KABANATA II

159 44 10
                                    

"Nakakaawa talaga ang sinapit ni Amanda. Kahit na kaaway natin 'yon ay naging parte pa rin siya ng ating grupo. Akala ko nga no'ng una ay nagbibiro lang si Daniel ng sabihin 'yon," nalulungkot na turan ni Steffany habang nakahalumbabang nakatingin sa kanyang telepono kung saan naka display ang huling larawan nilang tatlo na magkasama.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Lesley sa kanyang narinig na balita. Magbabarkada silang tatlo ni Amanda simula pagka bata. Naging matalik silang magkaibigan hanggang high school. Ngunit nang tumuntong na sila ng kolehiyo, nagkaroon na ng ibang kaibigan si Amanda, gawa na rin sa magkaiba ang kursong kinuha nito. Dismayado naman ang dalawang naiwang kaibigan dahil sa ginawang paglimut sa kanila ni Amanda.

"Ano ba kasi ang nangayri?" usisa ni Lesley kay Steffany at pinatay ang telepono. Nasa isang fast food chain sila ngayon malapit sa kanilang paaralan. Pagkatapos mabalitaan ni Lesley ang pagkamatay ng dati niyang kaibigan ay dali-dali itong nag-aya na makipagkita kay Steffany para isalaysay ang mga nangyari.

Inaamin ni Lesley sa kanyang sarili na may galit ito kay Amanda. Maliban kasi sa ginawang pang-iiwan nito, siniraan din siya ni Amanda sa kanyang mga kaklase at sa dating nobyo na si Ezekiel. Kung ano-anong masasakit na salita ang kinalat nito.

Malandi.

Pokpok.

Mang-aagaw ng s'yota.

Ilan lang ito sa mga narinig niyang ikinalat ni Amanda. Pati ang mga lihim at sekreto niya ay inilabas din ng kanyang kinikilalang kaibigan. Gusto man nitong patulan si Amanda, pinili na lang niyang manahimik sa mga oras na 'yon. Hindi sa natatakot siya kay Amanda, kun'di dahil totoo lahat ang sinabi ng kanyang dating kaibigan.

"Alas dose d'yes ng gabi ng pasukin ang bahay nila ni Amanda ng isang magnanakaw. Naka suot ito ng kulay itim na damit, 'yong may hood?" panimulang sagot ni Steffany at sandaling tumigil para tulungan ang serbidora na ilapag sa mesa ang mga pagkaing in-order nila.

"O, tapos?" agad na tanong ni Lesley nang umalis na ang babae.

"Hindi naman daw pagnanakaw ang motibo no'ng lalaki. Si Amanda. Kasi no'ng tingnan ang mga gamit nila tita sa bahay, kumpleto naman lahat. Maliban na lang sa—" sa pangalawang pagkakataon ay tumigil ulit sa pagsagot si Steffany. Nagdadalawang isip siya kung sasabihin ba niya ang kanyang nalalaman. Kinausap kasi siya ng kapatid ni Amanda na si Daniel na kung maaari ay h'wag ipagkalat ang kalunos-lunos na sinapit ni Amanda hanggat hindi pa nahahanap ang taong nasa likod ng karumaldumal na krimen.

"Maliban sa ano?" muling tanong ni Lesley. Alam ni Steffany na hindi siya titigilan ni Lesley hangga't hindi nito nakukuha ang sapat na impormasyon. Pero dahil matalik niya itong kaibigan at naging kaibigan rin nito ang biktima, pinili na lang niyang ibahagi ito.

"Nawawala ang mga mata ni Amanda. Ang dalawang mata niya." Agad namang napatakip si Lesley sa kanyang bibig. Parang hindi ito makapaniwala sa kanyang narinig.

"Tapos ang nakakaloka pa, parang karneng pinagpi-p'yestahan ng mga aso ang mga paa nito sa sobrang gutay-gutay. Promise, sobrang nakakaawa ni Amanda tingnan," pagpapatuloy ni Steffany at saka lang nito napagtanto na nasa harapan pala sila ng mga pagkain. Nandidiri ito hindi dahil sa pagkaing kinakain niya kun'di sa mga imaheng pumapasok sa kanya dahilan para agad itong mapainum ng tubig.

"Hindi ka ba nandidiri, Ley? Talagang dito pa natin napiling pag-usapan 'yan?" hindi makapaniwalang tanong nito sa natatawang si Lesley.

"Nako, hindi na ako tinatablan n'yan. Nagsusulat nga ako, 'di ba?" pagpapaliwanag ni Lesley saka dumampot ng fries at kinagat ito.

"Sabagay, ah— basta. Mamaya na lang ako kakain." Inilayo ni Steffany ang mga pagkain sa kanya at tanging softdrinks lang ang iniwan.

"Ikaw bahala. Pero teka, paano mo ba nalaman? Nakita mo sa personal?"

"Hindi baliw. D'yos ko, baka masuka lang ako do'n" Medyo napalakas ang boses ni Steffany dahilan para mahampas siya sa balikat ni Lesley.

"Hinaan mo nga ang boses mo. Baka may makarinig," bulong ni Lesley sa kanyang kaibigan at panakaw na sinipat ang mga tao malapit sa kanilang mesa.

"Hayaan mo sila," walang gana nitong wika at hindi na nag-abalang tingnan ang mga tao sa kanyang paligid.

"Si Daniel, 'yong kapatid niya ang nagsabi. Nadatnan nalang nila kaninang madaling araw ang nilalamog na bangkay ni Amanda."

"Tapos ito pa ang mas nakakaloka. Nang sinubukang tingnan ang cctv, hindi ito gumagana. Hanggang do'n lang sa pagbukas ni Amanda ng pinto at 'yong mga sumunod na nangyari ay 'di na nakunan ng cctv," pagpapaliwanag nito.

"Pa'no nangyari 'yon?"

"Nako h'wag mo nang itanong at hindi ako expert d'yan. Ang gagawin na lang natin ay pumunta sa bahay nila mamaya."

Mula sa mga narinig ni Lesley, hindi nito maiwasang hindi mapaisip sa mga nangyari kay Amanda. Hanggang sa matapos na silang kumain, nanatili pa rin siyang aligaga. Nakaramdam ito ng kaunting pagsisisi dahil hindi man lang siya nakahingi ng tawad sa dating kaibigan. Ang hindi magandang pag-uusap nila noong nakaraan ang tanging naipabaon niyang alala kay Amanda.

Sa tuwing may nagiging kaalitan si Lesley, ginagamit niya ang mga pangalan nito at sinasama niya sa kanyang k'wentong sinusulat. Sa ganitong paraan, pakiramdam niya ay para na rin siyang nakaganti. At dahil nga sa galit niya sa kaibigan na si Amanda, isinama niya ito sa istoryang pinamagatang Eudoria at kagabi nga ay sinusulat na nito ang huling kabanata ni Amanda— ang kabanatang kailangan na nitong mamatay.

Bagama't nalulungkot siya sa biglaang pagkawala ng dati niyang kaibigan, may parte naman sa kanyang isipan ang nagsasabing dapat siyang matuwa. Wala ng kontrabida sa buhay mo, Lesley.

Du hast das Ende der veröffentlichten Teile erreicht.

⏰ Letzte Aktualisierung: Sep 23, 2020 ⏰

Füge diese Geschichte zu deiner Bibliothek hinzu, um über neue Kapitel informiert zu werden!

EUDORIA Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt