Chapter One

3.7K 89 3
                                    

"ENCORE! Encore!" malakas na sigaw ng mga manunuod.

"Gusto niyo pa ng isa?" ganting tanong naman ng isa sa apat na babae na nasa stage. Ang buhok nito na maikli at gulo-gulo ay halos tumigas na dahil sa gel na nilagay nito sa buhok. Itinapat pa nito ang hawak na mic sa mga manunuod. Malakas na 'oo' naman ang naging sagot ng mga ito. "Kung gusto niyo pa uling marinig ang mga kanta namin, balik na lang uli kayo dito next Thursday. Good night everyone!"

Malakas na ungol naman ang naging reaksyon ng mga ito. Napangiti na lang si Bullet dahil sa sinabi ng kanilang lider na si Gui. Isa siya sa apat na babae na tumugtog sa stage. Tatlong taon na rin silang tumutugtog sa Sephiroth, 'yon ang pangalan ng bar na kinaroroonan nila. Sikat na sikat ang bar na 'yon sa mga estudiyante, lalo na sa mga kagaya nila na taga-UP Diliman. Malapit kasi ito sa nasabing unibersidad.

Gothic Chickz ang pangalan ng banda nila. Apat na taon na rin nang mabuo ang banda nila at nagsimula 'yon nang magkakilala silang apat sa Freshman orientation. Lahat sila ay pare-parehong mga music majors. Hindi niya mapigilang matawa tuwing naaalala niya ang panahong 'yon. Paano ba naman halos magbangayan silang apat dahil lang sa pag-aagawan sa isang upuan! Pero sino bang mag-aakala na ang simpleng bagay na nagsimula sa away ay magiging simula ng isang malalim na pagkakaibigan?

Bumaba na sila ng stage at dumiretso na sa v.i.p lounge na naka-reserve na para sa grupo nila. Kakaupo pa lang nila nang lumapit sa kanila ang isang balbas-sarado na lalaki. Si Pacifico "Peeves" Suarez, ito ang may ari ng Sephiroth Bar. Lahat sila ay napangiti nang makita ito.

"Hi Peeves!" bati dito ni Ice habang nag-bu-beautiful eyes dito. Ito ang drummer nila. Pinaka-kapansin-pansin dito ang sobrang kulot nitong buhok na lalo pang naging kapansin-pansin dahil kinulayan nito 'yon ng pula. At sobrang laki ng crush nito kay Peeves.

"Hi Ice." Ganting bati nito at ibinaling na nito ang atensiyon sa kanilang lahat. "Grabe talaga ang pagdagsa ng tao dito kapag kayo ang tumutugtog. At dahil do'n, sagot ko na ang drinks niyo ngayong gabi."

"Hay naku Peeves dapat lang no. Ang dami na kaya naming inaakyat na pera dito sa bar mo." Wika na Gui, ang leader/lead vocalist/rhythm guitarist nila.

Napailing na lang ang lalaki. "Sige maiwan ko na kayo at baka kung ano pang maisipang i-suggest nitong si Gui." Anito at iniwan na sila nito.

"Grabe! Parang mas gwapo ngayon si Peeves 'di ba?" kinikilig na wika ni Ice.

"Anong gwapo? Sabihin mo mukhang ermitanyo." Wika ni Jiggs, ang mukhang anime nilang lead guitarist. Mukhang anime dahil sa napaka-wirdo nitong hairstyle. Ang buhok nito sa harapan ay mas mahaba kesa sa buhok nito sa likod. Hindi basta mahaba, hanggang bewang na haba! Samantalang ang buhok naman nito sa likod ay bahagya lang lumampas sa tenga nito. Bukod pa do'n ay half-Japanese din ito.

"Naman Hyacinth, hindi pa rin ba nawawala 'yang ilusyon mo kay Peeves?" wika ni Gui.

Napasimangot naman si Ice dahil sa pagbanggit ni Gui sa buo nitong pangalan. "Hoy Sampaguita, 'wag mo ngang dinadamay ang buo kong pangalan sa panenermon mo." Ganting wika nito na ginamit na rin ang buong pangalan ng lider nila sabay baling kay Jiggs. "At ikaw naman Hinagiku, hindi mukhang ermitanyo si Peeves okay?"

Napangiwi naman ang dalawa, halatang hindi nagustuhan ang pagsasabi ni Ice sa buong pangalan nila. Magsasalita pa sana ang mga ito pero pumagitna na siya. "Tama na 'yan, uminom na lang tayo at magpakalasing." Wika niya sa mga ito, siya naman ang bassist ng banda nila. "And while we're at it, maglaro na rin tayo ng truth or dare para hindi boring."

"And here comes Bullet na wala na yatang ibang gustong gawin kundi magsaya." Wika ni Gui.

"Why? What's wrong with having fun?"

Gothic Chickz: BulletWhere stories live. Discover now