Stage 5 - The Upward Turn

5.1K 155 16
                                    

AYON kay Eric ay may dala daw itong sasakyan kaya napagdesisyunan nila na dadaanan na lang ng binata si Alyssa sa labas ng apartment building niya. Hindi niya alam kung saan sila pupunta dahil ayaw sabihin ni Eric. Kaya nagdesisyon na lang siyang magsuot ng skinny jeans, blouse at doll shoes. Naglagay din siya ng light make-up at nag-effort sa pag-aayos ng kaniyang buhok.

May nadiskubre kasi si Alyssa kaninang umaga. Nakakadagdag pala ng confidence kapag nakaayos ka. Sa loob ng pitong taon, dahil abala siya sa pagtakbo kung saan-saan dahil kailangan sa trabaho ay napabayaan na niya ang pisikal niyang hitsura. Ayaw na niyang mangyari uli iyon. Hindi na niya pababayaan ang sarili niya. Dahil sa loob ng lampas isang buwang pagmumuni-muni niya ay napagtanto ni Alyssa na ang unang hakbang para maka-move on sa isang failed relationship ay ang mahalin ang kaniyang sarili. Kaya sinimulan niyang mahalin ang kanyang sarili ng paunti-unti. Lalo na at nasanay siyang itinutuon ang buong atensiyon sa iba bago sa sarili niya.

Napaderetso ng tayo si Alyssa nang biglang huminto ang isang bagong modelo ng Honda CRV sa mismong harap niya at bumusina ang nagmamaneho niyon. Gulat na napakurap siya nang bumukas ang pinto ng passenger's seat ng sasakyan at makitang si Eric pala ang nasa likod ng manibela.

Ngumisi pa ang binata nang marahil ay makita ang reaksiyon niya. "Get in."

Nahamig ni Alyssa ang sarili at sumakay sa sasakyan. "Mabuti at alam mo kaagad kung saan ako pupuntahan nang sabihin ko sa iyo na sunduin mo ako sa lugar kung saan mo ako unang nakita," sabi niya nang maisara niya ang pinto at paandarin na uli ni Eric ang sasakyan.

"Kaya kong matandaan ang isang lugar kahit isang beses ko pa lang napuntahan. Siguro dahil palagi akong bumibiyahe," sagot ng binata.

"Hmm," tanging nausal na lang ni Alyssa at tumango. Kung kailan kasi nakasakay na siya sa kotse ni Eric ay saka siya may naramdamang pagkailang na sumama siya rito kahit pa hindi pa naman sila lubos na magkakilala. Pasimple niyang sinulyapan ang mukha ng binata.

Na mukhang naramdaman naman nito dahil sumulyap din sa kaniya si Eric at ngumiti. "Huwag mong sabihin sa akin na nagdadalawang isip ka na naman? Minsan ay masarap sa pakiramdam kapag may ginagawa ka on impulse. Iyong biglaan at mabilis mo napagdesisyunan."

Huminga ng malalim si Alyssa at umayos ng upo. "Hindi ako nagdadalawang isip. Gusto ko ng camera kaya bibili ako," determinadong sagot niya.

Ngumisi si Eric at tumango. "Good."


WALA pang kalahating oras ay nakarating na sila sa Greenhills. Habang nasa biyahe ay sinabi ni Eric kay Alyssa na may shop daw ang kaibigan nito doon na para sa mga photography enthusiast. Bukod doon ay isang professional photographer din daw ang kaibigan nito at malamang matutuwa daw siyang makilala iyon. Napukaw tuloy ng husto ang curiosity niya.

Pagdating nila sa shop ng kaibigan ni Eric ay hindi napigilan ni Alyssa ang mamangha. Mas malaki kasi kaysa akala niya ang photography shop na iyon. Sa isang shelf ay naroon ang iba't ibang brands at unit ng DSLR camera. Pero may isang bahagi ng pader na may naka-display na iba't ibang klase talaga ng camera mula sa pinakaluma hanggang sa pinaka-high tech. Mukhang collector din ang may-ari ng shop.

Bukod sa mga camera, ang tanging disenyo sa shop ay mga larawan na iba-iba ang laki. Magaganda ang mga kuha at mukhang hindi masyadong digitally enchanced na katulad ng madalas na lumalabas ngayon sa mga magazine. Isa sa mga paborito ni Alyssa na nakita niya roon, ang larawan na hindi niya mapigilang titigan, ay isang napakalaking larawan ng isang magandang babae at isang batang babae na apat o limang taon yata. Magkahawak kamay na naglalakad sa isang tila daan ang dalawa.Base sa maberdeng background ay tila ba nasa farm o probinsiya ang dalawa. Nakatingin sa isa't isa ang magandang babae at ang bata at parehong ngiting ngiti. Magkamukha ang dalawa at nakakahawa ang saya sa mukha ng mga ito. Bukod doon ay napakaganda ng pagkakakuha ng larawan na iyon. Buhay na buhay. The photo reminded her of the feel of early sunshine. Mainit at masarap sa pakiramdam. Bigla tuloy napaisip si Alyssa kung ano ang facial expression ng kumuha sa larawang iyon. Kung ano man iyon ay nahiling niyang sana ay na-capture din iyon ng camera.

Seven Stages Of Heartbreak [PUBLISHED UNDER PHR]Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu