Chapter 10

692 10 0
                                    

CHAPTER TEN

SA UMPISA ay naisip ni Glydel na isa na naman ang gabing iyon sa mga gabing napapanaginipan niya ang maiinit na tagpo nila ni Tuto ngunit parang totoong-totoo iyon kaya naman nagmulat siya ng mga mata. Nakita niya ang mukha ni Tuto, nakatunghay sa kanya. Pagkatapos ay hinagkan nito ang kanyang leeg.
Magsasalita sana siya nang ilapat ni Tuto ang mga labi sa kanya at mayamaya ay kusang tumugon ang kanyang mga labi. Labis na pala siyang nangulila sa mga labi ni Tuto. Kusang tumaas ang kamay niya sa wall lamp upang patayin iyon. Ayaw niyang makita nito ang pilat sa kanyang tiyan.
Kakatwa, alam na alam niya ang magaganap sa kanila pero ang naisip pa niya ay ang banidad. Kailangan niyang aminin na iyon ang unang pumasok sa kanyang isip at hindi ang katotohanang baka kapag nakita iyon ni Tuto ay malaman ang tungkol sa anak nito.
Walang namutawing salita sa mga labi nila kundi mga anas lamang. Parang kay tagal-tagal na mula noong unang may mangyari sa kanila. Sa kabila ng katotohanang hindi iyon ang unang pagkakataon na may nangyari sa kanila ay mayroon pa rin siyang nadamang hapdi sa parte ng katawan niyang tanging si Tuto lamang ang nakasakop.
"You are amazing," sambit ni Tuto, habol ang hininga, nakasubsob sa kanyang leeg. Saglit na saglit lamang na dumaan sa isip ni Glydel ang pagsisisi. Marahil ay dala na rin ng kanyang pagtanda, ng pagma-mature. Ayaw na niyang magsisi para sa mga bagay na hindi na niya maibabalik pa.
At kailangan din niyang aminin sa sariling maraming gabing inalala niya ang nangyari sa kanila, ang init na dulot niyon sa kanya.
"Salamat. Ngayon, puwede ka nang umalis."
Tumawa nang mahina si Tuto. "'Wag kang mag-alala, walang makakaalam kundi tayong dalawa lang."
"Sigurado ka?" patuyang tanong ni Glydel. Bigla niyang naalala ang narinig na malalaswang salita patungkol sa kanya na sinabi ni Tuto sa kausap nito noon. Tumayo siya at kinapa ang kanyang damit. Binuksan ni Tuto ang ilaw. Ang kamay niya ay tumakip sa kanyang bandang puson, kung saan naroon ang dalawang pulgadang tahi ng operasyon.
Hindi pinansin ni Tuto ang sinabi niya. "Ang sabi ng empleyado ko, may kasama raw kayong bata. Anak mo ba siya?" sa halip ay tanong nito.
Hindi siya umimik.
"Bakit hindi mo masagot ang tanong ko?"
"Oo, anak ko siya."
Natigilan si Tuto. "Who's the father?" mayamaya ay tanong nito.
"Hindi mo kilala."
"Ilang taon na ang bata?"
Hindi na sumagot si Glydel. Masyado nang nagiging mausisa si Tuto. Nagbihis na siya at nagpasyang sa paglabas ng cottage ni Tuto ay tatawagan niya si Oliver para makaalis na sila kaagad. Mayamaya siguro, para wala nang Tuto na maaaring makakita at makasita sa kanila. Kung inaantok pa si Oliver, kahit na siya na muna ang magmaneho. Mauunawaan naman siguro siya nito.
"Why can't you answer the question?" tanong pa rin ni Tuto.
"Dahil walang kinalaman 'yon sa 'yo."
"The father left you, huh? Hindi naman si Oliver ang ama ng bata. Kung siya ang ama ng bata, sinabi na sana niya sa akin. My goodness, what happened to you when you left Santa Lucia?"
"Kung anuman ang nangyari sa akin, wala ka nang pakialam pa. Sino ka ba sa buhay ko? 'Wag kang umarteng concerned ka sa akin."
"Bakit may nangyari na naman sa atin, Glydel?"
"Dahil gusto ko." Tumawa siya. "Hindi mo pa ba alam ang dahilan kung bakit nangyayari ang mga ganitong bagay?"
Binale-wala ni Tuto ang sinabi niya. "Ano ang gusto mo sanang sabihin sa akin noong araw na pinuntahan mo ako sa bahay?"
"Wala. Gusto ko lang sanang magpaalam sa 'yo," pagsisinungaling niya. Noon lamang niya naturol na may talento pala siya sa pagsisinungaling. "Hanggang ngayon pala, isang tanong pa rin sa isip mo ang bagay na 'yon."
Nagbihis si Tuto, mabagal, nakatingin sa kanya. Nang maisuot ang kamiseta ay pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa. "Mayroon pa ring hindi nagbabago sa 'yo. Masarap ka pa rin."
Nagpanting ang mga tainga ni Glydel. Sisinghalan na sana niya si Tuto ngunit sa huling sandali ay kinalma niya ang sarili. Gumanti siya. "Hindi na mababago ang bagay na 'yon, Tuto. At mukhang hinahanap-hanap mo naman ang sarap ko." Tinapatan na niya ang pambabastos nito. Lalaban siya sa ganoong paraan dahil sa palagay niya ay iyon ang eepekto rito.
Paano mangyayaring makokonsiyensiya ang isang tulad ni Tuto? Malabo iyong mangyari. Mas maaapektuhan niya si Tuto kung sasabay siya sa laro, sa laban nito.
"Pinasok mo pa ang kuwarto ko... Nakakahiya. Baka kapag nalaman ng mga kababayan mo, hindi ka na iboto... Sa sarili mong resort, pinasok mo ang isang guest. Ganyan ka na ba kauhaw sa akin? Gano'n ba 'ko kasarap?"
"I've had better."
"Oh, really? Is that why you risked being seen entering this cottage? Ano, nabigla ka? Na hindi na ako tatanga-tanga magsalita?" Tuluyan nang nag-init ang ulo ni Glydel, lalo at naalala pa ang mga pinakawalang salita ni Tuto tungkol sa kanya. "Wala ka nang pipilipiting leeg?"
Kumunot ang noo nito. "What?"
Naisip niyang marahil ay hindi na naaalala ni Tuto ang pakikipaghuntahan nito sa kung sino tungkol sa kanya. Para sa lalaki marahil ay isa lamang kaswal na usapan iyon. Wala na siyang balak magpaliwanag o ipaalala ang mga sinabi nito tungkol sa kanya.
"Wala na akong panahong makipag-usap sa 'yo. Umalis ka na."
"Mama?"
Kinabahan kaagad si Glydel. Kumakatok sa pinto ang kanyang anak. Tinakbo niya iyon at pinigilang bumukas. "Lumabas ka na," utos niya kay Tuto, saka binuksan ang silid at lumabas. Pagkakita niya kay Nicholas ay binuhat kaagad niya patungo sa silid na inookupa nito at ng kawaksi nilang tulog na tulog pa.
Pinakiramdaman ni Glydel si Tuto. Narinig niya ang mahinang paglapat ng pinto sa labas. Nakahinga siya nang maluwag.
"Mama? Bakit po cry ka?" Pinahid ng kanyang anak ang luha sa kanyang pisngi. Ni hindi namalayan ni Glydel na pumatak na pala iyon, sa labis na kaba, sakit, at sa pagkabatid sa sagot sa katanungan ni Oliver kanina—na sa kabila ng lahat ay mahal pa rin niya si Tuto.
Marahil ay sadyang ganoon ang puso. Ang turo nga ng isang pastor sa Bible study na nadaluhan niya, ang puso raw, bilang tao, ay naghahangad ng mga bagay na maaaring ikasira ng naturang taong iyon. At hinahangad niya si Tuto, kahit alam niyang makakasama lamang ito sa kanya. "Anak, gisingin mo na ang Ate Bella mo at uuwi na tayo."
"Uuwi na po tayo agad? Pero ang sabi po ni Tito Oliver, bukas daw po, magbo-boat daw po tayo."
"Kailangan na nating umuwi. Hindi bale, sa susunod, magbo-boat tayo. Promise ko 'yan sa 'yo."
"Bago magpasukan?"
"Opo. Bago magpasukan."
Ngumiti na si Nicholas at sinunod ang utos niya. Maging si Bella ay nagtaka sa wala sa plano nilang pag-uwi. Nagdahilan na lang siyang may naalalang meeting kinabukasan ng umaga at hindi iyon maaaring ikansela. Tinawagan niya si Oliver at nagpaliwanag sa binata. Nakaunawa naman ito at hindi na nagtanong.
Pasado alas-dos ay bumiyahe na sila.

"ILIPAT mo na ang palabas, Bella," utos ni Glydel. Ang nasa screen ay si Tuto. Sumasagot ang lalaki sa mga katanungan ng reporters habang katabi si Angelica Paredes. May show pala ang naturang artista sa Santa Lucia—isang charity show—at mayroong intriga sa dalawa.
Maganda si Angelica Paredes. Hindi lamang iyon, mukha ring matalino. Iyong talinong aral. Sa kuwento ni Bella ay natuklasan niyang sumali sa Binibining Pilipinas si Angelica Paredes ngunit hindi nanalo. Nagpatuloy na lamang daw ito ng pag-aaral at nagtapos sa isang prestihiyosong unibersidad.
"Ang galing-galing nga ni Angelica Paredes do'n sa game show, Ate. Parang quiz. Nanalo siya ng one million. Siya ang unang nanalo ng one million do'n sa hirap ng mga tanong. Sabi ko kasi sa 'yo, dalasan mo ang panonood ng TV, eh."
"Mahusay pala siya, kung gano'n."
"Magaling naman siyang mag-host, kaya lang minsan, parang medyo maarte."
Hindi na umimik si Glydel. Sapat na sa kanyang malaman ang ilang detalye tungkol sa babae. Ang tanong dito kanina at kay Tuto ay kung totoo raw ba ang bulong-bulungan na hindi lamang nagkakaigihan ang dalawa kundi nagpaplano nang magpakasal.
May hatid iyon kirot sa puso niya, kahit pa nga walang direktang naging sagot ang dalawa. Marahil ay si Angelica ang babaeng gusto ni Tuto. Iyong klase ng babaeng maganda na ay matalino pa. Kung sakaling magkatuluyan ang dalawa ay tiyak na mas malayo ang mararating ni Tuto sa larangan ng politika. Baka umabot pa ito sa senado.
At silang mag-ina ay mananatili sa tahimik nilang buhay.
Lihim na napabuntong-hininga si Glydel. Inaayos nila ni Bella ang mga dadalhin ni Nicholas kinabukasan para sa swimming lesson nito. Nagpasya siyang mas magandang mapaturuan na ang anak habang bakasyon ganoong tila wala itong sawa sa tubig. Nang dalhin niya si Nicholas sa isang beach gaya ng pangako niya ay halos hindi na ito umalis hangga't hindi mistulang pasas ang mga daliri.
"Ate, kanina po, nagtatanong sa akin si Nico." Parang naalangan si Bella. "Kuwan, sino r-raw po ba ang daddy niya at kung magiging daddy na raw ba niya si Sir Oliver. Kasi ang sabi n'yo raw po sa kanya, masyado pa siyang bata tuwing magtatanong siya tungkol sa daddy niya."
"A-ano naman ang sinabi mo?"
"Ang sabi ko po, sa inyo na lang po siya magtanong."
Tumango si Glydel. Nalulungkot siya at kahit paano ay naaawa sa kanyang anak, bagaman alam niyang mas nakakaawa ang anak kapag sinabi niya kung sino ang totoo nitong ama at umasa sa isang magandang relasyon sa ama at hindi iyon magkaroon ng katuparan. "Natutulog na siya, hindi ba?"
"Ang sabi po niya, iwan ko na siya kanina. Kaya na raw niyang mag-isa. Hindi na raw siya takot sa mumu."
