Prologue

6.3K 193 26
                                    

Si Ice Tsing ng Cupcake Ko

Prologue

"Bwisit namang internet 'to! Bakit ang bagal?!" reklamo ko sa gay best friend ko na si Pao.

"Kalma ka lang, bakla. May mga bagay kasi na hindi nakukuha agad-agad," sagot naman niya.

"Hugot pa more!" Mayamaya biglang bumilis ang internet at bumukas na ang about section ng lalaking gusto ko, si Ice Tsing. "Oh my gosh! Heto na!!"

Agad kaming lumapit sa screen ng laptop ko at sinimulang basahin ang nasa about section ni Ice.

"Wait, wait. Meant to be ba itey? Mahilig siya sa cupcake, oh! E 'di ba mahilig kang mag-bake?" tanong sa akin ni Pao.

Tiningnan ko naman 'yung nakalagay sa about me ni Ice at oo nga, nakalagay ro'n na mahilig nga siya sa cupcake. Nagkatinginan kami ni Pao saka kami sabay na tumili. Oh my gosh!! Ito na ba ang sign na hinihingi ko kay God? At ito na ba ang pagkakataong hinihintay ko para magkalapit kami ni Ice?

"Ano pa'ng hinihintay mo, Lifli? Baka gusto mo ng kumilos at gumawa ng cupcake para sa love of your life?"

Dali-dali naman akong tumakbo sa kusina namin at inihanda ang mga gagamitin para sa paggawa ng cupcake. Parehong chef ang mga magulang ko kaya hindi na nakapagtataka na mahilig din ako sa pagluluto, pero pinakahilig ko ang mag-bake.

At para bang destiny na kaya ako mahilig sa pagbe-bake ay dahil mahilig sa cupcake ang lalaking minamahal ko.

Si Ice Tsing, ang lalaking crush ko mula first year high school. Matalino? Check! Mayaman? Check! Magaling sa sports? Check! Gwapo? Check na check! Hot? Check na check na check! Dati nga iniisip ko kung may mali ba sa lalaking 'yon at habang tumatagal ay nalaman ko na hindi siya sanay magluto. Mahilig lang siyang kumain.

Magkaiba kami ng section kaya sa tingin ko ay hindi niya ako kilala. Matagal ko ng gustong makipagkaibigan sa kanya pero sa tuwing nakikita ko siya ay napapa-nganga na lang ako. Tapos dati nag-iwan ako ng message sa kanya sa facebook pero tanging seen lang ang nakuha ko. Pambihira! Pero kahit gano'n ay hindi nawala ang pagkagusto ko sa kanya.

Ngayong huling taon na namin sa high school, hindi ako makapapayag na hindi niya pa rin ako makikilala. Kaya kahit na maging stalker pa ako ay ayos lang. Ayos lang din kung hindi niya ako magustuhan o kung hindi man masuklian ang aking nararamdaman para sa kanya, basta ang mahalaga ay makilala ako ni Ice Tsing.

Matapos ang halos isang oras na paggawa ng cupcake ay natapos din ako.

"Tadah!" Ipinakita ko kay Pao 'yung ginawa kong chocolate cupcake with strawberry cream icing na nilagyan ko ng cherry sa ibabaw.

"Wow! Mukhang masarap 'yan, bakla!" Kukuha na dapat si Pao ng cupcake pero bigla kong pinalo 'yung kamay niya. "Awray! Titikim lang naman ako."

"Sus. Kanina ka pa nga kain nang kain d'yan, e!" Nag-pout na lang siya kaya itinuloy ko na ang paglalagay ng icing at cherry sa iba pang cupcake.

Nang matapos ako ay inilagay ko na 'yon sa isang magandang kahon.

"Wait lang, Lif! May nakalimutan kang lagyan ng icing at cherry, oh," sabi ni Pao.

"Sinadya ko talaga 'yan. Lahat ng cupcake na ibibigay ko kay Ice ay mayroong icing pero may maiiwan talaga na tatlo."

"Bakit naman? Ano na namang kaartehan 'yan?"

"Hindi 'to kaartehan, 'no! Naisip ko lang kasi na para malaman ko kung magwo-work ba 'tong gagawin ko ay mag-iiwan ako ng tatlong cupcakes na walang icing. Lalagyan ko lang ng icing ang mga 'yon kapag may improvement na kami ni Ice."

Tumangu-tango naman si Pao kaya ipinagpatuloy ko na ang aking ginagawa.

Sa bawat paggawa ko ng cupcake ay mag-iiwan ako ng tatlong cupcakes na walang icing. Lalagyan ko lang ng icing 'yung isang cupcake kapag naging magkaibigan na kami, 'yung isa naman ay kapag naging mutual ang feelings namin at 'yung huli ay kapag naging kami na at kapag naging akin na siya. Oo, sinabi ko na ayos lang kung hindi niya ako magugustuhan pero wala namang masama kung aasa at magbabakasakali ako, 'di ba?

Isa sa aking mga layunin ngayong huling taon ko sa high school ay ang makapagtapos with good grades at ang magkaroon ng icing ang tatlong cupcakes na 'yon. Ang cupcake na 'yon ay ako, si Lifli Lucas, at kung ang ibang cupcakes ay maaaring lagyan ng iba't ibang icing, ako ay hindi. Isa lang ang icing ko at 'yon ay walang iba kung hindi si Ice Tsing.    

Si Ice Tsing ng Cupcake ko (Completed)Onde as histórias ganham vida. Descobre agora