- E : 2 -

582 22 1
                                    





Tinitigan ko ang maliit na kapirasong papel na naglalaman ng "A".

Ace. Iyon ang magiging grupo ko para sa araw na 'to. Pasikat pa lamang ang araw nang tumunog ang batingting na halos bumasag sa aking bungo. Agad bumangon ang lahat sa dormitoryo, nagmamadaling nagsuot ng pantalon at bota kahit kalahating bukas pa lang ang mata. Hindi nagsasayang ng oras si Haki. At ang lalaking iyon ay nagdesisyon na magkaroon ng 'kakaibang' drill para masiyahan naman daw kami.

Walang masaya ngayong umaga. Walang almusal at wala pa sa kundisyon pagkatapos ng mabigat na kompetisyon kahapon sa pagpapatumba ng isa't-isa. Matira ang matibay. Dagdag pa ang ambon na tila lalakas pa pagdating ng tanghali.

Halu-halo ang tunog sa arena. May mga nagtatawag ng "Spade", "Heart", "Club", "King", "Queen", "Joker" at mga numerong "1" hanggang "10". Sari-saring mukha ng mga lalaki na makakalaban namin mamaya para sa karagdagang puntos. 

Mabuti na lamang at walang babaeng narito. Pagkatapos ng kamatayan ni Dalia-- isa sa mga knight noon ng Hari-- ipinag-utos na ang lahat ng mga babae ay ipinagbabawalang pumasok sa paaralan.

Nahanap ko agad si Bronc na nagtatawag ng mga ibang myembro ng Ace.

Malaki at mayabang na ngiti ang isinalubong niya sa'kin. "Sa wakas! Sa'kin ka napunta!" Nagtaas ako ng kilay bilang tanong. Ipinakita niya ang papel niyang may nakasulat na "A" at guhit ng korona sa tabi nito. Siya ang magiging tagapamuno ng grupo. Pinilit kong wag mapailing.

Hindi isang magaling na lider si Bronc at hindi rin magaling sa paggamit ng sandata. Nakatagal na lang siya dito dahil sa laki ng kanyang katawan at pandaraya.

"Magaling," sagot ko. Lalong lumaki ang ngiti niya.

Sa gawing kanan namin ay nakita ko si Yohan, isang pigurang tahimik at napapaligiran ng mga nakangiting kaklase. Kung makatingin sila sa kanya ay tila tagapagligtas siya ng kanilang lahi. Sinong di matutuwa? Ang nangungunang pangalan sa ranking ay kagrupo mo? May 70% na tsansa ka nang maging ligtas ngayon sa drill. 

Ngunit may napansin ako. Isang lalaki na nanginginig ang sumisigaw ng "Spade" at sa leeg nito, kumikinang ang gintong kwintas niya. Si Cleid.

Muntik na akong matawa.

Nasa grupo nila si Yohan, ngunit ang tagapamuno nila ay isang iyakin?

Kalimutan na nila ang 70%. Ngunit naalala kong ganito rin pala ang kalagayan ko. Si Bronc ang magdedesisyon ng lahat para sa'min. Ibig sabihin, kasing malas din ako ni Yohan. 

"Hmp," iling ko. Mabuti na iyon.

Nang magkita-kita na ang lahat ng magkakagrupo ay pinaayos kami sa labing-walong linya. Binigyan ang bawat myembro ng mga grupo ng wristband. Nakaayon ito sa kulay ng bawat isa. Sa amin ay berde. Kahel ang kina Yohan. 

Si Haki ay nasa entablado sa harap ng mikropono, isang natutuwang ngisi sa kanyang bibig. Nasasabik na siyang makita kaming maglabanan hanggang putik. Lihim akong umirap. Kahit ako ay nasasabik na kinakabahan.

Simple lamang ang 'laro', tawag ni Haki. Mabibigyan kami ng mga sandata. Ang bala ay hindi totoo, ngunit sasakit na tulad ng tunay. Pagkatapos, mapaparalisa ang parteng tinamaan. (Maraming natakot sa parteng iyon. Panandalian din daw iyon hanggang madala kami sa klinik pagkatapos ng drill.) 

Paraisla ii: KahaliliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon