Chapter One

30.6K 787 971
                                    

"LATE na, Carol. Huwag mong hintaying magbukang-liwayway bago mo maisipang umuwi. Lasing ka na, eh," napapailing na sita ni Jopay. Waitress ang kaibigan sa mumurahing resto bar na iyon sa Cebu. Inilapag ni Jopay ang isang baso ng malamig na tubig sa ibabaw ng mesang kanina pa niya mag-isang inookupa.

Sumimangot si Carol. "Twenty-four hours naman kayo, 'di ba? Alas-onse y media pa lang."

"Bruha, dalawang tao ang dapat nagse-celebrate ng anniversary, hindi mag-isa."

Napalabi siya, namumungay na ang mga mata. "Busy si Derick. Siguradong mamaya lang, tatawag iyon sa akin, mag-e-explain."

"No'ng birthday mo, ganyan din ang ginawa niya. Hindi ka niya sinipot, ni hay ni hoy, wala. Nagpadala ng gift pero two weeks nang tapos ang birthday mo. Pa-undas na nga, eh. Kailangan pa ba 'yon ng paliwanag, eh, malinaw pa sa sikat ng araw na hindi ka n'on mahal?" nakasimangot pa rin na pagpapaalala nito sa kanya. Kipkip ni Jopay ang tray na pinaglagyan nito ng baso ng tubig niya.

"Grabe ka." Tumawa siya pero ang totoo, sapul na sapul siya. "No'ng birthday ko, expected ko na na hindi talaga siya makakapunta. Tumawag siya sa akin, 'di ba?"

"Oo. At nagdahilang nasa out of town kasama ang barkada. 'Susmaryosep, inuna pa 'yon kaysa sa birthday ng girlfriend niya?"

"Pinayagan ko naman, eh," mahinang sabi niya.

Napapailing na lang na tinalikuran siya ni Jopay para asikasuhin ang iba pang customer sa bar.

Kahit anong pagbibingi-bingihan ni Carol, alam niyang tama ang kaibigan. Kahit hindi siya deretsuhin ni Derick, nararamdaman niyang hindi na nga siya ganoon kaimportante sa lalaki. Pero gusto niyang umasa. Hindi naman ganoon kabilis makalimot ang puso, hindi ba? Baka naman space lang ang kailangan ni Derick, at sooner or later, mare-realize nito ang pagkukulang sa kanya.

Bago naman nagkulang at nanlamig si Derick sa kanya, naging sweet at maalalahanin itong boyfriend. Gusto niyang isipin na kaya sila nagkakaganoon ay dahil busy talaga ito sa trabaho. Pangatlo si Derick sa mga naging boyfriend niya. Ang una, si Francis. Nasa first year college siya nang manligaw ito sa kanya na walang patumpik-tumpik niyang sinagot. Noong una ay maayos naman ang naging relasyon nila. Pero iyon nga, bago pa man sila mag-apat na buwan ay tinapos na nito ang relasyon nila.

Nasaktan noon si Carol. Pakiramdam kasi niya, wala siyang ginawang masama para ayawan siya ni Francis. Maganda naman siya, nag-aaral nang mabuti, nagtatrabaho nang maigi, nagreregalo kapag monthsary nila, inaalala kung okay lang ito kahit siya ang kulang sa pahinga. Pero wala. Ang sabi lang ni Francis, hindi raw siya ang nagkulang. Na ito raw ang may problema. Na ito raw ang dahilan kung bakit sila maghihiwalay.

Binalak ni Carol na maghabol, umapela kahit hanggang sa Supreme Court. Ang kaso, hindi na nagpakita pa ang ugok. Nabalitaan na lang niya na nakikipagli-live-in na si Francis kasama ang batchmate nito noong high school.

It took her months to move on. Iyong totally wala na talaga siyang nararamdamang sakit kapag naaalala si Francis. And then she met Santi, halos walang ipinagkaiba ang naging issue nila ng lalaki sa naging issue nila ni Francis.

Then came Derick. At umaasa siyang ito na nga ang kanyang Prince Charming. Ang lalaking nakaguhit sa mga palad niya. Ang lalaking nakatadhana para sa kanya. She wanted to believe so, lalo at totoong pang-Prince Charming ang looks nito.

Kaso, mahigit dalawang buwan nang nararamdaman ni Carol ang unti-unting paglayo ng loob ni Derick sa kanya. Madalas na itong tumatangging makipagkita sa kanya. Kung sisipot man, ilang oras muna siyang maghihintay.

But Derick was a really, really busy person. Maykaya rin naman ang pamilyang pinagmulan nito. Nagtatrabaho ito bilang branch manager ng isang home appliance center. Kapo-promote pa lang ni Derick kaya naiintindihan niya kung bakit natatapos ang isang linggo na hindi man lang siya nito natatawagan.

Men In Tux 2 : Fall For Me Again (Preview)Where stories live. Discover now