"Hindi ko naman alam sa batang 'yan kung saan natuto ng mumu. Hindi rin naman sa 'yo, 'no?"
"Hindi po. Doon yata sa kaklase niya."
Pinauna na rin ni Glydel na magpahinga si Bella. Nang may mag-doorbell ay siya na ang nagbukas ng pinto. Sumasal kaagad ang tibok ng kanyang puso nang makita si Tuto. Lumingon siya sa silid ng kanyang anak. Nakasara iyon. Akmang lalabas siya upang doon kausapin si Tuto nang pumasok ito.
"Nice place."
"Ano'ng ginagawa mo rito? Paano mo nalaman ang bahay ko?"
"I asked around. I was around the area and so I dropped by."
"Gabi na. Nagpapahinga na ang mga tao rito." Kinakabahan si Glydel. Patingin-tingin siya sa silid ng kanyang anak. Sana nga ay nakatulog na talaga ito. "Nakakaistorbo ka kaya umalis ka na."
"You're not a very good host."
"Talagang hindi sa mga taong tulad mo—"
"Mama!"
Napatingin kaagad si Glydel sa silid ng kanyang anak. Naka-pajamas na ito at tumatakbo patungo sa kanya, nakatawa. Kasunod nito si Bella. Halatang naghaharutan ang dalawa. Hindi pa man ganap na nakakalapit sa kanya ang anak nang tumigil ito at tumingin kay Tuto. Bahagyang kumunot ang noo nito.
"Nico, anak, doon na muna kayo ni Ate Bella sa kuwarto mo. May kausap pa ako, eh. Bella, ipasok mo muna si—"
"My God..." sambit ni Tuto.
Napatayo na si Glydel. Hindi niya nagugustuhan ang reaksiyon ni Tuto. Parang nabatubalani ito habang nakatingin sa kanilang anak. Sinenyasan niya si Bella na bilisan nitong ipasok sa silid si Nicholas. Hindi naman tumutol ang kanyang anak. "Gabing-gabi na, Tuto, umuwi ka na at malayo pa ang biyahe mo—"
"May picture ako no'ng four years old ako na naka-pajamas ako... Kamukha ko ang anak mo, Glydel. Come to think of it, it was more than four years ago when you left Santa Lucia—"
"Ikaw ang p-pinaglihihan ko."
"You're saying I'm not his father?"
"Hindi ikaw ang ama niya."
"Then you wouldn't mind if I asked you for his hair sample, would you?" Malamig na malamig ang tinig nito.
"Para ano? Puwede b-ba, Tuto, 'wag mo kaming isama ng anak ko sa mga kalokohan mo? Tahimik kami at wala akong balak payagan kang manggulo sa buhay namin. Naiintindihan mo ba 'yon? Hindi ikaw ang ama niya. 'Wag mong angkinin ang hindi sa 'yo."
Pinagmasdan siya ni Tuto, matagal, saka tumayo at lumabas na. Para siyang nabunutan ng tinik.
Kinabukasan, pag-uwi ni Glydel mula sa opisina ay sinabi ni Bella na pumasyal daw roon si Tuto. Ilang araw siyang hindi mapakali. Hanggang sa ang mga araw ay naging linggo at buwan. Naisip niyang hindi na marahil babalik si Tuto. Marahil ay natauhan ang lalaki, naisip na walang lulugaran ang kanilang anak sa buhay nito sakaling matuklasan pa ang katotohanan. Duwag si Tuto.
Hanggang sa sumapit ang araw na kausap niya sa hardin si Oliver at dumating si Tuto. Nakabukas ang gate at tumuloy ito, may dalang envelope.
"Hello, Mr. Tantico," bati ni Tuto kay Oliver, saka bumaling sa kanya. "And to you, too. Here." Ipinatong nito ang dalang folder sa ibabaw ng mesa. "Genetic lab result. Apparently, the boy you're claiming to be not my son is my son. And I want you to introduce me to him."
Mistulang isang dagang hindi alam kung saan susuling si Glydel.

Ang Pag-ibig ng Babaeng Kontrabida - VanessaWhere stories live. Discover now