KABANATA I

227 45 15
                                    

Malalim na ang gabi, tanging ang liwanag lamang na nanggagaling sa laptop ang tumatanglaw sa may kaliitang kwarto ni Lesley. Napakasaya niya ng gabing iyon dahil sa wakas ay natupad na ang kanyang kahilingan, ang bilhan ng bagong laptop. May kalumaan na kasi ang unang bigay ng kanyang ama na nabili pa sa kumpare nito.

Dahil sa kasabikan ay agad niya itong sinubukan. Pagkatapos nitong maghapunan, dali-dali itong naglinis ng katawan at pumanhik sa kanyang kwarto. Agad nitong binuksan ang pakay niyang website at muling itinipa ang mga istoryang matagal ng nakabinbin sa drafts ng online app na kanyang ginagamit. Natutuwa ito dahil mas madali na niyang nakita ang mga mali sa gramatika at mga limbitning biso sa istoryang kanyang balak na ilathala.

Sobra siyang nalibang sa kanyang ginagawa. 'Ni hindi na niya namalayan ang pagtakbo ng oras. Saka lang siya tumigil nang makaramdam ito ng pananakit ng likod. Masakit na rin ang kanyang p'wetan dahil sa mahabang oras na pagkakaupo niya sa kanyang kama. Pati ang kanyang leeg ay nangangawit na rin dahil sa ilang oras na pagkakyuko.

Sandali siyang tumayo para banatin ang kanyang mga nangangalay na braso at masahihiin ang nangingirot niyang likuran. Nang matapos ay sinipat nito ang orasan na nasa ibabang bahagi ng screen at nakitang mag-a-alas dose na.

"Kaunti na lang, matatapos na rin ang kabanatang ito," bulong niya at bumalik sa pagkakaupo sa kanyang kama saka ipinagpatuloy ang pagtitipa.

─────

Sunod-sunod na palo sa paa ang ginawa ng lalaki kay Amanda. Iwinasiwas pa nito sa ere ang hawak na dos por dos saka muling inihampas sa binti ng dalaga.

Mangiyak-ngiyak na gumagapang sa sahig ang kawawang si Amanda habang paulit-ulit na na nagmamaka-awa sa lalaking naka maskara ng kulay pula. Nagmistula ng lantay na gulay ang mga binti o 'di kaya'y isang karne na ilang beses nang dinikdik.

Hindi na magawa pang magsalita ni Amanda at tanging mahihinang ungol lamang ang inilalabas ng kanyang bibig. Patuloy lang ang kanyang paggapang paatras, nagbabakasakaling matakasan niya ang demonyong gustong kumitil ng kanyang buhay.

Hanggang ang kaninang mahihinang ungol ay tuluyan ng nawala at napalitan ng nakabibinging katahimikan. Bumulagta ang walang kalaban-laban na katawan ni Amanda. Kasabay no'n ang pag-agos ng kanyang dugo mula sa kanyang bibig at ilang parte ng kanyang ulo.

─────

"Tahimik namang umalis ang lalaki na parang walang nangyari saka itinapon ang suot nitong maskara," wika ni Lesley sa hangin habang nagtitipa saka pinindot ang huling letra para mabuo ang huling pangungusap. Pagkatapos ay dali-dali niyang k-in-lick ni ang PUBLISH. Nasasabik ito sa magiging reaksyon ng kanyang mambabasa sa kanyang bagong update.

Isang manunulat ng wattpad si Lesley. Hilig nito ang magsulat ng mga katatakutan, misteryo at patayan. Dahil sa panonood at pagbabasa ng mga istoryang may ganitong tema, umusbong ang kagustuhan niya na magsulat ng sarili niyang k'wento.

Kakasimula pa lang niya sa wattpad kaya kaunti pa lamang ang kanyang mga mambabasa at tagasubaybay, bagay na ayaw niya. Pakiramdam niya ay nawawalan siya ng gana sa tuwing nakikita niyang kaunti lamang ang nadadagdag sa reads at boto ng kanyang mga k'wento. Pero dahil sa kagustuhan niya na makatapos at makalimbag ng sarili niyang libro, ipinagpatuloy niya pa rin ito.

Ngayon ay umaasa siya na dadami na ang kanyang mga mambabasa at mas sisikat ang kanyang pangalan sa mundo ng wattpad.

Nang matapos nang maipost ang kabanatang kanyang itinipa, iginalaw na nito ang cursor papunta sa windows logo at pinindot ang power option at isinarado ang laptop. Nakakaramdam na rin siya ng antok kaya hindi na niya magawa pang hintayin ang tuluyang pag shutdown ng kanyang laptop.

Mabuti na lang at Biyernes ngayon, kung hindi ay mapapansin na naman ng kanyang mga kaibigan ang mga itim sa paligid ng kanyang mga mata, tanda na napuyat na naman ito sa kakasulat.

Maya-maya pa ay humiga na ito sa kanyang kama at nakangiting niyayakap ang paborito nitong stuffed toy. Ilang minuto lang ang lumipas ay maririnig na ang tunog ng isang babaeng mahimbing nang natutulog.

**********

Kinabukasan ay nanlalatay siyang bumangon sa kanyang kama habang pilit na inaabot ang teleponong kanina pa paulit-ulit na nag-ri-ring. Nakapatong ito sa mesa katabi ang kanyang laptop. Bahagya pa nitong kinusot ang mata gamit ang kaliwang kamay upang malinaw na makita kung sino ang tumatawag. Napakunot noo naman siya nang mabasang si Steffany ang tumatawag, ang kanyang matalik na kaibigan.

"Ano kayang kailangan nito," tanong niya sa sarili. Wala naman siyang naaalala na may napagplanuhan silang lakad na pupuntahan. Nagtataka man ay sinagot pa rin nito ang tawag, bagay na pinagsisihan niya.

"Lesley, patay na si Amanda."

EUDORIA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon