Chapter Three

21.2K 736 849
                                    

"WE'LL call you."

Matamis na ngumiti si Carol kay Miss Rodrigueza, ang HR staff na nag-interview sa kanya. "Please do," sabi niya, saka inabot ang kamay sa babae para makipag-handshake. Tinanggap naman nito iyon.

Binitbit niya ang handbag, nakaukit pa rin ang ngiti sa mga labi hanggang sa makalabas siya ng opisinang iyon. Pangatlong kompanya na iyon na pinag-apply-an niya sa loob ng nakalipas na apat na araw. Pudpod na ang sneakers niya sa kalalakad. Kung bakit naman kasi parang tuloy-tuloy ang kanyang kamalasan. Kahit kitchen crew o cashier o bagger pinatos na niya, hindi nga lang siya matanggap-tanggap.

"We'll call you," nakasimangot na ulit ni Carol sa sinabi ng interviewer nang mapag-isa siya. Ilang beses na niyang narinig ang mga salitang iyon sa dami ng trabahong in-apply-an. Pinalambot at mas sosyal na version iyon ng, "Hindi ka puwede dito."

Napabuga siya ng hangin. Tatlong buwan din mahigit ang bakasyon sa eskuwela kaya gusto niyang samantalahin ang pagkakataong iyon para kumita. Ang orihinal niyang plano ay umuwi sa bayan nila sa Panglao para bisitahin si Lola Leonida at ang labing-apat na taong gulang niyang pamangkin na si Rein. Pero nanghihinayang siya na palipasin ang mga buwan nang wala man lang pinagkakakitaan. Higit kailanman, ngayon niya mas kailangan ng trabaho at pera dahil ilang araw na lang ay mawawalan na siya ng matitirhan. Magbabakasyon pa rin naman siya nang dalawa hanggang tatlong araw sa Panglao bago magpasukan.

Kagaya ni Carol, ulila na rin sa mga magulang si Rein. Si Lola Leonida na ang nag-aruga sa bata mula nang mamatay ang kapatid niyang si Jonah at ang asawa nitong si Paul sa sunog tatlong taon na ang nakararaan.

Nakalabas na siya ng establisimyento nang mapansin ang isang pares na bumababa ng taxi. Nakaalalay ang lalaki sa babae. Nangangati tuloy ang mga daliri niyang i-text uli ang boyfriend. Ilang text messages na ang ipinadala niya rito mula noong isang linggo pero madalas na "K," "Yes," "No" lang ang reply nito.

Pumara si Carol ng jeep. Kampante siyang naupo matapos makapagbayad. Dederetso na siya sa inuupahang kuwarto sa Roque Building para magpahinga. May apat na oras pa siya para matulog bago mag-umpisa ang trabaho niya sa isang KTV bar bilang kahera.

Pero hindi pa man nakakalayo ang jeep ay nagkukumahog na uli siyang pumara. Nagmamadali siyang bumaba, hindi hinihiwalayan ng tingin ang nakitang pares ng babae at lalaki na magkahawak-kamay na naglalakad papunta sa isang restaurant sa kabilang kalsada.

"Lord, please sabihin mo sa 'king hindi siya si Derick ko," bulong ni Carol. In denial pa sana siya. Pero nakita niya nang halikan ng lalaki ang babae sa tuktok ng ulo nito. Pati kung paano nagpalitan ng malagkit na ngiti ang dalawa na parang ang mga ito lang ang tao sa mundo.

Binilisan niya ang paghakbang nang makitang tuluyan nang nakapasok ang dalawa sa restaurant. Ang hinayupak, kaya pala ang iiksi ng mga ang sagot sa text messages niya, may idine-date na pala kasing iba.

Pinatapang ni Carol ang ekspresyon ng mukha nang humakbang siya palapit sa mga ito.

Napigil ang akmang paghila ni Derick ng upuan para sa kasama nang makita siya.

"Friend mo?" tanong niya nang makalapit. Sa babaeng nakataas ang kilay habang nakatitig sa kanya nakatuon ang nang-uusig niyang tingin.

"Carol..."

Inilipat niya ang tingin kay Derick na walang mahagilap na idugtong sa sinabi.

"Carol?" ulit niya. "Ang sabi mo sa akin, mas masarap banggitin ang 'princess' kaysa sa pangalan ko. 'Tapos ngayon, Carol? Carol na lang?" sumbat niya.

"Sino ba 'to, honey?" mataas ang boses at matalim ang tingin na tanong ng babaeng kasama ni Derick. Naikuyom naman niya ang mga kamay. "Sino siya, Derick?" tanong uli ng babae.

Men In Tux 2 : Fall For Me Again (Preview)Where stories live. Discover now