Chapter 21 *Ang Seventh Region*[Part 1]

1.3K 61 0
                                    

Habang naglalakad sina Emerald at Nikela unti-unti na rin nawawala ang mga nyebe.

May nadaanan silang kweba.

Iminungkahi ni Nikela na magpalipas na muna sila roon ng gabi.

Ang sabi ni Emerald di siya matutulog pero nakatulog pa rin siya. Parang ganito rin ang nangyari noong unang beses silang magkita ni Nikela. Noong nakatulog siya pagkagising niya wala na ang lalaki.

Naisip ni Emerald na baka ganoon uli ang mangyari pero hindi. Nang magising si Emerald nakita niya si Nikela na mahimbing na natutulog. Napansin din agad niya ang mga prutas na nasa tabi nito.

Kailan niya kinuha ang mga prutas na yan? Mukhang habang tulog siya ay humanap na ng pagkain ang binata. Salamat naman dahil nagugutom na siya. Di na siya nagdalawang isip pa, kumuha siya ng mga prutas at sinimulan iyong kainin.

Habang kumakain ay napapatigin siya sa lalaki.

Si Nikela ang klase ng tao na hindi mahirap magustuhan. Napakakisig niya. Malakas at matulungin. Gusto ko sanang isipin na posible kami kaya lang hindi puwede. Hindi puwede dahil nasa Venus kami. Bukod do'n hindi pa ako sigurado kung nakalimutan ko na ba talaga si Gerad.

Ang mga bagay na iyon ang naglalaro sa isipan ni Emerald. Iyon din ang rason kung bakit ayaw niyang tanggapin ang pagtatapat ni Nikela.

"Double Zero, wag!" Biglang napasigaw ni Nikela. Kasabay noon ang pagbangon nito.

Ikinagulat iyon ni Emerald. Nalaglag niya ang prutas na kinakain. "A-Ayos ka lang ba, Nikela?"

"Ah..." Emerald..." Doon lamang tila nahimasmasan si Nikela. "S-Si Double Zero... nandito ba siya? Nakita mo ba siya?"

Umiling si Emerald. Mukhang nananaginip si Nikela. Napanaginipan nito na dumating ang kakambal.

Mabuti na lang panaginip lang iyon, naisip ni Emerald. Anong mangyayari kung biglang magpakita si Double Zero? Kahit mas lumakas na siya ngayon alam niyang wala pa rin siyang laban sa taong iyon.

"Gumaan ang loob ko, mabuti na lang hindi siya nagpunta rito," sabi ni Nikela. "Ang mabuti pa Emerald umalis na tayo. Kailangan ko nang makabalik sa region namin bago pa sumulpot dito si Double Zero."

"Sige. Kailangan ko na rin makarating sa Seventh Region."

Naghanda na ang dalawa sa pag-alis. Walang anomang dala si Nikela kaya siya ang nagbuhat sa malaking bag na dala ni Emerald. Kapit naman ni Emerald ang kanyang katana. Kaunting lakad na lang ang ginawa nila bago nila tuluyang narating ang Seventh Region.

"Ang Seventh Region ay nahahati sa tatlong bahagi. Una, ang disyerto kung saan nakalagak ang tarangkahan ng Venus. Pangalawa ang pamilihan. Pangatlo ang kanilang Den. Sa lahat ng region teritoryo nila ang pinaka maliit," paliwanag ni Nikela.

Narinig na ni Emerald ang tungkol doon kaya hindi na siya masyadong nabigla. Napatunayan niya rin na totoo iyon nang makarating sila sa pamilihan ng Seventh Region. Kahit minsan hindi pa nakapunta rito si Emerald, ang sabi kasi ng marami wala naman mabibili sa lugar na ito at mukhang tama sila dahil iisa lamang ang tindahan na nakikita niya. Ibang-iba ito sa pamilihan ng ibang mga region na kabilaan ang mga nakatayong stall. Kasalukuyang sarado ang nasabing tindahan.
Pagkalampas nila rito, nakakita si Emerald ng dalawang daanan. Sa kanang daan ay may nakapaskil na 'Do Not Enter'. Napahinto si Emerald nang mabasa iyon. "Teka... hindi ba maliit lamang ang teritoryo ng Seventh Region? Bakit may ipinagbabawal pa silang daan?"

Mabilis iyong sinagot ni Nikela. "Ang daang yan ay papunta sa disyerto. Sa pagkakaalam ko hindi nagpupunta diyan ang mga taga Seventh Region dahil maraming kakaibang hayop sa lugar na yan. Hindi rin sila diyan dumadaan sa tuwing napipili sila na sumundo dahil kung yan ang gagamitin nila di sila makakapunta sa ibang region. Ginagamit nilang pagkakataon ang pagsundo para mamili."

