Babaeng Mental-4: Pagtakas sa katotohanan

6.8K 363 50
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved


Babaeng Mental-4: Pagtakas sa katotohanan



Dahil nakitang panatag na ang tulog ng paslit, nagdesisyon siyang lumabas upang makibalita sa paligid. Mataman siyang nag-isip. Pinag-aaralang maigi ang mga pangyayari. 


Sa tagal nang pamamalagi niya sa lungsod, halos lahat na ng uri ng manggogoyo, manggagantso, kawatan, mandarambong, adik, tulak, puta, walanghiya, abusado at mapagsamantalang tao ay nakasalamuha na niya. Kabisado na niya ang likaw ng mga bituka ng mga kagaya niyang biktima ng kahirapan at kawalang katarungan. 


Mga taong kumakapit sa patalim malamnan lang ang sikmura. Mga taong pumapayag magpagamit sa mga makapangyarihan para makasabay sa anod ng malansa at nabubulok na sistema ng lipunan. Ngipin sa ngipin, patalim sa patalim. Pumatay bago pa mapatay. Magpasarap bago lamunin ng lupa ang katawang basta na lamang tinatabunan sa kung saan kapag wala ng silbi at pakinabang. 


Patuloy na yumayaman ang mayayaman habang ang mahihirap ay parami nang parami at lalong naghihirap. Hindi niya masisisi ang ilan kung kumapal na ang sikmura at sa bandang huli ay nasisiyahan na sa mga likong gawa. Nakasanayan na ang mali para sa madaliang pera, hanggang sa akalaing iyon ang tama. Huminto na sa pangangarap na makita at tahakin ang matuwid na landas at ninamnam na lamang ang sarap ng panandaliang kaginhawaan. 


Imbis na umahon ay hinayaan na lamang malublob sa kumunoy ng kawalangyaan at kasakiman. At kung naisin man ang umahon ay huli na dahil nakabaon na ang buong katawan. 


Pagkatapos ay maghahanap ng masisisi, ng maidadamay sa kasawian. Maghahanap ng idadahilan sa mapait na sinapit at naging kapalaran. Kaya nadadamay ang walang kinalaman, ang inosente at walang kasalanan. Kaya walang kapayapaan, walang katapusan ang kaguluhan. Hindi mo alam kung sino ang paniniwalaan at lalong hindi mo tiyak kung kanino magtitiwala.


Kinuha niya ang gomang sapatos na napulot sa isang basurahan at ipinagpag. Matagal na niyang gustong magkaroon ng ganoon. Magaang isuot at kahit umuulan ay hindi masisira mabasa man. Buo pa iyon maliban sa mga kayod ng ngipin. Siguro'y nginatngat ng aso kaya itinapon na lang ng dating may-ari. Medyo malaki kaya nagsuot pa siya ng medyas kahit hindi magkapaa. Lumamukos siya ng papel at isinuksok sa kaloob-looban upang lumapat sa paa. 


Higit iyong mainam kaysa sa tsinelas niyang pudpod na ang sakong at halos nakasayad na ang talampakan sa lupa dahil sa sobrang nipis. Nanghihinayang siya sa singkwenta pesos na pambili ng bago, kailangan niyang makaipon para makapagpadala ng pera sa probinsiya. Lumalaki na ang gastos ng mga kapatid niya dahil apat na ang nag-aaral. May edad na ang mga ito ngunit nasa elementarya pa rin.


Alam naman niyang ganoon lang ang maaabot ng lahat ngunit maigi na iyon. Matuto man lang magbasa, magsulat at magbilang ay ayos na. Ang importante hindi na basta-basta maloloko..., sa kanila. Sa probinsiya man lang ay hindi mapagsamantalahan ang mga ito dahil sa kamang-mangan. Dahil hindi niya hahayaang magtungo sa Maynila isa man sa mga kapatid. Tama nang siya na lang, siya na lang ang magpapanggap na okey ang lahat dito sa masukal na gubat na pinamumugaran ng mababangis na hayop na nakasuot ng damit.


Sinulyapan niyang muli ang paslit na natutulog sa nasasapnang sahig. Tantiya niya ay nasa pito hanggang siyam na taon ang edad nito. Naisip tuloy niya, may benepisyo rin pala ang pagiging kapus-palad. Walang kayamanang nagiging mitsa ng buhay. Walang perang pag-iingatang manakaw. 

Babaeng MentalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon