Chapter 6

86 7 5
                                    

[Asher's POV]

Hindi ko alam kung anong oras na ako nakatulog dahil sa kakaisip kung sino ang narinig ko kanina o baka imahinasyon ko lang 'yon.

Nagising na lang ako nang kinatok ni Aethan ang pintuan ng aking silid dahil sabay daw kaming mag-aagahan.

"Ayos ka lang?," takang tanong ni Lucy. Ngunit hindi ako sumagot dahil hindi ako sigurado kung ako ang kinakausap niya. Tulala lang ako habang kumakain. Nakatingin lang ako sa nga tinapay na nasa harapan namin.

"Asher," nagulat ako nang bigla akong tawagin ni Aethan at tinapik pa ang aking balikat.

"B-Bakit?," tanong ko.

"Ayos ka lang? Kanina ka pa namin tinatanong. Tulala ka lang," tanong pa niya.

"Uh...ano...ayos lang ako. Iniisip ko lang ang paligsahan," palusot ko. Mukha namang naniwala sa akin.

"Ay sigurado akong mananalo kayong dalawa pero galingan niyo ha. Nasa inyo ang pusta ka," sabi naman ni Lucy at parehong tinapik ang balikat namin ni Aethan.

"Salamat," sabi ko sa kaniya.

"Malakas ang pakiramdam ko na mananalo kayo," sabi pa niya.

"Sige po, dyosa ng pakiramdam, naniniwala na kami," biro ko na naging dahilan para hampasin ako sa braso.

"Siraulo ka," sabi pa niya habang tumatawa. Si Aethan naman ay napailing na lang at pinipigilang tumawa.

Pagkatapos naming kumain ay nag-ensayo muna kami ni Aethan habang hindi pa nagsisimula ang paligsahan.

Nang magsisimula na ulit ang paligsahan ay nagsimula na rin akong makaramdam ng kaba lalo na't alam kong malalakas na ang aking mga makakalaban.

"Ang nanalo sa laban na ito ay si Aethan!," nagpalakpakan naman kami agad nang inanunsyo kung sino ang nanalo.

"Walang dudang ikaw talaga ang mananalo," sabi ni Lucy.

"Binabati kita sa iyong pagkapanalo, Aethan," sabi ko naman sa kaniya. Ngumiti siya sa aming dalawa.

"Salamat sa inyo," sabi naman niya.

Nanonood lang kami habang hindi pa ako tinatawag para makipaglaban.

"Ayos ka lang?," tanong ng katabi ko, si Aethan. Lumingon naman ako sa kaniya nang nagsalita siya .

"Ako?," tanong ko at tumango naman siya bilang sagot.

"Kinakabahan lang pero ayos lang ako," sagot ko sa tanong niya kanina.

"Normal lang kabahan ngunit huwag mong hayaan na kontrolin ka nito. Magtiwala ka sa sarili mo at sa kakayahan mo. Malakas ka, hindi ba?," sabi niya at tinignan ako nang makahulugan.

"Pero paano kung mas malakas ang kalaban ko?," tanong ko sa kaniya.

"Bakit suko ka na agad kapag gano'n nga? Sa pagkakaalam ko, matalino ka rin kung sa pakikipaglaban ang usapan. Ang kilala kong Asher ay hindi sumusuko nang basta-basta," sabi naman ni Lucy. Hindi ako nakasagot at natahimik lang.

Bumuntong-hininga ako. Tama sila, hindi dapat ako panghinaan ng loob. Ako si Asher. Hindi ako sumusuko nang basta-basta.

"Galingan mo," sabi nila sa akin nang tinawag na ang pangalan ko. Si Gao ang kalaban ko. Magaling siya sa paggamit ng espada. Ibig sabihin, mas magaling siya sa malapitang pakikipaglaban.

"Simulan na ang laban!," pagkakabi ni Senior Lu ay agad na sumugod si Gao sa akin. Tumalon ako upang maiwasan ang kaniyang espada. Ikinumpas ko ang aking kamay at gumawa ng maraming espada bago siya inatake. Sa bawat pagkumpas ng aking kamay ay siya namang paggalaw isa-isa ng mga espadang ginawa ko.

Against The OddsWhere stories live. Discover now