Ang Simula

19 1 0
                                    

Ako nga pala si Empress hindi ko tunay na pangalan, iniba ko rin ang mga pangalan ng character para pangalagaan ang aming pagkakakilanlan. Sa unang tingin hindi niyo aakalain na kakaiba pala ako sa nakararami. Normal akong namumuhay sa isang lungsod dito sa Metro Manila. Ang hindi alam ng karamihan maging ibang mga kaibigan ko ay lapitin ako ng mga hindi nakikita, mga paranormal.

Maliit pa lang ako matatakutin na ako dahil ako ang madalas pagkatuwaan ng mga kapatid at pinsan ko, bunso ako sa magkakapatid at 4 kami. Mayroon akong isang ate at dalawang kuya. More about them sa mga sususnod na stories.

Noong bata pa ako nakatira kami sa maliit na barrio sa southern part ng Metro Manila. Maagang nawala ang daddy ko at lumaki ako kasama ang mama ko or mas kilala bilang si Ma'am Elisa sa lugar namin, isa siyang guro kumbaga parang public figure sa maliit na baranggay namin. Masasabi kong kumportable naman ang buhay namin at kilala ang pamilya namin sa aming lungsod dahil karamihan ay public servants at mga lehitimong taga roon ang mga ninuno. Sa liit ng mga baranggay na magkakalapit ay halos magkakakilala at magkakamag-anak ang mga naninirahan dito, in short mabilis kumalat ang chismis.

Dati akala ko lahat ng nakikita ko ay nakikita ng ibang tao. Paano ko nga ba nalaman na kakaiba ako?

Mga 9 years old ako nito at araw ng fiesta samin. Nakagawian na mag-sponsor or hermana hermano ang mama ko at mga nakatatandang kapatid. Isa sa mga nakatoka samin ay ang pagpapakain at pgabibigay inumin sa mga kasama sa parada, mga banda at musiko pati na rin yung mga sumasayaw ng karakol.

Nagsimula na ang parada at ang nauna ay mga banda, aliw na aliw akong panoorin yung mga banda at majorette. Kasunod nila ay mga tao at mobile ng pulis, malayo pa lamang ay tanaw ko na yung mama na nakasakay sa passenger seat ng police mobile. Nang makarating ito sa tapat ko ay tiningnan ako noong mamang nakasakay, may dugo siya sa noo at nakaposas. Habang tinitingnan niya ako ay umiiling ito yun bang parang nagsisisi siya sa kasalanan niya, yung kita mo yung lungkot at panghihinayang sa mukha niya. Dahil bata pa ako at unang beses pa lamang ako nakakita ng "kriminal" tinawag ko ang mga kapitbahay na katabi ko sila Aling Mila, Ms. Bebs at Ate Mumay sabay turo at sigaw ng, "Uy tingnan niyo oh! May hinuli silang kriminal!" Lahat sila parang nagtataka at tanong sakin ni Aling Mila ay, "Nasaan?" kaya itinuro ko ulit sakanila habang umaandar ang sasakyan ng pulis at mabagal ng umuusad sa harapan. Si Ms.Bebs at Ate Mumay ay parehong nagsabi ng wala naman daw sakay. Pero kitang-kita ko na meron kaya hinila ko pa si Ate Mumay pasunod sa mobile at panay turo at sabi ng, "Ayun siya oh!". Hindi siya kumibo at niyaya akong bumalik sa tapat ng gate namin.

Nang matapos ang parada ay kinausap ako ni Aling Mila. Tinatanong niya ako ano itsura ng mamang nakita kong sakay at paano ko daw nasabing kriminal ang nakita ko. Natakot ako sakanya noon kasi parang pagalit ang tono niya sa akin, inilarawan ko yung lalake na nakasandong puti, may dugo sa may gilid ng ulo niya sabay muestra sa may sintido ko para ituro saan may dugo at kako ay nakaposas ang mga kamay nito at tanong ko pa na, "Hindi ba mga kriminal lang ang pinoposas?!" Pagalit akong sinagot na, "Sa susunod wag kang turo ng turo ng ganun ha masama yon!". Sa takot ko ay sumagot na lang ako ng oo sabay uwi sa bahay.

Nangungupahan si Aling Mila sa tito ko noon at ang bahay nila ay sa bandang likod lang ng samin. Nung medyo pagabi na at umalis na ang mga bisita samin ay pumunta siya sa bahay para kausapin ang mama ko. Pinatawag niya sakin ang mama ko kaya kabado na ako at alam ko isusumbong niya ako na itinuro ko yung "kriminal".

"Ate Elisa, itong si Empress ba may third eye?" bungad niya sa mama ko. Hindi agad nakapag-react ang mama ko at sinagot din siya ng tanong na, "Paano mo naman nasabi yan?". "Kasi Ate kanina may tinuturo siya doon sa mobile ng pulis kriminal daw, kinaladkad pa niya si Mumay para ipakita pero kaming lahat doon ay walang nakita." sagot ni Aling Mila. Tahimik lang ang mama ko at tumango sabay baling sakin at pagalit na sinabing, "Bakit mo sinundan yun paano kung may baril yun at kinuha kang hostage ano gagawin mo?!" paiyak na akong sumagot na, "Eh nakaposas nga tapos may dugo sa ulo. Kawawa nga siya eh pano ako hahablutin nun nakasakay siya sa pulis!" Sa puntong ito hindi nagsalita si Mama at Aling Mila nagtinginan lang sila at wala pinaakyat lang ako sa kwarto ng Mama ko.

Ito ang unang pagkakataon na narinig ko ang salitang "third eye".




Encounters with the UnknownWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu