ngayon na ako naniniwalang hindi kailanman namamatay ang pag-ibig, kahit pa ang taong paglalaanan at pinaglaanan nito ay tuluyan nang nilisan ang taong nagmamahal. akala ko noon wala nang saysay ang bawat pagmamahal na aking iniaalay sa bawat taong nagdaan sa akin. madalas kong isiping iyon na ang huli, sapagkat namatay na ang pag-ibig na taglay ko dahil iniwan na akong tuluyan nang dapat kong pag-aalayan nito. ngunit sa paglipas ng araw, ng mga sandaling tinatanaw ko ang bawat pagkakataon kung mayroon pa bang pag-asang makaramdam ako ulit... ay saka ko napagtantong hindi kailanman pumanaw ang aking pag-ibig. sadyang namahinga lamang at piniling manirahan sa katahimikan sa sulok ng puso ko—marahil sa bawat pagkakataong hindi ito nabigyan ng importansya at tinalikuran hanggang tuluyang nabigo. masisisi ba ang pusong nagmamahal kung sakaling masyado nang lumalalim ang sugat at nanunuot na sa kaibuturan?hindi kailanman namatay ang pag-ibig ko—nananatili pa rin itong nananahan sa aking mumunting puso—at naghihintay na muling magsilakbo sa tamang taong nararapat para rito.