Tuwang-tuwa siya tuwing sasabihin ng kanyang ama na siya ang paborito nito. Bihira niya iyong marinig sa ama. Ang akala niya ay siya na ang tatanghaling Best in PE, pero kinuha ni Elena sa kanya ang titulong iyon nang sumali ang babae sa huling sandali ng palaro at ito ang inilaban sa ibang eskuwelahan at nanalo rin doon.
Noong mag-high school sila ay kinuha ni Elena ang atensiyon ng lalaking napupusuan ni Glydel, si Restituto. Inis na inis si Glydel kay Elena pero wala siyang magawa dahil walang ipinapakitang masama sa kanya ang babae kundi ang paminsan-minsan nitong pag-irap. Hindi rin niya masita si Elena sapagkat ano ang sasabihin niya? Na lahat ng kanya ay inagaw nito? Baka ipamukha pa sa kanya ni Elena na si Restituto ang lumalapit at hindi ito.
Noong third year high school sila ay nagpasya si Glydel na huwag nang kimkimin ang damdamin niya para kay Tuto. Gumawa siya ng love letter para sa binata. Ang kaso, hindi pa man niya naibibigay ang sulat kay Tuto ay napunta na iyon kay Elena. Nalaglag ang sulat niya para sa binata at isang kaibigan ni Elena ang nakakuha niyon. Mabuti na lamang at hindi niya inilagay roon ang totoo niyang pangalan. Mangiyak-ngiyak siya habang pinagtatawanan nina Elena ang love letter. Mali-mali raw ang grammar at ang corny-corny raw niyon. Kung alam lang ng mga itong halos isang buwan bago niya natapos ang sulat. Hindi na nga nakarating ang sulat kay Tuto, nalait at napagtawanan pa nang husto si Glydel.
Hanggang sa magkahiwa-hiwalay na sila nina Elena at Tuto. Iba ang kinuhang kurso ni Glydel na hindi rin niya natapos. Nahirapan kasi siya sa layo ng paaralan. Isa pa, tuwing magpapatulong siya sa kanyang ama at kapatid sa mga aralin ay hindi rin alam ng mga ito. Ang masakit pa, ilang ulit na sinabi sa kanya ng kanyang madrasta, kaharap pa ang kanyang ama na, "Bakit ka pa kasi nag-aaral, eh, mahina nga ang utak mo? Puwede ka namang magnegosyo na lang. Hindi 'yang nagsasayang ka ng oras at pera sa pag-aaral mo, eh, puro bagsak ka naman."
Pagkatapos ng isang semestre ay sinabihan si Glydel ng kanyang ama na huwag nang mag-aral. Bibigyan na lamang daw siya nito ng pera para makapagsimula ng negosyo, na ginawa nga niya. Nagbukas siya ng boutique na anim na buwan lang nagbukas. Ang sabi ng kanyang madrasta, ang mga ganoong paninda raw ay kailangang sa Maynila itayo dahil hindi papatok sa kanilang lugar. Sa susunod daw na magtatayo siya ng negosyo ay iyong siguradong kikita, gaya ng negosyo nitong pagpapa-five-six.
Hindi na lamang umimik si Glydel. Ayaw niyang makaaway ang madrasta. Alam niyang ito lamang ang nagpapasaya sa kanyang ama. Mula nang tumigil siya sa pag-aaral at mabigo sa negosyo ay nabakante na siya. Siya ang naging tagasingil ng mga pautang, kung minsan ay tagalakad ng kung ano-ano ng kanyang ama. Walang kaso sa kanya iyon. Umaasa siyang isa sa mga araw na darating ay makakapag-aral uli siya.
Ngunit tuwing magpaparinig siya sa ama na gusto uli niyang mag-aral ay sinasabi ng madrasta niya ang dati pa nitong dahilan, na sayang lang daw iyon. Kung hindi nga lang daw inareglo ng kanyang ama ang mga guro niya noong high school, malamang na hindi pa raw siya makapagtapos.
Totoo iyon. Hindi dahil sa bumagsak siya kundi dahil mabababa ang kanyang mga marka. Nagkasakit kasi siya kaya halos isang buwan siyang hindi nakapasok. Hindi umabot sa pasado ang marka niya kaya kinausap ng kanyang ama ang mga guro niya.
Minsan ay kinausap ni Glydel ang kanyang ama nang sila lamang. Mukhang naniniwala ito sa opinyon ng kanyang madrasta. Maayos na ipinaliwanag sa kanya ng ama na ang pinakamabuti raw niyang gawin ay ang pag-isipan ang isang negosyong kanyang papasukin at pag-usapan daw nila.
Iniyakan niya ang kawalang tiwala sa kanya ng mga taong mahal niya. Pero ano ang kanyang magagawa? Masunurin siyang anak at wala rin siyang sariling pera para mapag-aral ang sarili. Bukod doon ay hindi na niya magawang maging sutil sa kagustuhan ng kanyang ama sapagkat binigo na niya ito sa pinasok na negosyo.
Nanghihinayang si Glydel sa panahon, idagdag pang naiinggit siya sa mga ka-batch niya. Alam niyang nag-aaral ang karamihan sa mga ito. Si Tuto nga na napakahusay sa eskuwela ay nag-a-Abogasya. Habang siya ay napag-iiwanan na. Ang ginawa na lang niya ay gawing aktibo ang kanyang buhay.
Ang lahat ng maaaring salihang paliga at contest ay sinalihan niya. Gusto niyang mapansin ng kanyang ama na mayroon siyang naitutulong dito, na hindi lamang siya isang palamunin, wika nga. Kapag pista ay nangunguna siya sa komite. Kapag mayroong patay sa barangay ay naroon siya, may dalang biskuwit. Hindi niya maunawaan kung bakit tila inis sa kanya ang mga tao. Nadarama niya iyon. Hindi kumportable ang mga tao sa kanya kahit ginagawa niya ang lahat para makatulong o mapasaya ang mga ito.
"Sigurado ka? Hindi pa ako naliligo mula kahapon, eh," nag-aalangang sabi ni Glydel sa kaibigang bakla.
"Bakit naman hindi ka naligo kahapon?"
"Tinamad ako, eh," pag-amin niya. Nawili siya sa panonood ng pelikula kaya hindi na nakaligo. Ang sabi ng kanyang madrasta ay tamad daw siyang maligo. Sinanay raw siya ng kanyang ama na ganoon. Dapat ay magbago na raw siya dahil matanda na siya.
Naaalala ni Glydel na noong bata pa ay talagang tamad siyang maligo. Tinatakbuhan niya ang kanyang ina kapag paliliguan na siya. Nadala niya iyon hanggang sa paglaki. Tama ang kanyang madrasta, dahil bilang nag-iisang babae sa bahay ay parang okay lang sa mga ito maligo man siya o hindi.
"Diyos ko. Hindi na bale, hindi ka naman umaalingasaw. Tara na."
Nagwisik na lang si Glydel ng pabango at lumakad na sila. Pagdating sa barberya ay naabutan nga niya roon si Tuto. Mukhang tapos nang magpagupit ang binata ngunit naroon pa rin ito, kausap si Elena. "Hello."
"Kumusta?" Nakangiti naman sa kanya si Tuto. Tinanong siya ng kaibigan niyang bakla kung bakit daw niya nagugustuhan si Tuto samantalang hindi naman guwapo ang binata, isang bagay na hindi pinaniniwalaan ni Glydel.
Nagkataon lang na na-allergy ang mukha ni Tuto. Natanong na ni Glydel sa binata kung bakit nagkaganoon ang dating makinis nitong kutis. Parati na kasing mapula ang mukha ngayon ng binata. Parang nag-astringent at hindi bumagay rito. Hindi na siya nahiyang itanong iyon kay Tuto noong minsan. Ang sabi ng binata ay nagka-allergy raw ito at lumala. Nang magtungo raw ang binata sa doktor ay niresetahan ito at lalo lang lumala ang pamumula ng balat.
Dahil daw sensitibo ang balat sa mukha ni Tuto kaya medyo matatagalan daw ang gamutan. Papalit-palit pala ang binata ng gamot. Kung nakita lang sana ng kaibigan ni Glydel ang dating kutis ni Restituto ay hindi nito sasabihing hindi guwapo ang binata. Walang makitang anumang kapintasan si Glydel sa pisikal na kaanyuan ni Tuto maliban sa pamumula ng mukha nito.
Matangkad na lalaki si Tuto, maputi—kaya kitang-kita ang pamumula ng balat—maganda ang pangangatawan, matangos ang ilong, maganda ang mga mata, makakapal ang mga kilay. Kamukha si Tuto ng ama nitong kahawig ni Fernando Zobel de Ayala. Kaya sino ang makapagsasabing pangit si Restituto? Iyon nga lang, ang unang nakikita ng mga tao ay ang kakaibang pamumula ng mukha ng binata.
Ang kaso, mula noon hanggang ngayon ay tila si Elena ang gusto ni Tuto. Mabuti na lamang at maraming espiya si Glydel na nagsasabi sa kanya ng balita tungkol sa dalawa. Tiyak na malalaman kaagad niya kung mayroon nang unawaan ang dalawa.
Salamat at wala pang namamagitan kina Elena at Tuto. Ang balita pa ni Glydel ay tila wala raw gusto si Elena sa binata. Sa isang banda ay naiinis siya kay Elena. Sino ba ang babae sa tingin nito? Pero salamat na rin at ganoon nga. May pag-asa pa siya.
Para kay Glydel, si Tuto ay isang pangarap. Matagal na siyang may pagtingin sa binata. Kung bakit hindi siya nito pinapansin ay hindi niya alam. Naniniwala siyang maganda siya. Marami ang nagsasabi niyon sa kanya. Kamukha raw niya ang kanyang ina. Morena, maamo ang mukha, at maganda ang kanyang katawan.
"Okay naman. Ikaw?" Tinabihan na ni Glydel si Tuto. Wala siyang pakialam kahit nasa kaliwang side ng binata si Elena.
"Papasok muna ako," ani Elena na hindi na nagtagal pa.
Kitang-kita ni Glydel na tila nanghinayang si Tuto. May kung anong sakit siyang nadama. Kailan kaya siya titingnan ni Tuto sa ganoong paraan? Bumuntong-hininga pa ang lalaki.
"Mauna na rin ako, Glydel," sabi ni Tuto.
"Ha? Bakit naman? Magkuwentuhan na lang muna tayo. May gagawin ka pa ba?"
"Oo. Babalik pa ako sa munisipyo." Isa nang vice mayor si Tuto at mayroon nang law office sa bayan. Hindi nagpa-practice ngayon ang binata, pero isa ito sa mga nagtayo ng naturang law office. Sa palagay ni Glydel, at ang sabi rin ng lahat, ay malayo ang mararating ni Tuto. Ang pamilya nito ay mayaman, kilala, at malinis ang imahen.
"Gano'n ba? Gusto mo, do'n na lang tayo magkuwentuhan?" Sumubok pa rin si Glydel. Sayang ang pagkakataon.
"May gagawin nga ako ro'n. Next time." Ngumiti sa kanya si Tuto at tumayo na.
Nakamasid lamang siya sa binata hanggang sa sumakay na ito sa kotse. Nilapitan siya ng kaibigang bakla.
"Ano? Iniwan ka na naman? Huwag ka na kasing magpapansin sa isang 'yon. Diyos ko, baka magkahadhad ka pa kapag dumikit ka sa mukha n'on!"
"Sshh! Vice mayor mo pa rin 'yon kaya 'wag mong laitin!"
"Paki? Hindi ko naman siya ibinoto dahil nasusulasok ako sa mukha niya ever!"
Ang sama ng pagkakatingin ni Glydel sa kaibigan. Agad nitong itinaas ang naka-peace sign na mga daliri. Umuwi na sila. Sa bahay nila nagpalipas ng oras ang kaibigan niya. Merienda na at naabutan sila sa bahay ng kanyang madrasta, mukhang mainit ang ulo at tinanguan lang sila. Mayamaya ay naroon na rin ang kanyang ama. Lumapit kaagad ito sa kanya. Mukhang mainit din ang ulo.
"Anak, itong papel na ipinagawa ko sa 'yo, ipaulit mo nga."
Tiningnan ni Glydel ang papel. Siya ang gumawa niyon. Sulat iyon para sa isang negosyante. Nanghihingi sila ng pondo para sa proyekto ng kanyang ama sa barangay. "Bakit ko po ipapaulit?"
"Mali-mali raw ang nakasulat, sabi ng tita mo. Anak, ang sabi ko naman sa 'yo, sa iba mo na ipagawa, ikaw na lang ang mag-type. Alam mo namang patay tayo sa Ingles, eh. 'Wag mo nang ipilit pa. Naaantala ang mga kailangang gawin, eh. Pambihira ka."
Hindi na lamang siya umimik at tumango. Nagpasama siya sa kanyang kaibigan. Nagtungo sila sa isang teacher na tagagawa ng mga ganoong sulat. Noong nakaraan, kaya hindi na siya dumirekta sa teacher ay dahil may sakit ito. Naisip niyang simpleng sulat lang naman kaya siya na ang gumawa.
"Akin na nga 'yan." Inagaw ng kaibigan niya ang papel at binasa. "Ano ba itich? Grade five ba ang natapos mo? Kahit ako, maaayos ko ito."
"Tara, tayo na lang ang gumawa."
Ganoon nga ang nangyari. Nang ibalik ni Glydel ang sulat sa kanyang ama, salamat at wala na ang kanyang kaibigan, sapagkat mayamaya lamang ay kinausap siya ng kanyang ama kasama ang asawa nito.
"Ano ba 'to? Ikaw na naman ang gumawa nito, 'no? Hindi ka ba marunong umintindi? Ipinapaayos sa 'yo, eh, ganito ang trabaho mo? Paano mo pa aasahan na aasenso ka kung kaunting utos, hindi mo magawa? Kung ito ang ibibigay sa mga negosyante, pagtatawanan lang ang tatay mo! Letse, nakakairita!" anang madrasta niya.
"Inayos ko naman po, ah!" Kapag sumosobra na ang ugali ng kanyang madrasta ay talagang sumasagot na si Glydel.
"Inayos, eh, mali-mali pa rin? Imbes na naasikaso ko na sana kanina ito, kakain pa ng ilang araw na naman! Kailangan na natin ng pera! Ako nang ako ang gumagawa rito sa bahay na 'to, eh!"
"Tama na 'yan," saway sa kanila ng kanyang ama. "Anak, sundin mo na lang kasi ako. Kay Mrs. Abremas mo ipagawa itong sulat."
Ngitngit na ngitngit man ay hindi na lang umimik si Glydel. Alam niya, malaki rin ang tulong sa kanila ng kanyang madrasta. Iyon nga lang, dinig niya ang usap-usapan ng mga tao na manloloko raw ang kanyang ama at madrasta. Noong dadalawa pa lang ang kanilang jeep ay hindi ganoon kagaan ang buhay nila. Ngunit mula nang pakasalan ng tatay niya ang asawa nito ay dumami ang negosyo nila.
Hindi niya masisi ang kanyang ama na madalas nitong pinagbibigyan ang kanyang madrasta. Marami ring koneksiyon ang kanyang madrasta sapagkat dati itong assistant ng naging gobernador nila.
"Aayusin ko na po bukas."
"Hindi na. Ako na lang siguro ang pupunta kay Mrs. Abremas. Sige na. Pasensiya ka na rin sa Tita Magda mo at walang pera kaya mainit ang ulo. Sige, magpahinga ka na."
Hindi umimik si Glydel. Sa halip na magtuloy sa kanyang silid ay lumabas siya. Hinintay niya ang kanyang mga kuya. Maging ang mga ito ay inis sa madrasta nila. Ngunit anong oras na ay wala pa rin ni isa sa mga ito. May nadama siyang kung anong kalungkutan sa puso. Hindi iyon ang unang pagkakataong naghintay siyang may makakausap ngunit walang dumating. Nangulila siyang bigla sa kanyang ina. Noong buhay pa ang ina ay ito ang parating nagsasabi sa kanya na may anak daw itong magiging presidente ng bansa. Siya ang paborito ng kanyang ina. Nag-iisa kasi siyang babae. Bilib na bilib ito sa kanya. Bakit parang ang kanyang ina lamang ang taong bumilib sa kanya? Hindi niya alam. Sana lang ay hindi ito nawala kaagad.
Napabuntong-hininga siya at nagtungo na sa kanyang silid. Walang ibang naging laman ang isip niya kundi si Tuto. At kinabukasan ay nagpasya siyang puntahan ang binata. Hindi iyon ang unang pagkakataong binisita niya ang binata. Sa tingin niya ay wala namang masama roon dahil mga bata pa lang ay magkakilala na sila.
"Ano ang atin?" Nakangiti si Tuto. Iyon ang isa sa mga gusto ni Glydel sa binata, parating nakangiti sa kanya.
"Wala naman. Dinalhan lang kita ng spaghetti. Nagluto kasi ako." Ang totoo ay ang kawaksi nila ang nagluto niyon. Ano ba ang kaunting pambobola. Ang balita niya mula sa kawaksi ni Turo na nalangisan na niya, ang naging nobya raw noon ni Tuto ay mahusay magluto. Mahilig daw sa masasarap na pagkain ang binata.
"Talaga? Salamat. Pasok ka muna."
Tumuloy na nga si Glydel sa bahay. Mag-isa lamang nakatira doon si Tuto. Malapit iyon sa malaking bahay ng mga ito. Sa pagkakaalam din niya, base sa mga tsismis, ay sa sariling sikap ng binata kaya nabili nito ang sariling tinutuluyan. May negosyo si Tuto. Inihain ng kawaksi ang pagkain.
Panay ang kuwento niya sa binata habang kumakain sila. Mukha namang natutuwa rin itong kausap siya. Sabado noon at walang pasok. Naisip na niya nang nagdaang gabi pa na yayaing mamasyal ang binata. Hindi naman siguro nito iyon mamasamain. Nagpalipas lang siya nang ilang minuto at niyaya na ang binata.
"Tuto, punta naman tayo sa mall."
"Naku, may schedule ako ngayon, actually. Sabay na lang tayong umalis."
"Okay." Natuwa na rin si Glydel kahit paano.
"Pero may driver ka yata?"
"Okay lang. May iuutos pa kasi ako sa driver. Alam mo naman, marami rin akong ginagawa at minsan, kailangan kong ipagkatiwala sa mga driver at katulong ang lahat. Nakakainis nga minsan, lalo na at maseselan ang ipinagkakatiwala ko at hindi nila maayos. Minsan nga nasesermunan na ni Papa ang mga 'yan dahil sa malalaking tao ang ipinapautos, hindi magawa kaya kadalasang ako ang umaayos."
Gustong bigyang-diin ni Glydel na kahit hindi na siya nag-aaral ay abala siya. Sa munting paraan din ay gusto niyang malagay sa isip ni Tuto na katulad nito ay may mga tao rin siya. Gusto niyang malaman ng binata na umuunlad din siya bilang tao, na ang nakakasalamuha niya ay mga may-sinabi rin. Hindi niya maiwasang magsalita ng ganoon, marahil dahil nag-aalala siyang maisip ng binata na napag-iwanan na siya.
"Gano'n ba? Okay. Magpapalit lang ako ng damit, okay lang?"
"Okay."
Ang pananabik sa puso niya ay ganoon na lamang. Iyon ay dahil lang sa iisang kotse sila sasakay.

Ang Pag-ibig ng Babaeng Kontrabida - VanessaWhere stories live. Discover now