"Kung gayon, may sundo rin pala na napipili sa lugar na ito?"

"Oo naman. Kahit papano may malakas din dito. Sa kaliwa ang daan papunta sa Den nila. Sa gitna iyon ng kakahuyan kaya doon na rin sila nangangaso. Naandon din ang taniman nila ng mga gulay."

"Aba... Nikela, ang dami mo pa lang alam sa Seventh Region?" napansin iyon ni Emerald.

"Oo, marami talaga," sabi ni Nikela bago nito inilapag ang bag ni Emerald. "Emerald, pasensiya na pero hanggang dito na lang kita masasamahan. Kailangan ko na kasi bumalik sa First Region. Basta diretsuhin mo ang kaliwang daan at mararating mo na ang Den ng Seventh Region."

"Ah, sige! Salamat sa paghatid."

"Babalik ako," sabi ni Nikela bago ito naglaho na parang hangin.

Isa pa ito sa dahilan kung bakit ayokong tanggapin ang pagtatapat niya. Dahil langit at lupa ang pagitan namin. Taga First Region siya at taga Seventh na ako. Malabo talaga kami, naisip ni Emerald bago siya huminga nang malalim. Binuhat niya ang kanyang gamit at nagsimula nang humakbang.

BUMUNGAD KAY EMERALD ang isang malaking bahay na nasa itaas ng puno.

Ito pala ang hitsura ng Den ng Seventh Squad.

Nakasentro ang tingin ni Emerald sa bahay nang may biglang bumulusok na palaso sa kanyang direskyon. Tumama ang palaso sa puno na nasa likuran niya. Gulat na gulat siya sa pangyayaring iyon. Ang buong akala niya tatamaan siya ng palaso.

"Sino ka?" Isang babae ang nagtanong. Nakatayo ito sa sanga ng isang puno dala ang kanyang pana. Malinaw na ito ang nagpakawala ng palaso. Hindi naman malaman ni Emerald kung paano sasagot lalo na nang mapansin niya na kahawig ni Jo ang babaeng iyon. Para itong pinabatang bersyon ni Jo.

"Tinatanong kita. Sino ka? Kapag hindi ka sumagot sisiguraduhin ko na tatama na sayo ang aking palaso!"

Inilabas ni Emerald ang kulay ginto niyang bandana. Itinaas niya iyon upang makita ng babae.

"Bagong kasapi ka?" Parang di makapaniwala ang babae. Agad itong lumukso pababa at lumapit kay Emerald.
Tama nga. Kamukha ito ni Jo. Napatunayan iyon ni Emerald nang makita niya ito ng malapitan.

"Ako si Mary Hermione, ang pinuno ng Squad na ito," pagpapakilala ng babae. Bukod sa hitsura nito na di nalalayo kay Jo kapansin pansin ang kulay pula nitong bandana sa leeg.

"May bago tayong kasapi?" May biglang sumilip mula sa bintana ng tree house. Isa lamang iyon na nasundan ng isa pa hangang sa dumami.  Lahat sila ay may kulay pulang bandana.

Sila na bang lahat ang miyembro ng Seventh Squad? napatanong si Emerald.

"Ang ganda ng damit niya."

Narinig ni Emerald na sabi ng isa. Doon niya napansin na kupas ang mga damit na suot ng mga tao roon.

"Marami ka bang dalang damit?" tanong ng isa pa. "Dapat nagdala ka na ng marami kasi wala ka nang pagkakataon makapunta sa Sixth Region para bumili."

"Nagdala ka na rin sana ng mga pagkain kasi gulay at kaunting karne lang ang makakain mo rito."

"Kawawa ka naman, di ka na makakalabas dito." Kung anu-ano ang sinabi ng mga bilanggo.

"Magsitigil kayo!"
Ang matapang na boses ni Mary Hermione ang nagpatahimik sa kanila. Isang tingin lamang nito ay alam na agad ng mga bilanggo na kailangan na nilang bumalik sa kani-kanilang mga silid. Iyon naman ang ginawa nila. Muling tiningnan ni Mary Hermione si Emerald. "Sumunod ka sa'kin." Lumukso ito papunta sa pintuan ng kanilang bahay. "May maliit na hagdan diyan. Puwede mo yan gamitin para makaakyat dito."

"Hindi na kailangan," sagot ni Emerald. Lumukso rin siya upang makapunta roon. Napasipol si Mary.

"Maganda yan. Mabuti dahil hindi mahina ang buto mo," sabi nito bago sinipa ang pinto papasok sa kanilang Den. Nakasunod sa kanya si Emerald.

Prisoners in VenusWhere stories live. Discover now