NAGISING si Frank na may nakaakap sa kaniya, ang kaniyang Mommy. Kinusot niya ang kaniyang mga mata at tiningnan ang kaniyang Mommy. Natutulog pa rin, mahinang humihilik. Agad na naramdaman ni Frank ang excitement. Maingat niyang tinanggal ang braso nito na nakapulupot sa kaniyang katawan. Bumaba siya sa kama. Maingat, dahan-dahan, ayaw niyang gumawa ng ingay. Agad siyang lumabas sa nakabukas na kuwarto.
Naglalakad na siya papalayo sa kuwarto. Nadaanan niya ang kuwarto ng kaniyang Lolo Fe, nadaanan niya ang tuktok ng hagdanan at tumigil ng marating niya ang pintuan ng kuwarto ng Tito Felix niya. Pinihit niya ang doorknob. Sigurado siyang wala rito ang Tito dahil may pinuntahan. Pagpasok ay hindi na niya sinara ulit ang pinto, hindi naman siya magtatagal sa kuwartong ito. May kukunin lang ang kaniyang mga munting kamay.
Nilibot niya muna ang tingin sa apat na sulok ng kuwarto at doon tumigil ang kaniyang mga mata sa study table at sa silya nito. Mabilis na nilapitan ito ng kaniyang mga paa. Binuhat niya ang medyo may kabigatang silya. Maingat niya itong dinala sa may paanan ng kama, sa ilalim lamang ng isang lagyanan. Nilapat niya ang silya at dahan-dahang pumatong. Expert na siya sa gawaing ito.
Katapat na niya ang lagyanan at binuksan ito. Doon tumambad sa kaniya ang mga gamit ng Tito Felix. Mga racket, shuttlecock, cap, at iba pa. Napangiti siya, puno ng kagalakan ang mukha. Agad na inabot ng kaniyang maliit na braso ang racket. Kinuha niya ito at nagkuha rin siya ng isang shuttlecock. Binagsak niya ang dalawang gamit sa kama. Gamit ang dalawang kamay ay sinara na niya ang lagyanan. Expert na siya sa gawaing ito.
Lumundag siya mula sa silya papunta sa sahig. Binuhat niya ulit ang silya at binalik sa orihinal na posisyon nito. Binalikan niya ang mga gamit sa kama at kinuha ito. Sa kanang kamay ang racket, kaliwang kamay naman ang shuttlecock. Lumabas siya ng kuwarto at nilipat ang shuttlecock sa kaniyang kanang kamay. Gamit ang libreng kamay ay dahan-dahan niyang sinara ang pintuan. Tumalikod na siya at nagpunta sa hagdanan. Expert na siya sa gawaing ito.
Bumaba siya hagdanan at agad na nagtungo sa likod ng bahay papunta sa bakuran.
"Cholo. Cholo." Parang pabulong na niyang sabi. Agad namang lumabas si Cholo sa kaniyang doghouse at lumapit sa bata. Ngumiti si Frank. "Let's play ulit."
Umatras siya ng kaunti at hinagis sa hangin ang shuttlecock. Ilang segundo lang itong nanatili roon ng hinampas niya uto gamit ang racket. Lumipad ito papalayo sa kaniya. Napangiti siya sa ginawa.
Parang clockwork, awtomatikong hinabol ni Cholo ang shuttlecock at nang nag-landing ay agad niya itong nilagay sa bibig. Mabilis siyang bumalik kay Frank. Niluwa niya ang shuttlecock sa paanan ni Frank.
"Good boy, Cholo." Masiglang sabi ng bata. Sinayaw lang ni Cholo ang kaniyang buntot at hinintay si Frank sa susunod na gagawin. Doon nagsimula siyang magbadminton. Hindi man malakas ang hampas niya, pero determinado naman siyang balang araw magiging kasinggaling siya ng kaniyang hinahangaang Tito.
BINABASA MO ANG
The Clockwork Romance (BL STORY)
RomanceA BL TIME LOOP STORY. Felix is determined to break up with Ford, convinced that eight months is his limit. But time, a mischievous puppeteer, has other plans. Trapped in a relentless loop of the same day, Felix relives his decision, over and over, c...